|
All-out War
sa mga Paaralan
| Daluyong |
 |
| Mong
Palatino |
HINDI NA bago
para sa mga estudyante ang retorika ng strong republic at all-out
war ng pamahalaan. Ang babala ng mga militanteng grupo na magbubunsod
ito ng mas malawakang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan
ay tila hindi ikinatakot ng mga mag-aaral.
Paano ito ikababahala
ng mga estudyante samantalang araw-araw ay nakakaranas sila ng iba't
ibang porma ng panunupil sa loob ng mga eskuwelahan? Sa matagal
na panahon ay naging pamilyar na sa loob ng mga kampus ang tuwiran
at di-tuwirang pagsupil sa karapatan ng mga estudyante.
Ang astang siga
ng Pangulo ay hindi naiiba sa diktaturya ng mga opisyal ng mga eskuwelahan.
Upang pahinain ang popular na protesta ng mga mag-aaral laban sa
taunang pagtaas ng matrikula ay sistematiko ang pagpapatupad ng
mga mapanupil na hakbang sa mga epaaralan kahit ito'y lumalabag
sa prinsipyo ng Konstitusyon.
Halos lahat
ng malalaking eskuwelahan sa Maynila ay pinapapirma ang mga freshmen
sa isang waiver na sila ay hindi sasali sa anumang organisasyong
tumutuligsa sa mga policy ng administrasyon. Kapag sumali sila ay
batayan ito upang sila'y mapatalsik o masuspend.
Pinipigil ang
paglalathala ng mga pahayagang naglalaman ng mga artikulong kritikal
sa administrasyon. Kahit pagpapatakbo ng mga sariling kandidato
sa eleksiyon ng Konseho ng Mag-aaral ay ginagawa ng mga kapitalista-edukador
upang matiyak lamang na hawak nila sa leeg ang mga bagong lider
ng mga estudyante.
Sa University
of Manila ay walang konseho, publikasyon, at organisasyon ang mga
mag-aaral. Sabi ng admin, ang tungkulin lang daw ng estudyante ay
mag-aral sa loob ng silid-aralan.
Kapansin-pansin
sa mga pamantasan sa U-Belt at Taft, bukod sa mataas na matrikula,
ay ang sobrang dami ng mga armadong security guard na pinagmamatyagan
ang bawat galaw ng mga estudyante. Bago pa man naging karaniwan
sa mga shopping mall ang pagkapkap sa gamit at katawan ng mga tao
ay matagal na itong ginagawa sa mga paaralan. Walang tiwala ang
opisyal ng eskuwelahan sa sarili nitong mag-aaral.
Mahirap paniwalaaang
nasa ikatlong milenyo na ang mundo habang nananatiling makaluma
ang paninindigan ng mga namumuno sa mga eskuwelahan. Pang-edad medya
ang mga patakarang nagbabawal sa mga bulgar daw na mga damit tulad
ng hip hop, tatoo, may kulay na buhok, hikaw sa mga lalake at plunging
neckline sa mga babae.
Kahit sa ilang
eskuwelahan ay bawal ang pagkain ng chewing gum at pagdadala ng
pentel pen (Philippine Maritime Institute) dahil baka raw gamitin
ito sa vandalism.
Para saan kaya
ang mga camera na nakalagay sa bawat sulok ng Mapua? O ang bagong
ID ng UST na may digital tracking code na kayang tukuyin ang kinaroroonan
ng bawat estudyante sa loob ng eskuwelahan?
Ang isang estudyanteng
magagawi sa Bilibid ay hindi maliligaw. Magugulat siya dahil pareho
ang kondisyon ng mga preso sa ilalim ng isang mahigpit na warden
sa sarili niyang kalagayan sa kamay ng isang paranoid na kapitalista-edukador.
Kung hindi susuriing
mabuti ay maaaring sabihing makatwiran ang mga despotikong patakaran
sa mga eskuwelahan. Sa tagal ng panahong ipinapatupad ito ay naging
manhid na ang mga estudyante. Tinanggap nila ito bilang bahagi ng
araw-araw na buhay sa eskuwelahan.
Subalit hindi
lahat ay nananatiling tahimik at nagiging manhid. Kung babalikan
natin ang kasaysayan sa maraming eskuwelahan, halos lahat ng tinatamasang
karapatan at pribilehiyo ng mga estudyante ngayon ay nakamit sa
pamamagitan ng masigasig at matapang na paglaban ng mga mag-aaral
noon. Unti-unti itong binabawi ng mga kapitalista-edukador hanggang
sumiklab ang People Power 2 at hindi napigilan ang malawakang partisipasyon
ng mga kabataan dito.
Hindi pa man
nagtatagal sa Malakanyang si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay
biglang buhos ulit ang atake ng mga kapitalista-edukador sa karapatan
ng mga mag-aaral. Tila ang kabayaran sa kabayanihan ng mga kabataan
ay ang mas matinding paglilimita sa kanilang kalayaan.
Habang abala si Macapagal ngayon sa pagbubuo ng kanyang pantasyang
strong republic ay nagpapatuloy sa labas lamang ng kanyang palasyo
ang matagal nang nagaganap na silent war sa pagitan ng mga kapitalista-edukador
at mga estudyanteng ayaw sumuko sa harap-harapang pambabastos sa
kanilang mga karapatan.
Isang araw ay
magugulat na lang ang Pangulo at ang buong bansa dahil kumakatok
na sa bakod ng Malakanyang ang mga estudyanteng naniningil at naghahanap
ng kalayaan at karapatan.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|