BAYANI
Pagbagsak ng Isang Tala
Ni Alexander Martin Remollino
(Salin ng isang artikulong lumabas sa BNext
noong Agosto 12-18, 2002.)
MALATRAHEDYANG
KAPALARAN ng mga alagad ng panitikan sa bansang ito ang sila'y namamatay
nang hindi nakikilala ang kanilang mga ambag sa paraan natin ng
pagtingin sa ating mga sarili, habang ang mga bathala at bathaluman
ng ningning ay binibigyan ng mga burol ng mga bayani, karapat-dapat
man sila sa gayon o hindi.
Anupa nga't
nitong nagdaang Agosto 1 ay pumanaw si Francisco "Franz"
Arcellana, katulad ng sabi nila, "na parang barkong nagdaan
sa gabi," parang bulalakaw na bumagsak habang ang lahat ay
labis na inaantok upang makatitig pa sa kalangitan-kung paanong
ilang buwan pa lamang noon ang nakaraa'y namatay din si Levi Celerio-na
nakilala hindi lamang dahil sa kagandahan ng kanyang musika kundi
maging sa makapangyarihang mga tula sa kanyang mga taludtod. Yumao
siya at ang kanyang pagyao'y hindi hinagkan ng mga balita nang tulad
ng napakadalas na pagyakap ng mga ito sa mga napapatid na kasalan
at relasyon ng mga artista.
Kayraming ulit
nang sinabi ito ng mga pantas-hindi mahalaga kung gaano katagal
na nabuhay ang isang tao, ang mahalaga'y kung paano siya nabuhay.
Ngunit ang naging buhay ni Franz Arcellana ay mahaba at kapaki-pakinabang.
Bilang alagad
ng panitikan, si Franz Arcellana ay isang ikonoklasta. Isa siya
sa mga nagpasimuno ng The Veronicans, isang pangkat ng labintatlong
manunulat na nagsimulang manlikha bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang The Veronicans,
ayon kay P. Herbert Schneider ng Ateneo de Manila University, ay
"naglagay ng bakas ng Mukha ng Pilipinas sa kanilang mga akda."
At siyang tunay, ang mga akda ni Franz Arcellana ay kinalilimbagan
ng karanasang Pilipino bagama't dulot ng mga partikular na pangkasaysayang
pagkakatao'y sa isang banyagang wika siya nahasa bilang manunulat.
Nag-eksperimento
rin siya sa mga anyong pampanitikan. Isa siya sa mga nagpasimuno
ng pagsibol ng maikling kuwento bilang isang anyong tulang tuluyan.
Kaiba sa maraming
manunulat sa Ingles, hindi siya nanghawak sa pilosopiyang nagsasaad
na ang manunulat ay dapat na makulong sa toreng garing. Nanalig
siya sa kathang "kumakatawan sa katotohanan." At ang pananalig
na ito ang gumabay sa kanya sa paglikha ng kanyang makapangyarihang
mga kuwento.
Bilang una at
tagapagtatag na direktor ng Creative Writing Center ng Unibersidad
ng Pilipinas (UP) at isang regular na panelista ng Silliman Writers'
Workshop sa Lunsod Dumaguete noong mga dekada 1960 at 1970, ibinahagi
niya ang pilosopiyang ito sa mga mag-aaral ng malikhaing pagsulat.
Kabilang sa
pinakabantog niyang maiikling kuwento ang "The Flowers of May",
na nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong
1951, "Trilogy of the Turtles", na dahilan ng kanyang
pagkakabilang sa UP Writers Club, "The Mats", na muling
inilathala bilang isang pambatang aklat noong 1995, "Wings
of Madness" at "Divide by Two", na may tigdalawang
bersiyon, "Frankie", "The Man Who Would Be Poe",
"Death in a Factory", "Lina", at "A Clown
Remembers".
Bagama't higit
siyang nakilala bilang isang kuwentista, nagtaglay ng iba pang pluma
ang kanyang sumbrero.
Isa rin siyang
mamamahayag. Nagsimula bilang isang tagapagsapapel (transcriber),
sa kalauna'y naging tagapangasiwa siya ng sangay ng International
News Service sa Maynila. Naging patnugot din siya ng pan-Linggong
magasin ng The Manila Chronicle. Naglingkod din siyy bilang tagapayo
ng Philippine Collegian, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral
ng UP, noong dekada 1950, noong mga huling taon ng dekada 1960,
at mula 1974 hanggang 1977-sa kasagsagan ng aktibismo ng mga mag-aaral
sa nasabing pamantasan.
Makata rin siya-di
lamang dahil sa matulain ang kanyang mga akda, kundi sapagkat sumulat
din siya ng mga tulang pataludtod. Ilan sa pinakakilala niyang mga
tula ang "This Being the Third Poem This Poem is for Matilda",
"To Touch You", at "I Touched Her".
Ang kanyang
mga nasulat ay natipon sa mga aklat na tulad ng Selected Stories,
Poetry and Politics: The State of Original Writing in English in
the Philippines Today, at The Francisco Arcellana Sampler.
Si Franz Arcellana
ay pinalad nang sapat upang magkamit ng institusyonal na pagkilala
dahil sa kanyang mga nagawa. Noong 1989, ginawaran siya ng UP ng
Doctor of Humane Letters, honoris causa. Makalipas ang isang taon,
inihandog sa kanya ang pagiging Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan,
bagay na naghanay sa kanya sa iba pang mga higanteng pampanitikan
tulad nina Amado V. Hernandez at Nick Joaquin.
Ang trahedya
ni Francisco "Franz" Arcellana ay hindi lang sa pangyayaring
sa kanyang pagyao'y napakalaking kawalan ang kanyang iniwan, kundi
nasa pangyayari ring siya'y yumao nang hindi napapansin ng karamihan
bagama't karapat-dapat lamang na siya'y mapansin.
Ganito ang trahedya
ng isa pang alagad ng panitikan, si Levi Celerio, na yumao ilang
buwan lamang bago siya yumao. Ganito ang trahedya ng karamihan sa
mga alagad ng panitikan sa ating bansa. Ganito ang trahedya ng karamihan
sa mga dakilang tao sa ating bansa.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|