| MAIKLING
KUWENTO Bakit Ako Laging
Sinusundan ng Buwan?
Ni Daryl Ang
Valenzuela
BAKIT
KAYA ang bilis-bilis magpatakbo ni Tatay ng kotse ngayon?
tanong ni Julia sa sarili. Dati namay maingat siya kung
magmaneho, at kumakandong pa ako kay Nanay sa harap. Pero ngayon,
katabi ko si Kuya Diego dito sa likod, at hindi man lang nila ako
pinapansin.
Maka-ilang ulit
na ring naitanong ni Julia kung saan sila papunta. Paulit-ulit namang
siyang sinagot ng sa ospital kasama ang mga salitang
sandali na lang tayo. Palibhasay ngayon lang siya
nakasama sa mga lakad ng matatanda at hindi pa siya
sanay matulog nang sobrang gabi kagaya ng kanyang Kuya Diego. Kaya
itinuon na lamang niya ang atensyon sa mga tanawin sa labas ng bintana,
lalo na sa kaputian at kabilugan ng buwan.
Bakit
kaya napakatahimik ni Nanay ngayon? usal muli ni Julia sa
kanyang sarili, habang taimtim na pinagmamasdan ang likuran ng kanyang
ina. Hindi niya napapansin ang pagsandal ng ulo nito sa kotse at
ang mabagal at malalim nitong paghinga.
Tinitigang mabuti
ni Julia ang buwan ng mga ilang sandali. Maya-mayay sabik
na sabik nitong kinalabit ang kanyang Kuya. Kuya Diego! Tignan
mo! Sinusundan ako ng buwan!
Umiling si Diego
na may halong pagkayamot ang ngiti. Hindi ka sinusundan ng
buwan. Guni-guni mo lang yun.
Hindi,
tingnan mo! pagpupumilit ni Julia. Sumusunod sa akin
ang buwan!
Napailing lang
si Diego sa nakababatang kapatid. Hindi lang ito ang unang beses
na kinailangan niyang magpaliwanag ng kung anu-anong bagay kay Julia.
Kunsabagay, apat na taon pa lamang ito, samantalang siya namay
Grade 5 na.
Sumilip si Diego
sa bintana. Muntik na siyang mapatawa ng makitang nanlalaki ang
mga mata ni Julia sa pagkamangha at pagkagulat. Pinulot ni Diego
ang tennis ball na nasa kanyang paanan, at dumukot naman ng jolen
mula sa bulsa ni Julia.
Hindi
ka sinusundan ng buwan. Hindi naman ito pwedeng sumunod sa kahit
na sinong tao. Ganito yun, sabi ng teacher namin. Hawak
ang tennis ball sa kanang kamay, dahan-dahan niya itong ipinaikot
habang itinaas ng bahagya sa tapat nito ang jolen.
Kunwari
itong bola ay ang mundo, at itong jolen naman ang buwan, sabi
ni Diego. At kunwari ikaw itong maliit na tuldok na nasa bola.
Umiikot kasi ang mundo, habang ang buwan ay pumapalibot kasabay
nito. Kaya akala mo tuloy sinusundan ka ng buwan, pero ang totoo,
sabay ang paggalaw ng buwan at ng mundo.
Ibinulsa ni
Diego ang tennis ball at ibinalik kay Julia ang jolen. Naintindihan
mo ba?
Napakamot ng
ulo si Julia at binigyan siya ng isang tingin na nagbabadya ng mas
marami pang katanungan. Sumilip muli siya sa bintana. Pero
kuya, tignan mo! Sumusunod pa rin ang buwan!
Napabuntong-hininga
na lamang si Diego. Sa wakas, nakarating na rin sila sa ospital.
Dali-daling inakay ng kanilang ama palabas ng kotse ang kanilang
ina. Nagmamadali ring hinatak ni Diego ang kapatid at sumunod sa
kanilang mga magulang patungo sa ospital.
Sinalubong
ang mag-anak ng amoy ng ospital at ng mga doktor at nurse na naglagay
sa Nanay ni Julia sa isang puting kamang itinulak papunta sa kung
saan. Binilinan ng Tatay si Diego, Anak, hawakan mong mabuti
si Julia, huwag mong hayaang mawala. Kakausapin ko lang ang duktor.
Maupo muna kayo dun sa gilid at hintayin nyo ako.
Hinalikan ng Tatay ang dalawang bata at pumasok sa isang silid,
kung saan naroon ang asawa. Hinawakan naman nang mahigpit ni Diego
ang kapatid at tumungo sa mga upuan.
Kuya,
nasaan si Nanay? tanong ni Julia.
Pagagalingin
lang muna siya doon. May sakit kasi siya eh.
Maya-mayay
umupo sa tabi nila ang Tatay. Mababakas sa mukha nito ang pagod
at pangamba. Pinilit nitong ngumiti para sa mga anak. Kinalong nito
si Julia, habang ang bata namay napansin muli ang buwan na
sumisilip sa katapat nilang bintana.
Tatay,
ang buwan! Tignan mo! sabik na pasigaw ni Julia. Sinundan
ako hanggang dito sa ospital!
Ibinaba ng
Tatay ang bata sa upuan at malumanay na sinabing, Hindi ka
sinusundan ng buwan, anak. Huwag kang masyadong maingay dahil maraming
maysakit at natutulog na dito.
Pero
Tatay! Sinusundan talaga ako nito! Kanina sa kotse, ngayon dito
sa ospital! Bakit ba kasi ako sinusundan nito? pilit ni Julia.
Tumawa nang
malakas si Diego habang pinilit namang ngumiting muli ng Tatay.
Marahan muli itong nagsalita. Julia, huwag maging makulit
na bata, lalo nat maysakit ang Nanay mo ngayon. Kailangan
niyang magpahinga, kaya dapat huwag kang masyadong maingay. Matulog
ka na rin kaya muna, anak?
Ngunit gising
na gising pa si Julia. Sa takot sa palo, itinigil niya muna ang
pagtatanong. Sa halip ay ibinaling muli nito ang pansin sa nangungulit
na buwan, habang binabantayan naman siya ni Diego na aliw na aliw
sa pagkamangha ng kapatid.
Ilang minuto
ang nakalipas bago kausapin muli ang Tatay ng duktor. Si Julia namay
pumuslit sa kwarto ng Nanay habang hindi nakatingin si Diego. Laking
gulat nito nang makita ang kanyang ina na putlang-putla, ngunit
may ngiti sa mga labi. May mga kahong may kakaibang ilaw sa tabi
ng kanyang kama, at plastic tube na parang nakatusok sa kanyang
braso.
Nilapitan ni
Julia ang kanyang ina at umupo sa tabi nito nang mapansin muli ang
nakadungaw na buwan na ngayoy nasa bintana naman ng kwarto.
Naalala niyang muli ang kanyang tanong.
Nanay,
tignan mo! Ang buwan! Sinusundan ako ng buwan! Kanina sa bintana
ng kotse, tapos sa may kasilyo---ngayon naman sa kwarto mo! Bakit
ba ako laging sinusundan ng buwan? tanong niyang muli, ngayoy
may halo nang pagkaasar.
Natawa ang Nanay
sa tanong ng anak. Ngunit hinawakan nito ang kamay ni Julia. Pinisil-pisil
ito habang nakangiti niyang ipinaliwanag sa bata ang sikreto ng
sumusunod na buwan.
Sumusunod
lang naman ang buwan kapag ginusto mo. Pero lagi itong magbibigay
ng liwanag kapag masyadong madilim para sa iyo ang gabi; ito ang
gagabay sa iyo tuwing matatakot o malulungkot ka sa kadiliman. Kapag
sumilip ka sa bintana, o tumingin sa langit, maasahan mo na dudungaw
rin pabalik. Ayaw mo ba non, laging may nagbabantay sayo?
At nakuntento
si Julia sa paliwanag ng Nanay. Hinalikan niya ang ina sa pisngi
at inilagay sa kamay nito ang jolen na nasa bulsa niya. Ipinikit
ng Nanay ang kanyang mga mata, at dahan-dahan muling bumalik ang
bata sa kanyang Kuya, na hindi man lamang namalayan ang pag-alis
nito.
Pinapaikot muli
ni Diego ang tennis ball na bigay ng kanyang ina noong nakaraang
kaarawan niya. Pumasok ang Tatay kasama ang doktor sa kwarto ng
Nanay. Ilang sandali lamang ay lumabas muli ang Tatay, at umupong
muli sa tabi mga anak, ngunit nakatuon ang atensyon sa sahig. Si
Diego namay pinatalbog nang pinatalbog ang bola, pilit na
binabasag ang katahimikang bumalot sa puting kasilyo ng ospital.
Sa pag-uwi ng
mag-anak, mapapansing tahimik ang lahat. Ang Tatay ay tahimik muling
nagmamaneho ng sasakyan, ngayoy katabi na si Diego na patuloy
pa ring pinaglalaruan ang tennis ball na kanyang bitbit. Mag-isa
naman si Julia sa likod, at naaaninag pa rin ang liwanag ng buwan
sa kahit saang sulok ng langit na minamataan. Ngunit ngayoy
wala na ang pangamba ng bata sa buwan na nananatiling sumusunod
pa rin sa kanya.
---------------
Si Daryl ay kasapi ng UP Ugnayan ng Manunulat (UP UGAT), at magtatapos
ng kursong BA Comparative Literature sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|