TULA
Sa Dating Kalaro
Ni Ronald Atilano
Hindi na tayo
magluluksong-tinik
sa mga lansangang ating tagpuan,
hindi na maghahabulang may sandatang patpat
sa madadawag
na kagubatan
at palayo sa eskinitang may aninong tumutugis.
Umayaw na tayo sa madugong taguan.
Dito sa lugar
na malayo sa himagsikan,
hindi na tayo aabutan ng dilim
at hindi na magigising nang di-mapakali
sa multong panganib
na may ngiping matalim.
Subali't himalang tayo'y nananagip pa
ng mahiwagang mga siyudad
na ating sasapitin
sa malao't madali
gayong nawasak na ang mga tulay
ng mga kasukalang ating tinawid
noong tayo'y
bata pa,
noong ang mundoý higanteng parang
sa ilalim ng ating mga saranggola.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|