v 17.0
Hulyo 30, 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Pagbabalik ng 'Gapo
Ni Alexander Martin Remollino

KAMAKAILAN LANG ay inaprubahan ang isang kasunduang magpapalawig nang limang taon sa Balikatan, na sa pagdaan ng panahon ay umaani ng patindi nang patinding pagtutol dahil sa pagtapak nito sa ating soberanya at sa unti-unting napatutunayang kawalang-silbi nito sa pagsasanggalang sa atin laban sa “terorismo”.

Samantala'y kasalukuyang niluluto ng Malacañang at ng gubyernong Amerikano ang Mutual Logistics Support Agreement, isang kasunduang magbibigay ng karapatan s US military na magkaroon ng storage facilities sa ating bansa.

Sa pangyayaring ito’y para na ring babalik ang mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas, at hindi lang iyan—ang buong Pilipinas ay di malayong maging isang base militar ng Estados Unidos sa Asya.

Sa nobelang ‘Gapo ni Lualhati Bautista, makikita kung ano ang maaari nating asahan sa loob ng susunod na limang taon, batay na rin sa kasaysayan ng mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas.

Ang ‘Gapo sa pangunahi’y kasaysayan ni Michael Taylor, Jr., isang dadalawampuing taong gulang na folk singer na anak sa labas ng isang sundalong Amerikanong kailanma’y hindi niya nakita ang pagmumukha. Ngunit sa pagsulong ng nobela’y makikitang kasaysayan din ito ng mga Pilipinong namuhay sa Olongapong pinaghaharian ng mga sundalong Amerikano noong panahong naroon pa ang kanilang base militar.

Malaki ang galit ni Michael sa mga Amerikano dahil sa ginawa ng ama niyang pag-iwan sa kanyang ina, at sa kanyang pagiging anak sa labas, na nagsupling ng pagkutya mula kung kani-kanino. Ang galit na ito’y mararagdagan pa ng mga masasaksihan niyang kalapastanganang kagagawan ng mga sundalong Amerikano, na pinalalampas lamang ng pamahalaang lubhang duwag upang parusahan sila. Dahil dito, palagi niyang nakakasagutan si Magda, isang bargirl na inampon ng kanyang ina at kasama niyang lumaki, na isang masugid na tagahanga ng mga sundalong Amerikano sa kabila ng mga pasakit na kanyang dinanas sa kanilang mga kamay.

Malalapit na kaibigan ni Michael sina Modesto, isang manggagawa sa base militar, at Ali, maperang bakla. Sa pakikipag-ugnayan ni Michael sa dalawang ito ay mabubunyag ang kanilang mga kasaysayan—si Modesto’y api-apihan sa base militar, walang kaibigang Amerikano roon liban sa isang William Smith, at kaya na lamang nagtitiis sa kanyang trabaho ay sapagkat malaki ang kinikita niya roon, samantalang si Ali ay may kasintahang isang sundalong Amerikanong nagngangalang Richard Halloway.

Isang araw ay hindi na matitiis ni Modesto ang paglapastangan sa kanya ng mga sundalong Amerikano sa base militar at makikipagsagutan siya sa isang opisyal doon. Ang sagutan ay mauuwi sa suntukan, kung saan si Modesto ang makalalamang. Ngunit gaganti ang mga sundalong Amerikano at pagtutulung-tulungan nilang gulpihin si Modesto, sa kabila ng mga pagpipigil at pakikiusap ni William, hanggang sa mamatay. Si William, na handang tumestigo laban sa mga may kagagawan ng naganap na kasalarinan, ay biglang tatanggalin mula sa serbisyo at pauuwiin ng kanyang mga opisyal sa Estados Unidos.

Si Ali nama’y pagnanakawan ni Richard sa pakikipagsabwatan ng kasambahay nitong si Ignacio, at bubugbugin pa.

Samantala, si Magda nama’y nagkaroon ng isang kasintahang isa ring sundalo, na nagngangalang Steve Taylor, na di maglalaon ay makabubuntis sa kanya. Sa simula’y tila napakabait nito, at sa kauna-unahang pagkakatao’y parang nakita ni Michael sa kanya ang isang Amerikanong maaari niyang maging kaibigan. Subalit sa dakong huli’y malalaman niyang hindi naman pala ito tapat kay Magda at sa katunaya’y may babalikang asawa’t anak sa Estados Unidos.

Maalaala niya ang mga katampalasanang sinapit ng kanyang ina, nina Ali at Modesto, sa mga kamay ng mga Amerikano. At maiisip niyang si Magda’y paulit-ulit nang nilinlang ng mga Amerikanong minahal niya at ngayo’y nililinlang na naman. At ihahataw niya sa ulo ni Steve ang kanyang gitara, isang hataw, dalawang hataw, walang patumanggang hataw, hanggang sa ang Amerikano'y mamatay.

Magtatapos ang nobelang si Michael ay dinadalaw ni Magda sa kulungan. Magpapaalam sa kanya si Magda na ipapangalan sa kanya ang anak nito. Michael Taylor III. Mahigpit na maghahawak ang kanilang mga kamay mula sa magkabilang panig ng mga rehas.

Ang nobelang ‘Gapo ni Lualhati Bautista, na gaya ng mga nobelang Noli me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal ay hango sa mga tunay na karanasan, ay sinulat noong dekada '80. Noon pa ma’y makabuluhan na ito sapagkat idinuduro nito sa ating mga mukha ang isang katotohanang noon at ngayon ma’y pilit nating tinatakasan at pinangangatwiranan sa pamamagitan ng kung anu-anong kahangalan.

Ngunit ngayo’y lalong makabuluhan ito, sapagkat sa ilalim ng umiiral ngayong Balikatan ay di malayong ang buong bansa nati’y maging isang malaking base militar ng Estados Unidos.

 

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Kumusta na'ng Lagay Natin?

SA ISYUNG ITO
Assessing the Address
By Dennis Aguinaldo

When-Just-Getting-By-These-Days-Is-Already-Such-a-Pain Ramblings
By Dolor Labrador

Nasyonalismo, Pride, si GMA, at ang Pinas
Ni canis lupus fidelis

Tungo sa Isang Matatag na Republika
Ni JM Cerna

Dapat Idaan sa Senado ang MLSA
Ni Ederic Eder

Pagbabalik ng 'Gapo
Ni Alexander Martin Remollino

Pagbabalik-Tanaw sa Ipinagdiwang na Fil-Am Friendship Day
Ni Armando Sinaglahi

Troy and KC Montero Were Once My Neighbors
Ni Karla Maquiling

Para kay Pare
Ni Alym Escultura

Gunaw
ni Sherbien Dacalanio

KOLUM
Subersibo
Ni Michelle Licudine

Alipato
Ni Alexander Martin Remollino

BAYANI
Ilang Gayat ng Buhay ni Larry Alcala
Sa Alaala ni Kasamang Doreen Fernandez

MAIKLING KWENTO
Bakit Ako Laging Sinusundan ng Buwan?
Ni Daryl Ang Valenzuela

An E-mail from the Suburban Sardine Queen
By Christine A. Ongpin

PITAK
President Macapagal's SONA

US Soldier Shoots Moro Civilian
By the Bagong Alyansang Makabayan

Political Cliques in Camarines Sur
By Noe Caceres and Perry M. Calara

Arroyo’s Ouster or Defeat in 2004 Possible—Joma
By Ace Alegre

MGA KWENTONG PP2
Never Again
By Lynn Lopez

TULA
The Necrophiliac Lover of an Artist
By MXV Ong
Quickly Join Hands and Prepare
By Honey Pie Maniego
Not So Different
By Abril Tamin
Sabing Sabit-sabit (ni Super-Egong Agit)
Ni Erwin Lareza
Pasakalye sa Pintuan ng Sawsawang Suka na may Tatlong Siling Pula
Ni Paquito Lapid
Empatya
Ni Anj Mendoza

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved