TULA
Anak
Ni killerpogi
Alam kong ina
kita
at anak mo lang ako
Ngunit bakit
kailangang
ako ay iyong parusahan
inilulublob mo sa putikan
dahil galit ka sa ating tagisan
Kailangan bang
kumunyapit ka sa bayag
ng isang higanteng labis mong hinahangaan
na wala namang pakialam sa iyong mga anak
kundi ang gawing target ng baril niyang tangan
Puta ba ako
kung inaayawan ko
ang iyong kinakalantaring puti
o mas puta ka sa pakikipagniig nang patago
sa banyagang may malaking pag-aari
marahil puta
na rin ako
dahil sa puta ang ina ko
subalit kailangan bang tayo ay manatili
sa pagpuputa ng habang panahon
at manganak pa ng maraming puta
para lamang ang mga puta ay makaahon
Kailan mo ako
pasususuhin
sa nangingitim mong utong
madama ang init ng iyong dibdib
ng kalinga mong sa aki'y ipinagkakait
ngunit nakahanda mo namang ibigay sa iba
ang mga suso na dapat ay para sa akin
Sa tuwing ako
ay nauuhaw
at naghahanap ng gatas ng ina
bakit ba pilit mong pinaghahalo
ang tsokolate sa krema
iginigiit na ito'y aking malunok
gayong tsokolate ang kaya kong inumin
at ang krema ay nagpapatae sa akin
madalas, umiiwas ka namang maglaba
ng maruruming lampin
Kailan mo ba
ako mauunawaan
na ako ay hindi anak ng iyong kalantari
kundi anak ako ng ama kong si Juan
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|