v 16.0
Hulyo 4, 2002  

Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

 

 

 

 

 

Sina Martin, Edibora, at mga Sundalo ni Samuel
Alipato
Alexander Martin Remollino

MATAPOS ANG "matagumpay" na pagkakasagip kay Gracia Burnham mula sa mga kamay ng bandidong Abu Sayyaf, na nakasabay ng pagkakapatay sa mga kapwa niya bihag na sina Martin Burnham (asawa niya) at Ediborah Yap, maugong ang mga balitang tuluyan nang makikialam ang mga sundalong Amerikanong nasa Mindanao sa pagtugis sa naturang bandidong pangkat. Dati'y sa pag-eespiya lamang "tumutulong" ang mga sundalong Amerikano sa ating militar.

Matatandaang kaya nagpadala ng mga tropa sa ating bansa ang napakagiting na Pangulo ng Estados Unidos na si George W. Bush ay upang diumano'y turuan ang ating militar sa pagtugis sa mga terorista, kung saan kasama raw ang Abu Sayyaf, na ayon mismo sa isang mataas na opisyal ng Amerikanong militar ay matagal nang itinakwila ng mismong teroristang si Osama bin Laden dahil sa pagiging lubhang mersenaryo ng mga ito.

Nang dumating ang mga tropang Amerikano sa ating bansa ay halos nagapi na ng ating mga sundalo si ang Abu Sayyaf-napalibutan na si Abu Sabaya-at kaya lamang nakatakas ang mga bandido ay sapagkat ang mga sundalong kalahok sa pagtugis ay biglang ipinatawag ng kung sinong magagaling na heneral upang dumalo sa isang briefing.

At ang mga sundalo ni Tiyo Samuel ay nagsitungo nga sa ating lupain. Mahigit sa tatlong buwan nilang sinasanay ang ating mga sundalo sa paggamit ng mga sopistikadong sandata, na aywan kung ano ang magiging silbi sapagkat iuuwi rin naman nila pagkatapos ng ehersisyong militar. Mahigit sa tatlong buwan din nilang "tinutulungan" ang ating mga sundalo sa pagmamanman sa Abu Sayyaf, at kaya nga raw natunton ang mga bandido nang araw na masagip si Gracia Burnham at mapatay sina Martin Burnham at Ediborah Yap ay dahil sa "tulong" nila.

Ngayo'y halos lumuhod ang mga tagahimod ng sapatos ni Samuel sa mga pamangkin niyang sundalo. Ang gagaling daw nila, at dahil dito'y wala raw masama kung ang ehersisyong militar sa pagitan nila at ng ating militar ay mapalawig nang higit pa sa itinakda ng mga aregluhang sumasaklaw dito.

Datapwat ang nangyaring pagwawakas sa naturang krisis ng pambibihag ay nag-iwan ng higit na maraming tanong kaysa sagot.

Kung talagang magagaling ang mga tropang Amerikanong "tumulong" sa ating militar na manmanan ang Abu Sayyaf, bakit nang araw na magkasagupa ang mga puwersa ng pamahalaan at ang naturang bandidong pangkat ay hindi namataang kasama nila ang mga bihag. Nakaunipormeng pansundalo raw kasi ang mga ito nang mamataan ang Abu Sayyaf, anang Roilo Golez, Tagapayo ng Pangulo sa Pambansang Seguridad.

Subalit hindi ba't sa karanasa'y nakikitang ang kaparaanan ng Abu Sayyaf ay umiwas sa mga sagupaan sa pamamagitan ng paggamit sa kanilang mga bihag bilang mga panangga sa punlo? Bakit ngayon nila papagsusuutin ng unipormeng pansundalo ang mga ito, samantalang sa gayo'y higit silang magiging lapitin ng punlo?

Makabubuti ring matandaang sa naging digmaan ng Estados Unidos at Afghanistan kamakailan, hindi ang Taliban na siyang kalaban noon ng mga puwersa ni Tiyo Samuel ang lumitaw na pinakamalaking talunan. Tatlong libo't limang daang sibilyan ang naiwang mga bangkay matapos ang naturang labanan. Ilang ospital at palengke ang tinamaan ng mga bombang inihulog ng mga eroplanong Amerikano. Sa maraming nabihag ng mga sundalong Amerikano, kabilang ang ilang masigasig na pinunong anti-Taliban.

Ang kasaysayan ng mga sundalong Amerikano sa Afghanistan at sa Mindanao ay nagpapakitang maliwanag pa sa sikat ng sanlibo mang bituing sinliwanag ng ating araw kung gaano kagagaling ang mga sundalo ni Samuel, na hindi malayong isang araw ay makita nating nagsasagawa ng operasyong militar sa ibabaw ng sariling lupa natin.

Oo nga't kailangan nating masugpo ang Abu Sayyaf, subalit huwag sa paraang hindi lang magpapawalang-saysay sa soberanyang magpahanggang ngayo'y ipinagbububo ng dugo ng mga tunay na Pilipino kundi maglalagay din sa ating lahat sa walang katumbas na panganib. Ang nagpapalala sa krisis na nililikha ng Abu Sayyaf, ayon sa karanasan, ay ang pakikipagsabwatan ng matataas na opisyal ng militar sa kanila. Nasa atin, samakatwid, ang kalutasan-ang pagsasagawa ng sibil na pagsuway hanggang sa mapilitan ang pamahalaan na gawin nang maayos ang pagwawakas sa krisis na iyan.


For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Tutang Ina N'yo!

SA ISYUNG ITO
Friendship Day Rants
By Dennis Aguinaldo

Puppy Love
Ni Lisa C. Ito

Timbangan
Ni Sherbien Dacalanio

US Intervention: An Exercise of Sovereignty?
By Professor Roland G. Simbulan

Mother's Abhorrence
By Rayts dc

KOLUM
Daluyong
Ni Mong Palatino

Alipato
Ni Alexander Martin Remollino

MAIKLING KWENTO
Cable TV
Ni Carlos M. Piocos III
Afternoon Ink Polaroids with John Paul Fredeluces
By Adam David

PITAK
Protest Groups Mark Independence Day with Call for US Troop Pullout
By Alfred A. Araya Jr.

MGA KWENTONG PP2
A Letter from Manila
By Barnard C. Balquiedra

TULA
Acquittal
By MXV Ong

Patay na Bituin
Ni Alexander Martin Remollino

Sa Dating Kalaro
Ni Ronald Atilano

Tubig ng Langit
Ni Ron Dalofin

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved