Gusto kong manikluhod
sa karagatan.
Doon, kung saan humahalik ang langit sa lupa
at bumabagtas sa walang humpay na katiwasayan.
Makikita mo
ang kahubdan ng lahat.
Mga katotohanang pilit ikinukubli ng
mapagkunwaring tadhana,
na kadalasa'y pinapanday ng maamong
pag-indayog ng alon sa ating mga pisngi.
Napakasarap.
Lalo na't maluwag sa dibdib ang pagtanggap
sa hanging amihan.
Doon, paroroo't paririto ang haring araw
at dadantay sa palad ng mga munting kawawa.
Nakalulugod
isiping tayo'y naririto.
Sa kaharian ng mga bathala sa lupa.
Sana'y walang katapusan.
Sana.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.