|
Ang Gabi ng
Poot at Pagkatapos
Ni Alexander Martin Remollino
NANG
GABING iyon, kami'y parang sinabuyan ng putik sa mukha at parang
binuhusan ng ihi at tinapunan ng tae ang mga puntod ng mga yumaong
mahal namin sa buhay.
Kami noo'y lampas
sa isang buwan nang tumutunghay sa pinakamakasaysayang paglilitis
di sa Pilipinas lamang kundi maging sa buong Asya. At bakit hindi
magkakagayon ang naturang paglilitis? Sa buong kasaysayan ng Pilipinas
at sa buong kasaysayan ng Asya ay noon lamang nililitis sa harap
ng bayan ang isang Pangulo.
Ganoon man katagal
nang umiinog ang mga gulong ng naturang paglilitis noon ay hindi
pa rin kami lubusang makapaniwalang nangyayari iyon. At sino naman
ang makasisisi sa amin? Sino ang lubusang makapaniniwalang sa isang
bayan kung saan ang katiwalia'y ipinagpapalagay nang likas sa pulitika,
kung paanong ang baho'y likas sa bulok na bangkay, ay malilitis
ang isang Pangulo dahil sa walang kahihiyang paglustay sa salapi
ng sambayanan?
At noong gabi
ngang iyo'y sabik kaming nag-aabang sa kalalabasan ng pagtatalo
tungkol sa isang sobre. Pinagtatalunan noon kung ang sobreng bigay
ng isang bangko at naglalaman ng mga katibayang maaaring maging
batayan ng makatarungang pagpapasya sa paglilitis na iyon ay pabubuksan
ng mga Senador-Hukom. May isang bahagi naming hindi naniniwalang
mabubuksan ang naturang sobre, sapagkat sa bilang at bilang na lamang
ay nananaig ang mga kampon ng nasasakdal at sila'y walang pakundangan
sa pagpapahalatang sila'y sa nasasakdal pumapanig. Sa kabilang banda
nama'y may bahagi rin naming umaasang mabubuksan ang sobre, sapagkat
kung ang paglilitis na iyonna dati'y hindi naming inakalang
magaganap ni sa pinakaimposible naming mga panaginipay nangyayari,
ano pa ang mabuksan ang naturang sobre?
Datapwat nang
dumating ang kapasyahan ay nagitla kaming lahat. Oo nga't hindi
kami lubusang naniniwalang mabubuksan ang sobreng iyon, subalit
ang pagkakapagpahayag ng kapasyahang papanatilihing tikom ang bibig
niyon ay nakatutulig na parang isang libong kulog. Walang anumang
bahid ng kahihiyan sa bayang nagluklok sa kanila sa katungkulan
ang mga nagbuo ng kapasyahan sa pamamagitan ng kanilang mga boto.
Sa halip, kanila pang itinanghal ang kanilang kapasyahan bilang
isang obra maestra ng kahenyuhan.
Anupa't kami'y
dinaig ng paghihimagsik namin sa nangyaring katampalasanan. May
mga nagpadaloy ng luha sa mga pisngi, may mga nagluwa ng malulutong
na mura, may mga nagnasang manuntok, manaksak, mamaril, mang-umpog
sa dinding. May isang pangungusap na pilit na isinisigaw ng aming
mga utak: dapat na singilin ang mga lumapastangan sa bayan nang
buong kapangahasan.
At kami'y dinala
ng paghihimagsik na iyon sa makasaysayang lansangang ang pangala'y
EDSA, kung saan halos labing-apat na taon na noon ang nakararaan
ay isinuka rin ng bayan ang isang pinunong nawalan na ng karapatang
mamuno. Tinotohanan naming ang pagtugon sa patuyang hamon ng isang
hunghang na Senador na kung ibig nami'y mag-alsa kami.
Hindi naming
inisip noon ang matuwa at magiging Pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa halip, inisip naming dapat na patalsikin ang pinuno at ang kanyang
mga kampong walang kahiya-hiyang dumura sa dangal ng bayan. Aksidental
na bunga lamang ng aming pag-aalsa ang pagiging Pangulo ni Macapagalkung
hindi man siya ang Pangalawang Pangulo noo'y mag-aalsa pa rin kami,
sapagkat ang aming naging pakikipaglaban ay hindi alang-alang sa
kanya kundi alang-alang sa katarungang kinitlan ng leeg, alang-alang
sa mabuting pamamahalang sa pagkahaba-habang kasaysayan ng Pilipinas
ay paulit-ulit na hinarangan ng sibat at inihulog sa imburnal at
noong gabi ngang iyo'y ginawan na naman ng kahayupan.
Napoot kami
hindi sapagkat si Joseph Ejercito Estrada ang Pangulo noon at si
Macapagal ay hindinapoot kami sapagkat ang mga pangarap ng
bayan ay walang pakundangang pinagpupunit at pinag-aapakan ni Estrada.
Kaya't ang mga
nasa kapangyarihan ngayo'y walang karapatang magyabang sa amin.
Tinanggap lamang naming sila ang papalit sa aming nais na patalsikin
upang hindi maging lubhang kalito-lito ang takbo ng mga prosesong
konstitusyonal at legal. Ang anumang kapangyarihang pinagpipistahan
nila ngayon ay utang nila sa aming pagpapaubaya, kaya't kung ayaw
nilang sila'y ibaon ng kasaysayan sa kawalang-luwalhati ay dapat
nilang igalang ang mga matwid na hangarin ng bayan.
---------------
Si Alex, 24, kapatnugot ng Tinig.com, ay isang manunulat sa IBON
Foundation. Sangkot siya sa mga panlipunan at pampulitikang
kampanya, sa lansangan man o sa Internet.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|