Dakila
N John
Melton
NAKITA KO sa
kanyang mga mata ang walang hanggang kaligayahang nararamdaman ng
isang inosenteng inang inakusahan ng katakot-takot na dami ng ibat-ibang
kaso. Panginoon, labis-labis ang napagdaanan niyang pagdurusa sa
mga yaon.
Siya ay parang
sinadyang inihulog sa pinakamalalim na balon at wala nang paraan
upang siyay makaahon sa kalunos-lunos at di makataong sinapit.
Napakatindi
ng mga naranasan niyang pagdurusa habang siya'y nasa loob ng madilim
at mabahong balon.
Halos wala na
siyang pag-asa ng maisipan ng tubig sa balon na lunurin siya upang
wakasan na ang labis nitong paghihirap, pero dahil sa kanyang matibay
na pananalig, naawa ang uto-otung tubig. Kaya umiyak ang langit
at bumuhos ang bayolenteng patak ng ulan. Hanggang sa unti-unting
tumaas ang tubig sa balon. Ngayon konting taas na lang at tuluyan
na siyang makakaahon.
Napakasaya niya
at nasisilayan na rin niya ang araw na matagal na niyang hindi nakikita.
Totoo ngang
kahit na isa kang Pariseo, noong panahon ni Hesus, basta may pananalig
ka maliligtas at maliliigtas ka.
Ngunit ano ba
nag nagawa niya at dapat siyang bigyan ng napakatinding dagok sa
buhay?
Ang tanging
ginawa niya ay mahalin ang mundo at ang mga nakatira dito. Mali
ba ang wagas na pagmamahal na tanging alay niya?
Marahil hindi!
Bilang isang
ulirang ina ng bayan, wala siyang ibang hinangad kundi ang kapakanan
ng bawat Pilipino! Gusto niyang iangat ang antas ng pamumuhay ng
bawat Pilipino. Kaya nga nagawa niyang isuot ang mga mamahaling
sapatos na gawa raw sa Marikina kahit na ang karamihan sa ating
mga kababayan ay naghihirap sa salot na dulot ng Batas Militar.
Tanging hangad
lamang niya ay iangat ang industriya ng sapatos sa ating bansa sa
pandaigdigang pamilihan. Isa pa'y gusto niyang aliwin ang mga taong
labis na naghihirap sapamamagitan pagpapasikat niya ng kanyang mga
mamahaling sapatos. Syempre maiibsan ang hinanakit ng mga tao.
Napakadakila
niya hindi ba? Sa palagay ko'y dapat siyang gawing santa. Kung meron
lang kaming telepono sa bahay at numero ng Santo Papa, tiyak na
tatawagan ko siya! Sa kalagitnaan ng gabi mag-ooverseas call ako
sa Roma upang kumbinsihin sa mga minutong iyon ang Santo Papa na
magpatawag ng Press Conference at bigla niyang iproklama sa mundo
na si Imelda Marcos ay isa na ngayong buhay na santa. Pangalawa
kay Mother Teresa ng Calcutta!
Napaisip din
ako dahil sa sinabi niyang napaangat niya ang industriya ng sapatos
sa pagsuot lamang ng mga ito. Marahil kung sa mga panahong ito gagawin
siyang endorser ng produkto siguradong bebenta ang nasabing produkto!
Hindi lang dahil
doon kung bakit hinangaan ko siya. Habang ginaganap ang panayam,
nabatid kong napakahusay niyang aktes. Siguro kung pilikula lamang
ang panayam na iyon marahil magiging Grand Slam Queen siya at tatabo
nang husto sa takilya. Napakahusay kasi niya sa pag-arte. Tiyak
din na kung pelikula iyon, magiging opisyal na lahok ng bansa ang
pelikulang iyon sa Oscars. Napakaganda kasi at masyadong eksaherado
ang mga kapanapanabik na Punch Line at quotable quotes ni Imelda.
Kung publisher lamang ako, ako na mismo ang maglalathala ng kanyang
ginagawang Auto-Biography. Sigurado akong magugustuhan ni Oprah
ang libro tungkol sa buhay ni Imelda at ifefeature niya ito sa Oprah's
Book Club. Isang araw pagkatapos nun, magiging International Bestseller
ang libro!
Kung pagbabasehan
naman ang mga paghihirap niya dahil sa mga paratang, magiging interesado
ang Guiness na gawin siyang title holder ng taong may pinakamahaba
at pinakamasakit na pagdurusa sa buong mundo (nadaig pa niya ang
paghihirap ni Birheng Maria bago siya pumunta sa langit)!
Kung lahat ng
mga kaso niya ay mapapawalang bisa, magkakamit siya ng Nobel Peace
Price dahil sa pagiging ina niya ng sambayanang Pilipino (ewan kong
sapat na basehan ito, baka malulutong makaw ang parangal na ito).
Biro mo pilit niyang ipinapanalo ang mga kaso para sa sambayanang
Pilipino. Gusto niyang ipamalas sa buong mundo na ang Pilipino ay
matatag kahit na anong unos ang dumating at darating sa buhay niya.
Tunay siyang maipagmamalaki ng bawat Pilipino at sa bawat henerasyon
nakaukit na ang kanyang pangalan dahil sa katapangan niya. Kikilalanin
siya ng bawat tao at bawat henerasyon sa mundo. Madadaig niya ang
mga pinakatanyag na tao at marahil mapapantayan pa niya ang pangalan
ni Satanas.
Natapos na ang
panayam at pinatay ko na ang telebisyon. Kinilabutan ako. Wala namang
kakaibang alulong ng aso. O pagaspas ng mga pakpak sa taas ng aming
bubungan. O huni ng paniki.Wala!
Matutulog na
sana ako ng biglang may narinig akong mga boses na naghahanap na
katwiran. Naglalaro sa aking isipan ang mga salitang binitiwan ni
Imelda. Marahil ang napanuod kong kasinungalingan ang gumulantang
sa aking Sixth Sense!
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|