Mga
Alaalang Sinusundo ng Eraserheads
Ni Ederic Peñaflor Eder
Unang nalathala
sa Tembtation column ng Peyups.com
Hunyo 7, 2002
MAY MGA tunog,
kulay o bagay na nakapagpapabalik sa akin ng mga nakabaon o nakaligtaang
alaala, emosyon o pakiramdam.
Habang pauwi
mula sa isang tensyonado at nakakapagod na coverage noong Miyerkoles,
nakayukayok ako sa likod ng taxi habang tumutugtog ang iba't ibang
love songs sa FM radio. Pagod ako't masakit ang ulo, kaya medyo
akma ang ganoong tipo ng musika.
Ngunit biglang
binago ng tsuper ang tugtog; nagsaksak siya ng isang tape sa kanyang
player at ang buong kotse'y napuno ng isang maingay na kanta. Pamilyar
ang tunog na maya-maya pa'y tuluyan kong nakilala: "Alkohol"
ng paborito kong Eraserheads. Sa halip na mairita at o lumala ang
pumipintig na sakit ng ulo, natagpuan ko ang aking sariling sumasabay
sa masamok na kanta. Maya-maya'y sumunod na ang "Wishing Wells",
"Kailan" at "Magasin".
Sinundo ng himig
at tinig ng E-heads ang mga alaala ng aking buhay- kolehiyo: ang
dormitoryo, ang mga bakasyon, ang mga kaibigan; ang masaya, makulit
at magulong mga kuwentong Peyups; ang mga gunita ng "good old
days". Bukod pa rito, ang kantang "Magasin" ay nagdala
sa akin maging sa ilang alaala ng high school.
Malaking bahagi
nga pala ng buhay-kolehiyo ko ang Eraserheads. Ang mga awitin ng
banda ay parang soundtrack ng aking buhay, lalo na ng aking college
life: "Minsan", "Sembreak", "Pare Ko",
"Yoko", "Overdrive", "Harana", "Para
sa Masa", "Tuwing Umuulan at Kapiling Ka", at marami
pang iba.
Sa kolehiyo,
paminsan-minsa'y nakakasama rin sa pakikibaka ang Eraserheads. Noong
kasagsagan ng kampanya namin laban sa Commonwealth Property Development
Project-- pinagandang pangalan ng komersyalisasyon ng UP education--ay
tinugtugan kami ng E-heads. Sa kantang "Yoko", may bulong
silang parang ganito: "Milyun-milyong Pilipinong estudyante,
tumiwalag, palayain ang sarili!"
Higit sa bulong
ng pagkalas sa CMT at ROTC, binago ng Eraserheads ang landscape
ng Original Pilipino Music. Rebolusyunaryo ang bagong tipo ng musikang
ipinakilala nila, na niyakap ng mga Pilipino mula sa lahat ng antas
ng lipunan.
Mapagpalaya't
mapagbuklod ang musika ng E-heads, kahit madalas ay tila walang
kapararakang pinagdugtung-dugtong na salita lamang ang kanilang
liriko. Sayang at kailangang magbago. Maaari pa sanang maingat ang
kanilang musika upang "sunduin ang masa...kahit ayaw nilang
sumama."
Pero ganyan
talaga ang buhay, puno ng pagbabago. Ang mahalaga, kapag naririnig
natin ang kanilang mga kanta, sinasalubong tayo ng malakas na agos
ng mga alaala.
---------------
Si Ederic, patnugot ng Tinig.com, ay isang freelance journalist
at kasalukuyang part-time reporter sa isang Japanese news agency.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|