Timbangan
Ni Sherbien Dacalanio
ISANG ARAW,
nagulantang na lang ang sambayanang Pilipino pati na rin ang buong
sansinukob sa balitang pangingidnap ng mga Abu Sayyaf Group (ASG).
Naging laman ito ng ng mga pahayagan, radyo at telebisyon. Masasabi
ring lumakas ang ating turismo sa mga panahong ito dahil pinagpistahan
din ng international media ang bagung-bagong lunsad na Reality TV
dito sa Pinas.
Oo, ang pandurukot
ng mga Abu Sayyaf at pakikibaka ng ating mga sundalo sa mga ASG
ay maituturing nating makabagong konsepto ng pinaghalong mga Reality
TV na Combat Missions, Temptation Island at Survivor. Ito rin ay
maituturing na makabagong krusada ng mga bayaning sundalong handang
ibuwis ang buhay para sa bayan, kagaya nila ang mga sinaunang kabalyerong
naghahangad na palayain ang Banal na Lupain sa mga mananakop.
Masasabing ang
paglaban sa teroristang ASG ay gaya ng TV series sa Amerika na Combat
Mission (ang nakakatawang bersyon ng Combat Mission dito sa Pilipinas
na mas nakakatawa pa kaysa sa mga nakakasawa nang gag show) sa kadahilanang
labanan ito ng tatag-matira ang matibay. Ang Abu na nagsanay sa
Afghanistan at may mga espekulasyong nakakakuha sila ng suporta
kay Osama laban sa mga sundalong Pilipinong nagsanay sa bansa na
may pagsasanay gaya ng sa mga sinaunang Spartan sa tulong ng Balikatan
at may mga kagamitang pandigmang mas moderno pa sa mga ginamit sa
labanang Athens at Sparta mga 400 B.K.
Mayroon din
silang kagamitang ibinasura ng mga Kano sa bansa at talaga ngang
resourceful ang mga Pilipino dahil nirecycle nila ang mga ito (pero
ang Mercury sa Clark, mare-recycle pa ba? Marahil ay maaaring gawing
thermometer at tiyak na maraming thermometer ang magagawa nito at
magiging Thermometer Capital of Asia ang Pinas) at ginamit pang
pandigma; sabagay, wala pang katulad ng mga ganoon dito. Masasabi
ding Temptation Island ang dating ng paglaban sa terorismo. Biro
mo, may mga artistang handang ipabihag ang sarili kay Abu Sabaya
kapalit ng one-night stand o kayay maging asawa na siya ni
Abu Sabaya kapalit ng kalayaan ng mga bihag (sana, ako na lang si
Abu Sabaya
). Napakadakila, di ba? Sang-ayon din akong tawaging
martir at patron ng mga pokpok ang mga sexy star na ito dahil sa
pag-aalay ng kanilang sarili para sa kalayaan ng mga bihag. (Marahil,
binigyan ko ng idea ang Seiko hinggil sa thriller ng susunod nilang
pelikulang papamagatan kong Abu, Bihagin at Angkinin mo na Ako.
Dudumugin ito ng mga manyakis sigurado, pero huwag ka--puwede rin
itong pang Cannes at Brussels.)
Matatawag ding
Survivor
outlast
outwit
outplay ang paglaban sa terorismong
yumanig sa mga Pilipino. Deception sa isang salitang malutong, maihahalintulad
ng sa Survivor ang paglaban sa terorismo. Bakit nanalo sa Survivor
Marquesas ang isang Black American? Gumamit siya ng deception sa
pamamagitan ng pagbigay ng immunity sa kalaban kung siya ang pananaluhin
nito. Sa insidente naman dito sa Pinas, pinaniwala tayo ng gobyernong
nananalo na ang ating mga sundalo laban sa mga ASG at sinasabi nilang
walang perang nagamit sa pagpapalaya ng mga bihag. Itoy isang
malaking kasinungalingan. Maraming sibilyang nasugatan at namatay
sa mga sagupaan. May mga pinatay na bihag. Kamakailan, may mga napalayang
nagsabing may ibinayad kaya sila napalaya. Ano ang gustong palabasin
ng pamahalaan? Halos naman lahat ng kanilang itago sa pamamagitan
ng news blackout (hindi rin patatalo ang media kahit na may new
blackout sa ngalan lamang ng exclusive coverage) ay
nahahalata at napaka-predictable gaya ng isang as usual
nang action-packed Filipino movie.
Maraming naging
biktima ng labanang ito. Mga namatayan at nasaktan. Taong-bayan
dahil sa pangamba. Turismo ng ating bansa. Pondo ng bayan. Kaming
mag-anak.
Oo, kaming mag-anak!
Hindi kami namatayan o nasaktan. Sa katunayan, malayo kami sa pinangyayarihan
ng labanan. Di ba maraming perang nalustay dahil sa walang kabuluhang
giyera?
Ayon sa tito
ko, sinabi daw ng isang senador noong pumunta siya sa Tarlac na
ang pondo ng isang ahensiya ng gobyerno ay hindi maibibigay sapagkat
ito muna ang ginamit na pondo sa pagtugis ng mga Abu Sayyaf. Ang
ama ko ay nagtratrabaho sa ahensiyang iyon. Isang araw nagulat na
lang ang ina ko sa hindi pagsasahod ng aking ama, umabot ito sa
anim na buwan. Nasanla namin ang bahay at lupa para sa tuition fee
ng dalawang kolehiyo at dalawang high school pati na rin para sa
pang-araw-araw naming pangangailangan. Pagkatapos ng mahigit anim
na buwan, sumahod din ang aking ama ng isang buwan. Pagkatapos,
anim na buwan na naman siyang hindi sumahod. Nasanla ang sakahan
namin. Dumating pa nga ang puntong humihingi na sa akin ng pamasahe
ang aking ama. Tuwing hapon rin nag-aaway ang aking amat ina
dahil hindi nila alam kung papaano pa kukuha ng pera kinabukasan.
Ako naman kumukuha ng baon sa aking sweldo sa pagtu-tutor. Nakakaawa
kami, pero hindi kami nagpahalatang naghihirap na kami. Naaalaala
ko pang minsay nag-email ako sa isang public service segment
sa isang morning show ukol sa di-pagsasahod ng aking ama. Naisatelebisyon
yun. Nalaman ito ng nakakataas kaya sinabi nilang, Kung ayaw
ninyo na, umalis na kayo! Ngayon, malapit nang ma-foreclose
ng bangko ang bahay at lupa namin.
Kahit na ngayong
unti-unti nang nakukuha ng aking ama ang kanilang suweldo noon,
tamang-tama lang ito na unti-unti naming bayaran ang kalat-kalat
naming utang. Marahil hindi na namin mababayaran ang aming nakasanlang
bahay.
Ang laki pala
ng dinulot na pinsala ng labanan, pati walang kamalay-malay na naghihikahos
nadamay. Sana kung noon pa ay pinasabog na nila ang pinagtataguan
ng mga ASG e di tapos na. Ang pera sanang nalustay ay pinagpagawa
sana ng resettlement area para sa mga nakatira sa squatter area
at mga scavenger. Makakagawa pa ng milyong mumurahing pabahay. Nabawasan
pa ang mga nakatira sa kalunos-lunos at kasumpa-sumpang lugar. Naiwasan
din sana ang kapalaran ng mga pamilyang naghikahos dahil sa di-direktang
epekto nito gaya ng sa kanila gaya ng nangyari sa amin.
Palibhasay
tanga ang ating gobyerno at kapakanan lang ng bulsa at popularity
rating nito ang iniisip.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|