v 18.0
Agosto 15, 2002  

Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Paalam, Maximum Tolerance
Ni Armando Sinaglahi

ILANG LINGGO na rin ang nakalipas simula nang ating marinig ang makasaysayang paglalahad ng dakilang Pangulo sa kalagayan ng ating bansa—mas kilala sa tawag na State of the Nation Address. Ilang oras makalipas ang kanyang makabuluhang talumpati ay taas-noong inilahad ng Philippine National Police ang kanilang pagbasura sa maximum tolerance policy.

Ang maximum tolerance ay ang pagtitimpi ng mga pulis sa nakaugaliang marahas na pagsasaayos ng mga pagkilos na ginagawa ng mga samahang aktibista. Kung iba ang pagkakaintindi ng mga butihing alagad ng batas sa patakarang ito, mangyari sana'y ipaliwanag nila ito sa akin.

Sa maikling panahong lumipas simula nang unang ipinatupad ang maximum tolerance ay may makikita ka nang kabutihani nito. Dahil dito ay nabawasan ang karahasan at kaguluhang nagaganap sa tuwing nagkakaroon ng pagkilos—liban na lamang marahil sa mga isinasagawang pagkilos ng mga maka-Estrada. Marami sa mga aktibista ay nakauuwi sa kanilang pamamahay nang walang nararamdamang pananakit ng katawan at may bahagyang tuwa sa matahimik na pagraos ng pagkilos; hindi na rin nila kailangang labahan kaagad at isampay ang mga damit na nabasa ng water cannon noong walang maximum tolerance. Ito rin ang nagbigay-daan sa mapayapang usapan sa pagitan ng mga pulis at raliyista.

Ngunit kahit sa panahon ng maximum tolerance ay may nagaganap pa ring karahasan. Tila hindi dagliang natatalikuran ng mga alagad ng batas ang nakaugalian; para silang sinasapian ng kung anong masamang kaluluwa. Nagkakaroon ng sariling buhay ang kanilang mga katawan. Mukhang hindi kumpleto ang buhay ng mga walang galang at walang utak na mga alagad ng batas hanggang walang nababatutang matatanda't binatilyo, o hindi kaya'y magagandang dilag na kanilang hihipuan o babasain ng water cannon.

Dahil sa mas maraming ikinabuti ang maximum tolerance policy kaysa ikinasama—at dahil binibigyang katarungan nito ang Art. 3, Sec.4 ng Konstitusyon ng 1987, o ang kalayaan ng mga taong magsalita, iparamdam, at magpahayag nang mapayapa sa Pamahalaan ng kanilang hinaing, ano naman kaya ang dahilan ni Gloria Macapagal-Arroyo at ng mga kagalang-galang na mga manginginom—a, e...alagad ng batas pala, upang ibasura ito?

Una sa lahat, maaaring hindi alam ng Pangulo o ng mga alagad ng batas ang Art.3, Sec.4 ng Konstitusyon. Mga tao rin daw naman sila, maaaring magkamali. Makikita naman natin ang iginagalang kunong Pangulo, na kalaunan ay naglalabas na ng kung sinu-sinong mga kriminal (ayon sa kanila) sa harap ng media, habang wala pa naman silang ipinakikitang ebidensiya, at hindi pa nahahatulan sa harap ng hustisya. Naririyan din naman ang mga pulis, na tuwing nagsasagawa ng isang raid sa mga nightclub o sa mga pagbebenta at paggawa ng mga ipinagbabawal na gamot ay puro yaong mga tauhan at hindi yaong mga namumuno sa mga masasamang gawain na ito ang nahuhuli nila. Katulad ng sinabi ko, mga tao lang din sila.

Maaari rin namang hindi alam ng kasalukuyang hepe ng Philippine National Police kung ano ang ibig sabihin ng maximum tolerance. Malay natin kung palagi pala siyang bagsak sa mga pagsusulit niya sa wikang Ingles, kaya imbes na magkamot siya ng ulo sa kakahanap ng kahulugan ay naisipan na lang niyang alisin ito. Hindi naman siguro ito dahil sa katangahan ng isang kasamahan niya na nakalimutang magsuot ng headgear at sanggahin yaong mga batong tumama sa kanya na tila hindi naman naggaling sa mga kilalang grupong aktibista—wala naman akong nakitang footage na namamato sila.

Ngunit ang pinakamaaaring dahilan ay may kinalaman sa tinatawag na strong republic na pinapangarap itayo ng dakilang Pangulo, sapagkat ilang oras pa lang ang nakalilipas noong binanggit nila ang pagbabasura sa maximum tolerance.

Kung ang balak ng Pangulo ay ang magtatag ng isang malakas na republika sa kaanyuan ng matigas na bato, bakit naman niya dinurog ng bakal na maso ang bato?

Ang kasagutan? Hindi ko alam. Kung noong mayroon pang maximum tolerance ay may nagaganap nang pananakit ng mga pulis, paano na lang kaya kapag wala na ito?

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Mga Bayaning Inaapi, Etc.

SA ISYUNG ITO
Survivor: Senate
Utopia and Related Proposals

By Dennis Aguinaldo

Poverty and Corruption in the Philippine Bureaucracy
By Jayson Edward B. San Juan

Silent Scream
Ni Aika Pascual

Sino ang Matsing?
Ni Rodel Mayores

Longest Punishment
By Lilith Mae Orola

Paalam, Maximum Tolerance
Ni Armando Sinaglahi

KOLUM
Daluyong
Mong Palatino

Ligalig
Garry Rectin Lazaro

Alipato
Alexander Martin Remollino

BAYANI
Pagbagsak ng Isang Tala
May Isang Opisyal

NATATANGING TAMPOK
Jose Garcia Villa Makes It to: World Poetry: An Anthology of Verse from Antiquity to Our Time

By Alberto Florentino

MAIKLING KUWENTO
Kulob
Ni Rayts dc

PITAK
Greenpeace Ship Gives Lessons on Climate Change, Renewable Energy Alternatives
By Alfred A. Araya, Jr.

Rebellion in Catanduanes
By Perry M. Calara

Anti-Terrorism Bill: Another Attack on Civil Rights
GMA: Resurrection of Marcos --PCPR

TULA
Anak
Ni killerpogi
Tuta
Ni Alexander Martin Remollino
Tusok ng Karayom
Pasyon Para kay Lola Remedios

Ni Audrey Mae Alba
Imik/Himig/Himagsik
Ni Carlos Piocos III
Babala
Ni Ana Invicta

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved