|
TULA
Sa Dalampasigan
Nitong Panaginip
Ni
Jeffrey Magtoto Espiritu
Sa dalampasigan
nitong panaginip,
pawis ng pangamba'y napapawi pagkat
ang tinig mo'y hanging laging humihihip.
Ang kasabikan
ko'y pinipigil kahit
alo'y sinlayo lang ng dalawang lundag
sa dalampasigan nitong panaginip.
Nagdaang panaho'y
yuming alatiit
na sasabayan ko ng pagsipol kapag
ang tinig mo'y hanging laging humihihip.
Lansa ng buhangi'y
hindi na masugid
tuwing hinahanap ang kubli mong bakas
sa dalampasigan nitong panaginip.
Ang bagsik ng
araw sa tanghali'y haplit
sa naluluoy kong damdamin datapwat
ang tinig mo'y hanging laging humihihip.
Sa gunita, ika'y
hugis na katalik
ng aking tayantang na pagkamulagat:
sa dalampasigan ng aking panaginip,
ang tinig mo'y hanging laging humihihip.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|