Wag mong tangkaing
ilipat
Sa iyong kanang kamay
Ang bolang apoy na tangan mo
Sa kaliwa
Anupat magsilbing gabay
Sa mga patabain mong buwayang
Nakahapon sa katihan
Ilan na ba sila, di ko na mabilang
Maaaring kasing dami ng itlog ng bangaw
Sa isang labasan
Naghihintay pumutok, mapisa sa
Mapagpala mong kamay
Wag mong tangkaing ako'y salingin
Ang paghilom ng nilikha mong sugat
Ay di pa natutunton
Malalim-lalim din, kumakagat,
Ngumangatngat sa kaibuturan ng buto
Wag mong tangkaing higupin ang
Natitira kong hininga
Iya'y magsisilbing lason lang sa
Mapanghi mong bunganga
Maaaring tinubuan ka nga ng tatlong
Hibla ng karunungan
Na pilit mong ipinasok sa barado mong utak
Kung inakakala mong pitak iyan ng
Liwanag
Na tatanglaw sa mapanlinlang na daang
Ibinigay mo sa akin
Nagkakamali ka!
Sa sinapupunan
ko isisilang ang liwanag!
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.