|
Ilang Gayat
ng Buhay ni Larry Alcala

MADALAS
NATIN siyang hanapin sa mga detalyadong eksenang iginuguhit niya
sa "Slice of Life". May mga pagkakataong hindi natin nakikita
kung saan niya itinago ang kanyang caricature, ngunit sa tuwina'y
natatagpuan natin ang ating mga sarili sa kanyang mga iginuhit.
Kilala at natatandaan
pa ba natin sina Mang Ambo, Kalabog en Bosyo, Siopawman, at Asyong
Aksaya? Eh sina "Bim, Bam, Bung" ng Funny Komiks at"Lolo
Brigido" ng Pambata magazine?
Natatandaan
at kilala man natin sila o hindi, tiyak na hindi natin malilimutan
ang alagad ng sining na nagbigay-buhay sa kanila, si Larry Alcala.
Tatlong salinlahing Pilipino ang pinahanga at pinatawa niya.
Mahigit sa 500
tauhan, 20 comic strips, anim na pelikula, at dalawang murals ang
kanyang nagawa sa loob ng mahigit 50 taon ng pagguhit. Nakapaglathala
siya ng 15,000 pahina sa loob ng panahong iyon.
Itinatag niya
ang Samahan ng Kartunista ng Pilipinas sa pagsusumikap na mas makilala
ang mga Pilipinong kartunista. Napuna kasi niyang ang lokal na komiks
ay napag-iiwanan ng syndicated at mas murang comic strips.
Naging propesor
din siya sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan ipinakilala niya
ang commercial design course at ang paglikha ng animated cartoons
sa 8-mm film. Pinahalagahan din niya ang malawak na naabot ng cartoons
bilang sa edukasyon at pagtuturo ng kagandahang-asal.
Iba't ibang
parangal ang natanggap niya bilang kartunista, kabilang ang Araw
ng Maynila Award noong 1994, Pamana Award for Cartooning noong 1991,
Catholic Press Award for Best in Humor noong 1998, MOPC-SPIC Excellence
in Cartooning, at ang UP Alumni Association Professional Award in
Fine Arts.
Isinilang sa
Daraga, Albay noong ika-18 ng Agosto, 1926, nagtapos siya ng BA
Fine Arts sa UP. Habang nag-aaral doon, naging kinatawan siya sa
UP Student Council, bahagi ng Board of Management ng Philippine
Collegian, at tumanggap ng Ramon Roces scholarship.
Naging pinuno
siya ng Visual Arts Department of the UP College of Fine Arts hanggang
sa mag-retire siya noong kalagitnaan ng 1995.
Noong ika-24
ng Hunyo, pumanaw si Larry Alcala sa edad na 75. Naulila niya ang
kanyang maybahay na si Guadalupe, 69 at mga anak na sina Lauro,
45, Lamberto, 43, Lizette Alcala Guanzon, 40.
Mula sa Bacolod
kung saan siya pumanaw, inilapad patungong Maynila ang kanyang mga
labi at ibinurol sa UP Chapel bago ihatid sa huling hantungan.
--------------
Ang ilang slices of information sa buhay ni Larry Alcala na inilathala
natin dito ay mula sa Inq7.net (http://www.inq7.net/nat/2002/jun/26/nat_12-1.htm)
at sa website para kay Larry Alcala (http://www.geocities.com/SoHo/Studios/4308).
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|