MAIKLING
KUWENTO
Euphoria
Ni Carlos M. Piocos III
Ang langit
ay/ mataas/ malayo/ napapawi/ naglalaho./
Ang tanging naiiwan lamang/ ay alaala ng pag-angat/ paglalakbay/
at pag-akyat/ sa mataas na alapaap./
Ang matitira'y bakas ng ligayang lango./
Sa huli ay walang langit.
INANOD NG iba't ibang magagaang pakiramdam ang kanyang katinuan,
kung mayroon pa ngang natitirang ganoon sa kanyang sarili. Mabilis
na uminog ang kanyang mundo, at ang kanyang kapaligiran ay tila
isang kaleydiskupyong pinagsirkuhan ng iba't ibang kulay, iba't
ibang anyo, sa ibang buhay, sa ibang mundo. Nararamdaman niya ang
hangin sa ilalim ng kanyang mga marumi at yapak na mga paa. Nanunuot
sa kanyang mga sugat at burog, sariwa pa at tinintahan ng nanunuyong
dugo at namumuong nana, ang kakaibang lamig ng hangin. Huminga siya
ng malalim at ang kanyang mga baga'y sumalo pa ng biyaya ng mundong
kanina pa pinagsasaluhan nilang magbabarkada.
Matagal nang
natuklasan ni Epoy ang langit. Kinahahabagan sila ng maraming mga
parukyanong dumadambana sa kanilang magagarbong mga kasuotan at
nagsisikinang na mga alahas, mga taong nagpapataasan ng ihi sa Immaculate
Heart Chapel. Pero para kay Epoy, hindi siya dapat kaawaan. Natunton
na niya ang kaluwalhatian, at hindi iyon sa nagsusumamo at hapis
na mukha ni Kristong nakapako sa krus sa may altar, hindi kay Mariang
nakatikom ang labi't pinagmamasdan siya sa tuwina, at lalong hindi
sa mga taong binabalutan ng pagbabalatkayo. Dito sa isang tabi'y
nilalasap nilang magbabarkada ang sarap ng kaitaas-taasan.
Pagkatapos makalipon
ng ilang mga barya ay bibili na sila ng isang boteng kaligayahan.
Ipaghahati nila ito sa supot, at sa isang tabi ay babaybayin na
nila ang daan tungo sa kalangitan.
Nagpatuloy sa
pagsirko ang kanyang mga mata. Nanunuyo na ang kanyang labi, pati
ang kanyang lalamunan. Sa malayo, ay naririnig niya ang pagrereklamo
ng kanyang sikmura, subali't ang uhaw at gutom na iyon ay natitikhaw
na ng aromang kasalukuyan niyang ninanamnam. 'Singhot pa, singhot.
Malapit ka na, singhot pa!' Napapikit na si Epoy. Heto na ang langit
Pinukaw ng isang
malayong alingawngaw ang kanyang palipad-lipad nang balintataw:
"Hoy, bata.
Gising!"
Pinilit niyang
imulat ang kanyang mga mata at hawiin ang kulay sa kanyang paningin,
matagal bago niya namukhaan ang taong gumigising sa kanya.
"Naku,
Father, bakit po?" Pinunasan niya ang kanyang mga mata at ginising
na rin niya ang ibang mga bata. Walang tumayo. At may namuong pagkainggit
sa puso ni Epoy. "High pa 'yung iba. Nakakainis naman si Father.
Bakit ako pa ang ginising? Baka mamaya magutom na ako, sayang lang
iyong binili ko para ngayong gabi!"
"Bakit kayo natutulog rito?"
"Alam naman po ninyo ang sagot."
Napailing ang pari. "Baka gusto mo nang sa loob na lang matulog.
Malamig ngayon, wala ka pang kumot. Baka 'di ka pa kumakain. Pumasok
ka muna sa loob."
Hindi na kailangan
ni Father Martinez ng sagot. Tumayo na si Epoy. "E sila ho?
Sandali po, gigisingin ko muna."
Naramdaman ni
Epoy ang paghigpit ng hawak ni Father Martirez sa kanyang braso.
"Huwag na. Ikaw na lang." Wala na ang pagkainggit ni Epoy
sa natutulog na mga kabarkada pati na rin ang galit sa paring nanggising
sa kanya.
"Suwerte nga ako ngayon," naisip ni Epoy, "mabait
ang pumalit kay Father Enriquez. Hindi kasing suwapang niya. Akala
siguro nila Pipoy, naisahan nila ako ngayon. Bukas, maiinggit sila
sa akin."
Pumasok sila
sa isang bahagi ng kapilya kung saan nananahanan ang pari. Sa tabi,
may makikitang hanay ng mga rebultong bato ng mga santo't mga anghel.
Sa umaga, maaamo ang mga iyon habang ang mga nagsisimba ay nagsisipunas
ng panyo sa kanilang hinulmang mga damit at talampakan. Ngunit sa
gabi, ang pagtama ng malamlam na liwanag ng buwan at pagbalot ng
anino sa kanilang mga mukha ay kahindik-hindik tingnan. Para silang
mga piping saksi sa kung anong nangyayari sa kapilya tuwing gabi,
tahimik na nagbababala. Ang mga mata nila ay parang sumusunod sa
mga yabag nina Father Martinez at Epoy. Sa altar, pinagmasdan ni
Epoy ang mukha ni Hesus. Lalo itong naghihirap, lugmok at hapis
ang mukha. Mukha naman humihikbi si Maria sa malayo.
"Nakahanda
sa mesa ang ulam, kumain ka na. Pagkatapos sumunod ka na sa akin
sa kuwarto, ha." Iniwan siya ni Father Martinez na pinagpipiyestehan
ang pritong isda, munggo at kanin. Kahit malamig na iyon at mukhang
tira-tira na lamang ng mga naunang kumain, walang pakialam si Epoy.
Matagal rin siyang 'di nakakain ng ayos. At ang pagpuno ng kanin,
isda at gulay sa kanyang lalamunan ay isang kalugod-lugod na pakiramdam.
*
* *
"Masarap
sigurong matulog sa kutson ngayon gabi."
Nagtungo si Epoy sa kuwarto ni Father Martinez pagkatapos niyang
kumain at nadatnan niya ang paring nakatihaya sa kanyang kama. Hubo't
hubad na ito at ang kinukubli na lamang ng isang manipis na puting
kumot kanyang tiyan pababa. Sa buong kuwarto ay may kakaibang samyo-masarap.
Tumayo si Father Martinez. "Umupo ka muna," sabay turo
ng pari sa isang lamesita na may dalawang nakahandang upuan. Nakapatong
sa mesang iyon ang kung anong puting pulbos sa ilang mga bagay na
kapareho ng ginagamit ni Mang Tino, ang kanyang amain kapag kasama
ang barkada't nagkakatuwaan. Alam na niya iyon, at nabigla siya
sa kanyang natuklasan.
"Ano na nga uli ang pangalan mo?"
"Epoy po." Nakayukong umupo si Epoy sa pabilog na upuan,
tila nahihiyang tumingin sa pari.
Lumapit na ang pari kay Epoy at mabagal nitong niyapos ang mga balikat.
"Epoy, lagi ka bang natutulog sa labas ng kapilya?"
"Opo." Nakayukyok pa rin si Epoy. Nais niyang tanggalin
ang mapanghimasok na mga yapos ni Father Martinez, ngunit hindi
niya ito magawa. Inayos ng pari ang kanyang pagkakaupo upang mapalapit
pa kay Epoy.
"Nakatikim ka na ba nito?" tanong ng pari habang turo
ang puting pulbos sa mesa.
"Hindi pa ho."
"Alam mo, mas masarap ito kaysa sa sinisinghot niyo sa labas."
Patlang.
"Sa tingin ko, mas maaabot mo ang langit dito. Sa rugby, si
San Pedro lang ang makakausap mo. Dito, pati ang Diyos." At
napuno ng halakhak ang silid ni Father Martinez. "Tara, tirahin
na natin ito."
Nasakop ng mapagpalayang
amoy ang apat na silid ni Father Martinez. Ang usok niyon ay naging
mga ulap, at ang dilim ay napunan na ng iba't ibang kulay, iba't
ibang anyo, sa ibang buhay, sa ibang mundo.
Mas malayo ang
tinahak nina Epoy ngayon kasama ang pari kumpara kung kasama ang
kanyang barkada. Mas mataas ang kanilang lipad. Mas makulay ang
kapaligiran sa mala-kalaydiskupyong kalawakan.
At sa kanilang
paglalakbay, naramdaman ni Epoy, ang panlalamig ng kanyang katawan.
Wala na pala siyang saplot. Naramdaman niya, habang palutang-lutang
sa langit, ang malambot na kutson. At sa huli'y naramdaman niya
ang matinding kirot. Nasa langit pa rin siya pero, may kakaibang
sakit. 'Father Martinez, huwag. Masakit. Father Martinez, huwag.
Baka makita tayo ng mga anghel at isumbong tayo sa mga santo. Baka
magalit si Kristo. Baka lalong umiyak si Birheng Maria. Father Martinez,
huwag!'
Huli na ang
lahat. Nakita ni Epoy ang matatalas na mga mata ng mga santo. Napaso
siya sa ningas ng galit at pagkamuhi ng kanilang mga mata.
Sumisigaw sila
at nakaturo ang kanilang mga kamay kay Epoy. Bumaba sa krus si Kristo.
Nakita ni Epoy na hinugot niya ang kanyang kamay mula sa pagkakapako
at ang kanyang mga kamay ay pawang nang-aapuhap patungo sa kanila,
sa kanyang kamay umagos ang dugo. Lumapit si Birheng Maria kay Kristong
humahagulgol. Tumingin kay Epoy si Maria, pati mga luha nito ay
dugo na.
Nabalutan siya
ng mga taghoy, hikbi at pagsusumamo. Umiikot sa ulirat niya ang
sakit. Sumigaw siya ngunit walang nakarinig.
*
* *
Hinalikan ng
mainit na silahis ng araw ang mga pisngi ni Epoy. Naramdaman niyang
kanina pa dinampian ng init ang kanyang mukha. Mataas na ang araw.
Bahagyang nag-unat
ng braso si Epoy nang mapansin niyang lahat ng katabi niya ay namamalimos
na. Siya na lamang ang hindi. Pilit niyang itinayo ang nanghihinang
katawan, ngunit parang manhid ang lahat ng kanyang kasu-kasuhan.
Nakita niya ang ilang pasa sa kanyang katawan at naramdaman niya
ang pananakit ng kanyang kasukasuhan at ang hapdi ng kanyang kalamnan.
Nilapitan siya ng isang kabarkada.
"Inumaga
ka yata sa pagtulog ha? Saan ka ba nanggaling kagabi? Hatinggabi
na ay bigla ka pang nawala."
Hindi makasagot
si Epoy. Naalala niyang pagkalapag nila ni Father Martinez sa lupa
ay hindi na siya sa kuwartong iyon natulog. Lumabas na siya. Hindi
niya kayang tiisin ang mga sumbong ng mga kerubin, panunumbat ng
mga banal, ang pagsusumamo ni Hesus at paghikbi ni Maria. Hindi
niya rin matagalan si Father Martinez.
"Hoy, nakikinig
ka ba?"
Hindi na naulinigan
ni Epoy ang mga tanong ng kumakausap sa kanya. Ang kanyang tingin
ay nasa kabilang dulo pa ng kanyang kinaroroonan, sa harap kawan
ng mga kambing na nagbalatkayong tupa, sa harap ng mga panatikong
kasapi ng isang malawakang kulto, sa harap ng impokrito at mapagkunwaring
lipunan, nandoon siya, nakadambana sa ilalim ng basbas ng kabanalan
ng Maykapal, binabalutan ng kadalisayan ng puting sotana, at naghahasik
ng talinghaga ng magandang balita
"Mga
kapatid, huwag ho, nating tularan ang mga Taga-Sodom at Gomorrah
na sinakop na ng kasamaan ang kanilang lipi. Huwag ho nating hintayin
ang panahon kung saan ay huhusgahan muli tayo ng Diyos, at sunugin
sa impyerno ang ating mga kaluluwa. Ngayon pa lamang po ay gumawa
tayo ng kabutihan sa ating kapwa at ipakalap ang magandang balita
ng Diyos. Samahan niyo ako, aking mga kapatid, at tahakin natin
ang tamang daan tungo sa landas ng buhay na walang hanggan. Amen."
"Amen."
*
* *
Hatinggabi
na nang bumalik si Father Martinez sa simbahan upang kunin ang kanyang
naiwang gamit kanina sa Misa. Sa huling linya ng upuan ay napansin
niyang nakaupo nang tahimik si Epoy. Wari'y nagdarasal at sa dilim
niyo'y iba ang kislap na kanyang naaninagan sa kanyang mga mata.
"O Epoy, nariyan ka pa pala. Naku, pasensiya ka na, ha. Ubos
na ang pagkain, e. Bukas na lang."
Napangiti si Epoy. "Father, mayroon pa ho ba kayo noon'? Gusto
ko kasi ngayon."
Nagitla ang pari at tumingin muna sa paligid bago sumigaw. "Epoy
lumabas ka na! Wala ako ngayon kaya huwag kang makulit!" Umalingawngaw
ang boses ni Father Martinez sa kapilya.
"Sige po, Father, matulog na kayo," wika ni Epoy. "Sa
ibang araw na lang. Mukhang pagod na pagod na kayo. Iwan niyo na
lang muna ako kasi may ipagdarasal pa ako."
Tumalikod ang pari at nagmamadaling umakyat sa kanyang silid. Kinilabutan
siya sa kilos ni Epoy. Baka high lang iyon sa kasisinghot kaya ganoon,
ito ang pilit na ipinapasok ng pari sa kanyang isip.
Sa ibaba'y tahimik pa rin si Epoy. Sa katahimikan ng gabi'y naulinigan
niya ang mga tinig sa kuwarto ng pare.
"Father, okay ito a!"
"Sabi ko sa iyo, e. Sige tira pa!"
Maya-maya'y
narinig niya ang malakas na pag-ungol ni Popoy. Matunog ang halakhak
ni Father Martinez. Impit naman ang paghiyaw ni Popoy.
Pinakinggang
mabuti ni Epoy ang mga pigil na sigaw ng kabarkada mula sa ibaba
ng kapilya. Narinig na naman niyang nanangis ang mga anghel at kerubin,
nagwawala na naman ang mga santo, nagmamakaawa si Hesus at si Maria,
nananaghoy na naman. Malakas ang mga tinig na iyon kasama ang mga
pagsusumamo ni Popoy at pagtawa ni Father Martinez. Nagkahalu-halo
na ang tunog sa nakabibinging katahimikan ng gabi.
Tumayo na si
Epoy. Hawak-hawak niya ang mga pinamili niya sa sasampung pisong
nalimos ngayong araw. Sa isang kamay ay hawak-hawak niya ang kahon
ng posporo, sa kabila ay isang galon ng gas. Umaakyat na siya tungo
sa silid ni Father Martinez.
"Mga
kapatid, huwag ho, nating tularan ang mga Taga-Sodom at Gomorrah
na sinakop na ng kasamaan ang kanilang lipi. Huwag ho nating hintayin
ang panahon kung saan ay huhusgahan muli tayo ng Diyos, at sunugin
sa impyerno ang ating mga kaluluwa. Ngayon pa lamang po ay gumawa
tayo ng kabutihan sa ating kapwa at ipakalap ang magandang balita
ng Diyos. Samahan niyo ako, aking mga kapatid, at tahakin natin
ang tamang daan tungo sa landas ng buhay na walang hanggan. Amen"
"Amen."
---------------
Si Carlos M. Piocos III ay kasapi ng UP Ugat.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|