|
MULA
SA PATNUGOT
Kumusta
na'ng Lagay Natin?
KUMUSTA KAYO?
Sana'y nasa
mabuti kayong kalagayan habang binabasa ang Tinig.com v17. Mabuti
naman kami. Nag-i-enjoy pa rin sa paghahatid sa inyo ng iba't ibang
tinig nating mga kabataan. Uy, nakaka-17 isyu na tayo. Hindi ba
kayo natutuwa?
Kumusta naman
ang bansa? Sa isyung ito, pakinggan natin kapwa ang bersiyon ng
State of the Nation Address (SONA) ng mahal na Pangulo at ng mga
kabataang Pilipino.
Sabi ni Pangulong
Gloria Macapagal-Arroyo, magbubuo tayo ng isang "malakas
na republika". Mabuti na lamang aniya at sa unang taon
ng kanyang pamamahala ay nalagpasan na natin ang mga krisis. Detalyado
niyang inihanay ang mga aniya'y natupad na pangako mula sa kanyang
unang SONA. Tingnan ang kanyang
SONA ngayong taon. Mula rito, aniya,
ay sama-sama tayong susulong tungo sa pinapangarap na "malakas
na republika".
Suportado siya
ng kanyang mga kaalyado sa Senado. Ayon kay Senador Loren Legarda
nang kapanayamin siya ng mga mamamahayag noong araw ng SONA sa Batasan,
maganda at comprehensive raw ang talumpati ng Pangulo. Dapat daw
tayong magkaisa sa pagtulong sa kanya. Ganyan din ang paniniwala
ng ating first-time contributor na si JM Cerna. Ayon sa kanya, dapat
tayong magkaisa sa pag-alalay sa Pangulo tungo
sa isang matatag na republika.
Ngunit hindi
lahat ay sang-ayon sa mga sinabi ni Macapagal. Sa panig ni Bayan
Muna Representative Satur Ocampo, nangangamba siya't tila wala sa
mga priority ng Pangulo ang usapang pangkapayapaan.
Ayon naman sa
bago nating columnist, si Michelle Licudine ng Sanlakas-Youth, hindi
maganda ang tunay na kalagayan ng bansa,
lalo na sa sektor ng edukasyon. Lumalala aniya ang commercialization
sa mga paaralang pampubliko. Naniniwala siyang tinatabunan lamang
ng gubyernong Macapagal ang malungkot na kalagayan ng bansa.
Tulad ni Michelle,
naniniwala rin si Dolor Labrador na di nga
tayo okay. Kahit anong pagtitipid, ubos pa rin lagi ang kanyang
kakarampot na suweldo. Natawa na lang siya nang ipagyabang ng Pangulo
na P60/kilo na lang ang galunggong. Ako man ay natawa, pagkat hindi
ito ang naririnig ko sa market monitor sa radyo.
Sa pagtitimbang
ni Dennis Aguinaldo sa bawat panig ng pagtatalo
hinggil sa SONA, makikita natin ang magkabilang mukha ng usapin.
Sa totoo lang,
mukhang nasa krisis pa rin tayo. At ayon kay canis lupus fidelis
ng Tinig.com Forums, sa ganitong
panahon mas kailangan natin ang tiwala sa
sarili, lakas ng loob, at nasyonalismo.
Pero ang mga
ganyang konsepto ay mukhang malayo sa isipan ng Pangulong Macapagal.
Deadma muna sa nasyonalismo. Bow tayo ulit sa mga Kano, alang-alang
sa "international war against terrorism". Kung noong una
ay may sundalong Kano na nanutok ng baril
sa mga Pilipinong mediamen, na ayon kay Alex Remollino sa kanyang
kolum ay ipinagtanggol pa ng opisyal na Pinoy, ngayon ay mayroon
nang sundalong Kano nga na namaril ng pinaghihinalaang
terorista pero pinagtatakpan pa rin umano ng Sandatahang Lakas.
Excited na rin ang Pangulo na malagdaan ang Mutual Logistics and
Support Agreement (MLSA) lalo na ngayon nasipa na sa Department
of Foreign Affairs ang makabayang Pangalawang Pangulong Teofisto
Guingona na pinalitan ng maka-US na si Blas Ople.
Balik na ba
tayo sa panahong ang ugnayang US-Pilipinas
ay gaya ng ikinuwento ni Lualhati Bautista sa kanyang nobelang 'Gapo?
Nakakalungkot.
Idagdag pa ang
dalamhati ng bayan sa paglisan ng dalawang dakilang alagad ng sining:
sina Larry Alcala at Doreen
Fernandez.
Ngunit sa kabila
ng lahat ng ito, tuloy pa rin ang buhay, tuloy pa rin ang laban.
Nariyan pa rin ang mga kuwento, tula at iba pang handog ng Tinig.com
sa inyo. Siyanga pala, magbabalik sa susunod na isyu ang column
ni Mong Palatino. Sana, magpadala pa rin kayo ng inyong mga kontribusyon.
Hanggang sa
muli.

For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|