v 18.0
Agosto 15, 2002  

Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Pambansang Seguridad at Karapatang Pantao

Alipato
Alexander Martin Remollino

ANG PAMBANSANG seguridad ay karapatang pantao, sapagkat ito ang titiyak na ang lahat ng mga kasapi ng isang bansa ay makapamumumuhay bilang mga tao.

Subalit sa ating kasaysayan, ang pambansang seguridad ay laging parang manok na isinasabong ng mga nasa kapangyarihan sa iba pang mga karapatang pantao.

Ang petsang Setyembre 21, 1972 ay hinding-hindi malilimot ng sinumang Pilipinong nagpapahalaga sa karapatang pantao. Ito ang petsa ng pagpapahayag ng noo’y Pangulong Ferdinand Marcos ng Batas Militar.

Ayon kay Marcos, kanyang ipinahayag ang Batas Militar upang pigilin ang pagtatangka ng mga makakaliwa na agawin ang kapangyarihang pampulitika. May binanggit pa siyang layong pagpigil din sa isang sabwatan ng kaliwa at ng kanan upang pabagsakin ang kanyang pamahalaan.

Ngunit ano ba talaga ang nagbunsod ng pagpapahayag ng Batas Militar?

Nang mga panahong iyon, patindi nang patindi ang panghihimasok ng Estados Unidos sa Pilipinas. Malaking pinsala na ang naidulot ng kontrol ng mga monopolyo sa mga industriya. Ang malaon nang laganap na kahirapan ay pinasidhi pa ng mababang pasahod at, sa kanayunan, ng isang kaayusang malapiyudal.

Dahil dito, ang mga sektor ng lipunan na may mataas na kamulatang pampulitika ay nanawagan ng isang nagsasariling patakarang panlabas, pagsasabansa ng mga istratehikong industriya, isang higit na patas na pagbabahagi ng kayamanan, repormang agraryo, at maging ng pagsasalipunan.

Bilang pagtugon, ipinahayag ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar.

Ang panahon ng Batas Militar ay isang panahon ng malawakang lagim sa buong bayan. Ang mga paggigiit ng karapatan ng sambayanan na magkaroon ng pamumuhay na nararapat sa mga tao ay tinapatan ng mga walang batayang pagdakip, mga pagpapahirap, at mga pagpatay na walang basbas ng prosesong ligal. Ang mga tao’y laging may takot sapagkat ang sinuman sa kanila’y maaaring siyang susunod na magawaran ng mga ganitong karahasan.

Samakatwid, walang tunay na pambansang seguridad noong panahon ng Batas Militar, sapagkat ang bayan ay walang seguridad. Subalit may “seguridad” noong pinakinabangan ng iilan lamang: ang “seguridad” ng umiiral na kaayusang mapaniil.

Sa mga rehimeng sumunod sa pamahalaang Marcos—ang mga rehimeng Aquino, Ramos, Estrada, at Macapagal—ang mga multo ng Batas Militar ay paulit-ulit na sumulpot. Nagpatuloy ang pagpapairal ng isang “pambansang seguridad” na kinatatampukan ng malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Ang rehimeng Aquino ay naging tanghalan ng patakarang total war na akda ng noo’y Kalihim ng Tanggulang Pambansa na si Fidel Ramos. Umiral sa ilalim ng patakarang ito ang militarisasyon sa kanayunan. Naging karaniwan sa ilalim ng patakarang ito ang mga food blockade sa mga baryo at ang sapilitang pagtataboy sa mga magsasaka mula sa mga lupang kanilang sinasaka.

Nagpatuloy ang pag-iral ng patakarang ito nang maging Pangulo si Ramos.

Sa panahon ng panunungkulan ni Joseph Ejercito Estrada, tumindi ang pagpapatupad sa patakarang total war sa pamamagitan ng Oplan Makabayan.

Sa kapanahunan ng mga rehimeng ito’y hindi naglaho ang mga pagpapahirap sa mga bilanggong pulitikal, ang mga walang batayang pagdakip, at ang mga pagpatay na walang basbas ng prosesong ligal. Marami rin ang mga kaso ng marahas na paglansag sa mga kilos-protesta.

Ngayong panahon ng rehimeng Macapagal, tumindi pa ang Oplan Makabayan, bagama’t hindi na ginagamit ang pangalan nito. Pinakamalubha sa mga naging biktima nito kamakailan si Benjaline “Beng” Hernandez, isang lider-aktibista sa Mindanao, na ang bangkay ay natagpuang wasak ang mukha at puno ng pasa at tama ng punlo ang katawan; at si Manuela Albarillo, isang organisador ng mga aktibista sa Mindoro Oriental, na nang matagpuan ang bangkay ay nawawala ang kaliwang mata.

Kamakaila’y ipinahayag ng Pangulong Macapagal ang pagtatatag ng isang “malakas na republika”. Sinundan ito ng babalang maaaring hindi na ipatupad ang maximum tolerance sa mga kilos-protesta at ng paglalabas ng mga bagong direktiba ng kapulisan ukol sa mga kilos-protesta, na nagtatadhanang maaaring buwagin na ang mga rali anumang sandaling akalain ng mga pulis na may nagbabadyang “kaguluhan”.

Ang kasaysayan ng ating bansa mula sa panahon ng Batas Militar hanggang sa kasalukuyan ay kinatatampukan ng pagkitil sa tunay na pambansang seguridad alang-alang sa pagpapairal ng “seguridad” ng iilang nagnanasang palitawing sila lamang ang bansa.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Mga Bayaning Inaapi, Etc.

SA ISYUNG ITO
Survivor: Senate
Utopia and Related Proposals

By Dennis Aguinaldo

Poverty and Corruption in the Philippine Bureaucracy
By Jayson Edward B. San Juan

Silent Scream
Ni Aika Pascual

Sino ang Matsing?
Ni Rodel Mayores

Longest Punishment
By Lilith Mae Orola

Paalam, Maximum Tolerance
Ni Armando Sinaglahi

KOLUM
Daluyong
Mong Palatino

Ligalig
Garry Rectin Lazaro

Alipato
Alexander Martin Remollino

BAYANI
Pagbagsak ng Isang Tala
May Isang Opisyal

NATATANGING TAMPOK
Jose Garcia Villa Makes It to: World Poetry: An Anthology of Verse from Antiquity to Our Time

By Alberto Florentino

MAIKLING KUWENTO
Kulob
Ni Rayts dc

PITAK
Greenpeace Ship Gives Lessons on Climate Change, Renewable Energy Alternatives
By Alfred A. Araya, Jr.

Rebellion in Catanduanes
By Perry M. Calara

Anti-Terrorism Bill: Another Attack on Civil Rights
GMA: Resurrection of Marcos --PCPR

TULA
Anak
Ni killerpogi
Tuta
Ni Alexander Martin Remollino
Tusok ng Karayom
Pasyon Para kay Lola Remedios

Ni Audrey Mae Alba
Imik/Himig/Himagsik
Ni Carlos Piocos III
Babala
Ni Ana Invicta

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved