Gunaw
Ni Sherbien Dacalanio
MAY BAGO akong
natuklasan sa aking pagkatao. Balahibo koy nanindig! Akoy
nabahala! Sumpa ba ito o pagpapala ng Kaitaasan o nasaniban ako
ng maligno? Kung may kakilala lang akong mambabarang o kayay
exorcist, nagpa-opera na ako!
Akoy may
kapangyarihang precognition--ang kakayahang makakita ng hinaharap
at kapag hinawakan ang isang bagay, malalaman ang nakaraan nito.
Siguro kung
nabuhay ako noong mga sinaunang panahon, pagkakamalan nila akong
isang napakasamang mangkukulam. Huhuliin nila ako, itatali sa poste
at pagsapit ng gabi bubuhusan ng gas at sisindihan upang maging
ilaw sa gabing napakadilim. Dahil sa aking kolesterol, tiyak na
lalagablab ang apoy na tutupok sa akin. Pero,
hindi na ito mangyayari.
Makabagong panahon
na at imbes na sunugin, akoy pagpipistahan ng media! Magiging
bida ako sa magazine shows at laman ng mga local na tabloid! Puwede
ko rin itong pagkakitaan! Panghuhula. Paglalathala ng sariling lingguhang
magasing ukol sa mga prediksyon. Magkakaroon ng sariling TV segment
sa panghuhula sa isang morning show. Kokontratahin ako ng isang
kumpanya ng telepono para talbugan ang hula ni Jojo Acuin sa pamamagitan
ng pagtawag sa telepono. Makukuha rin ang aking mga pangitain sa
pamamagitan ng text services. Higit sa lahat, ako na ang tatawaging
tunay na pangalawang Nostradamus ng mundo, hindi lang sa Asya na
tulad ng kakaribalin kong si Jojo Acuin.
Magkakamal ako
ng katakot-takot na pera sa kapangyarihang precognition!
Marahil, nagtataka
kayo kung papaano ko nadiskubre ang kapangyarihang ito?
Pagkatapos humupa
ang bayolenteng buhos ng ulan at talipandas na hampas ng hanging
dulot ng walang awa at hindi makataong bagyong si Gloria (hindi
ang kuneho kong namatay o ang presidente nating huli kong nakita
sa telebisyon na nakikikain sa mga kapus-palad bilang publicity
dahil di na ako masyadong nanonood ng nakakabanas na balita), napag-isipan
kong magbisikleta nang isat-kalahating oras.
Sa limang araw
na sunud-sunod na pagbuhos ng maingay at papansing ulan (marahil
ay gustong tumaas ang popularity rating nito sa talaan ng mga pinakamapinsalang
bagyo sa Pilipinas) hindi ako nakapag-brisk walk dahil sa pinipigilan
ako ng ulan at basang daan. Maraming taba ang natambak sa aking
bilbil. Imbes na mahigit limang daang calories ang sa akiy
mawawala sa isang araw
.wala! Araw-araw, gumuguho ang pangarap
kong magkaroon ng mala-The Hunks na katawan.
Pero hindi sa
araw na iyon! Pipilitin kong makaubos ng limang daaang calorie kaya
paggising na paggising ko nang mga 5:30 ng umaga, agad kong kinuha
ang bisikleta at sinimulan ang pagwaldas ng mga buwisit na calories.
Namalayan ko
na lang ang aking sariling lumulundag-lundag sa mga butas ng National
Highway. Kinilabutan ako! Biglang may mga pangyayaring pumukol sa
malikot kong kaisipan.
Ang milya-milyang
daang hirap na hirap na ginawa ng mga taga-DPWH, sa isang iglap
lamang ay nagkabutas-butas. Bigla tuloy akong naawa sa mga gumagawa
ng daan. Iniihaw sila ng sutil na araw. Pinapasinghot sila ng mabangong
aspalto at pawis na galing sa kili-kili. Maghapon silang nagpapagod
para lang makagawa ng de-kalidad na kalsadang gawa sa aspalto at
batong itim na maliliit. Tapos, sa isang iglap lamang ay nagkabutas-butas
ang kanilang obra maestra. Hindi naman tinipid o kinurakot ang pondo
kayat madaling nabutas ang daan.
Nakita ko ang
mga pangyayari kung bakit nagkaganon. Noong nakaraang gabi habang
natutulog ng mahimbing ang mga tao dahil sa nakakaantok na ulan,
sumalakay ang mga taga-ibang planeta at bumagsak ang mga bulalakaw
na sinasabing sanhi ng pagkawala ng mga dinosaur.
Ang laser beam
at malakas na pagbagsak ng mga bulalakaw ang bumutas sa mapakatibay
na daan. Ano naman ang panama ng matibay na daan sa napakamakapangyarihang
sandata ng mga alien kasama pa ang mga bulalakaw? Ang mga pangyayaring
ito ay nagpapatibay na gusto tayong sakupin ng mga taga-ibang planeta.
Hindi siguro na-detect ng SETI ang mga dumating na aliens kayat
ngayon, magdurusa tayo. Ang unang pinuntirya ng mga alien ay ang
mga daan ng Pilipinas dahil alam nilang hindi masasagap ng SETI
ang kanilang pagdating dahil nakisabay sila sa maiingay na ulan
ni Gloria. Matalino talaga ang mga taga-ibang planeta. Ang una nilang
hakbang sa pananakop ay ang pagpaparalisa ng ating transportasyon.
Tapos, namalayan
ko na lang ang aking sariling paakyat sa bundok (ang mas mahirap
na pagpedal, nangangahulungang mas maraming calories ang mawawala)
nang may nakita akong isang malaking guho. Gumuho ang lahat ng halamang
nakakapit sa mabatong bahagi ng bundok. Ang korte ng guho ay parang
malaking pintuan. Ito siguro ang headqurters ng mga alien. Nang
nagtangka akong hawakan ito para malaman ang pangalawang hakbang
ng mga alien, biglang bumuhos ang napakalahas na ulan. Kumaripas
ako ng pagbibisikleta hanggang sa muntik na akong mahulog sa matarik
na bangin; buti na lang, naipreno ko agad! Noong nasa kalsada naman
ako muntik na akong mabangga ng isang sasakyang papuntang Ilocos;
buti na lang ulit at naibuwelta ko ang aking bisikleta.
Marahil, gusto
akong patayin ng mga alien dahil nalaman ko ang plano nila pero
hindi nila ako basta-bastang mapapatay dahil mahirap patayin ang
masamang damo.
Pag-uwi ko sa
bahay hindi ko na sinabi ang masamang nangyari sa akin sa aking
ina dahil tiyak, maririnig ko na naman ang pang-opera house niyang
boses sa pagbulyaw at pangangaral. Kinimkim ko na rin ang aking
kapangyarihan. Ayoko nang ipangalandakan ito at ipangalandakang
malapit na ang araw ng Gunaw dahil sa pananakop ng mga alien. Bastat
alam ko, kung patay na tayong lahat, sigurado namang magkikita-kita
tayo sa impiyerno! Tiyak, masusunog doon ang mga taba ko.
See you there,
where we truly belong. Pero sa ngayon, ipinagdarasal ko na ang kaluluwa
ko; baka mapag-isipan ng Diyos na hindi naman ako likas na masama.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|