|
TULA
Pasakalye sa Pintuan ng Sawsawang Suka na may Tatlong Siling Pula
Ni
Paquito Lapid
bago mamangka
ang iyong init
sa aking nagsusumamong ugat
alam kong lalabasan ako
ng pasirit-sirit na pawis
bunga ng pakikipagtunggali
sa kakaibang asim, nagbabaga,
nakapanglalata ngunit maginhawa,
masarap sa pandama. kadalasan,
paborito kita sa gabi, tuwing sasayad
iyong katas sa basang labi
sasabay naman ang pabugsu-bugsong hangin,
napakapilyo!
hahatakin niya ang kiliti sa kanyang
mapaglarong ugoy sa ikapitong
ulap, hanggang lumawit ang dila,
magtatapos sa mahaba-habang
kilig. kasunod ang buntong-hininga.
isang gawaing di mapigilang
ulit-ulitin. kaya ngayon,
muling sisimsimin, una'y ang
halimuyak, hahaplusin magandang
hugis, loob at labas
gagalugarin---akin ka
kahit tanghaling tapat!
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|