MAIKLING
KUWENTO
Kulob
Ni Rayts dc
TAG-ULAN naman.
Tiyak na magbabaha na naman sa Barangay Kalumpit, ang pinakakawawang
lugar sa San Isidro. Kung ang isang buong araw na pag-ulan ay katumbas
ng hanggang tuhod na baha, mano pa kaya ang dalawa hanggang tatlong
araw ng walang tigil na ulan? Marahil ay mawawala na sa mapa ng
Pilipinas ang maliit na bayang ito.
"Namputsang
ulan ka! Tumila ka naman!" sigaw ni Mang Kado. Panay na naman
ang pakiusap nito sa ulan. Tila ba isang tao ito na pwedeng pagsabihan
pag sumosobra na o kaya naman ay pwedeng pagalitan pag wala na sa
lugar.
Pilitin ko mang
wag pansinin at balewalain ang ginagawa ng gunggong na ito ay sadyang
hindi pwede. Bukod sa magkalapit lamang kami ng bahay ay sobrang
lakas ng boses ng matanda na umaalingawngaw hanggang sa loob ng
aming bahay. Ang kanyang monologue ay tila isang public exhibition.
Ngunit sa wari
ko naman ay sanay na ang mga tao sa kanya. Parang isang sine na
paulit-ulit na pinapalabas, kaya kahit libre ay wala nang dating
sa mga manonood. Wala nang nag-aaksaya ng panahon para pagtakhan
pa ang kanyang ginagawa. Pangkaraniwan na ang ganitong tanawin sa
lugar na yun.
"Hayaan
na yang matandang yan. Matagal nang may lamat ang utak nyan. Simula
nang iwanan yan ng kanyang asawa at sumama sa ibang lalake e nagkawindang-windang
na ang pag-iisip nyan."
Narinig ko lang
yun. Di ko alam kung totoo yun. Bagong lipat lang ako sa Kalumpit
kaya wala akong alam.
Di ko agad namalayang
mag-iisang oras na akong nakatunghay kay Mang Kado. Wala kasing
kuryente simula pa kaninang umaga. Buti na lang at natapos ko nang
labhan ang santambak na labada. At dahil nga malakas ang ulan, di
ko maisampay sa labas ng bahay ang naglalatiting mga damit. Natapos
ako't lahat sa paglalaba at pagsasampay ay di pa rin tumigil ang
ulan. Di pa rin nagkaka-kuryente.
"Tumigil
ka na ano ba! Malapit na kaming mawala sa mapa!" muli ay narinig
kong sigaw ni Mang Kado. Napabalikwas ako sa aking pagkakaupo. Masyadong
malakas ang huling sigaw na yun. Mukhang galit na talaga siya sa
di matinag-tinag na ulan. Nakita ko ang isang batang naglalakad
sa baha kanina. Hanggang bewang na niya ang tubig. Isipin mang di
kukulangin sa apat na talampakan ang bata ay nakakaalarma pa rin
ang ganuong pangitain. Pano nga kaya kung di humupa ang ulan?
Sa huli'y pinosisyon
ko ang sarili ko para samahan si Mang Kado sa pangungumbinsi sa
pagtigil ng ulan. Sa isip lang ako nakikisama kasi ayokong masabihang
may lamat ako sa tuktok. Sa takot kong malunod sa baha ay nakiusap
na rin ako sa ulan.
Pinagmasdan
ko ang aking mga sinampay. Hanggang ngayon ay basang-basa pa rin
sila. Walang halos pinagbago mula kanina nang una ko silang isinabit
sa sampayan.
Limang minuto
na lang bago mag-alas tres ng hapon, di pa rin humuhupa ang ulan.
Napagod na ako sa posisyon na kinaroroonan ko. Nangimay na ang mga
hita ko sa pagkakasalampak sa upuang kahoy. Higit sa lahat, nanuyo
na ang laway ko sa kakasabay kay Mang Kado sa kanyang pananalangin.
Inapuhap ko
ang mga sinampay. Basang-basa pa rin. Pumasok ako sa kusina para
kumuha ng maiinom. Kung bakit ako nauhaw gayong malamig ang panahon
ay di ko maintindihan. Hindi ko na rin pinilit pang alamin.
At biglang nakalimutan
ko sumandali ang aking pagkauhaw nang sumamyo sa aking ilong ang
kakaibang amoy na pumapaimbulog sa buong kabahayan.
Paano ko aalisin
ang ganong amoy? Malapit nang dumating si Ate at tiyak na masasaktan
na naman ako pag nalaman nyang nangangamoy kulob na naman ang buong
bahay. Pero anong magagawa ko, e sa panay ang ulan.
Sa kawalan ng
tamang solusyon, naisip kong dungawin muli ang baliw kong kapitbahay.
Inasahan kong makita syang muli sa kanilang tarangkahan habang panay
ang tungayaw sa ulan.
Pero wala. Wala
na si Mang Kado. Napagod na kaya at napagpasyahang wala na syang
magagawa pa? Kahit naman siguro baliw ay nauubusan din ng pasensya
. Siguro nga. Papasok na sana ako para muling mag-isip ng paraan
para mapaglaho ko ang kulob sa bahay nang bigla akong makarinig
ng malakas na pagkulog. Kasunod noon ay isang nakakangilong guhit
ng kidlat. May narinig akong sigaw mula sa di kalayuan. Napalabas
na naman ako ng di oras. Sinilip ko kung ano ang nangyayari.
Paniwalaan mo
kaya ako sa nakita ko?
Nakita ko si
Mang Kado na lumulutang at nakalugmok sa baha. Dilat na dilat at
halos lumuwa ang mga mata. Bukas ang nangingitim na mga palad. Tila
nakuryente na di ko mawari. Walang gustong lumapit. Walang gustong
sumaklolo. Bakit kaya?
May kakaibang
nangyari nang araw na yun at di ko yun maikakaila.
Bigla ay tumigil
ang malakas na ulan. Nawala ang kulob. Sa halip, ay napalitan ng
amoy ng tila nasusunog na laman. Laman nga ba?
Mula sa makulimlim
na panahon ay tila nagising mula sa malalim na pagkakahimbing ang
araw. Sumikat. Maliban sa baha, at basang kapaligiran ay biglang
nawala ang bakas ng isang katatapos lamang na ulan. Tila ba nang-uuyam.
Nang-aasar na di mo maintindihan ko ano ang gustong palabasin.
Nawala ang ulan.
Nawala rin si Mang Kado. Higit sa lahat, nawala ang kulob!
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|