v 15.0
   

Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

 

 

 

 

 

Si "Dillinger"

Alipato
Alexander Martin Remollino

MATAGAL-TAGAL NA--halos limang taon na-mula nang itampok sa Magandang Gabi, Bayan ng ngayo'y Senador Noli de Castro ang tungkol kay Pacifico Guevarra. Ngunit ngayon ma'y makabuluhan ang kasaysayang ito, at kung iisipi'y makikitang lalo pang makatuturan ito sa ngayon.

Isinilang sa Pampanga, si Pacifico Guevarra ay walang pinangarap sa buo niyang buhay kundi ang maging isang abugado.

Bata pa si Pacifico ay litaw na ang kanyang katalinuhan. Ayon sa kanyang mga kamag-anak at kapitbahay, kinaiinggitan siya ng kanyang mga kamag-aral sapagkat bagama't may mga panahong halos isang linggo siyang hindi pumapasok sa klase, tuwing kukuha sila ng pagsusulit ay siya at siya rin ang nakakukuha ng pinakamataas na marka.

Bagama't matalino nga, sa ibang aspeto ng kanyang buhay-bata ay naging pangkaraniwan si Pacifico. Dumaan siya, tulad ng karaniwang bata, sa paglalaro sa lansangan. Marami siyang kaibigan at hindi siya basagulero.
Ganito nang ganito, hanggang sa mamatay ang kanyang ama noong siya'y nasa haiskul at ang kanyang ina'y mag-asawang muli. Sa kung anong kadahilanan, ikinasama ng kanyang loob ang pangyayaring ito at siya'y naglayas.

Hindi naman siya naging palaboy. Nakakuha siya ng trabaho sa base militar ng Estados Unidos sa Angeles, kung saan siya'y naging isang masunurin at matapat na manggagawa.

Isang araw ay may nawalang makinilya sa base. Si Pacifico ang pinagbintangang nagnakaw nito. Pilit siyang pinaamin sa pamamagitan ng pambubugbog at pagpapasak ng siling labuyo sa kanyang bibig. Hindi nakaya ng mura niyang katawan-wala pa siyang dalawampung taong gulang noon-ang mga pagpapahirap, kaya't upang matapos ang lahat ay inamin niya ang salang hindi niya ginawa. Siya'y isinakdal at bagama't kulang ang katibayan, kaipala'y dahil mga panginoon sa hindi nila lupa ang mga nagsakdal, nahatulan siyang mabilanggo.

Sa Bilibid, sa simula'y naging api-apihan siya ng mga matagal nang bilanggo. Ngunit napatid ang kanyang pagtitiis at siya'y natutong lumaban. Nasangkot siya sa mga basagulo sa piitan at naging isang gang leader na pinangilagan ng kanyang mga kasamahan. Nakilala siya sa bansag na Dillinger, mula sa pangalan ng isang kilabot na gangster sa Estados Unidos noong unang panahon.

Sa isa sa mga away sa Bilibid, nakapatay si Dillinger. Nagkaroon siya ng panibagong kaso at humaba ang kanyang sintensiya.

Patuloy siyang nasangkot sa mga basagulo sa Bilibid, hanggang sa isang araw, sa isa ring away, nang sasaksakin na lamang niya ang isa sa kanyang mga kalaban ay bigla siyang natauhan nang makita ang mukha ng lalaking tila nagmamakaawa na kung paano.

Umalis siya sa pinangyayarihan ng kaguluhan. Makaraan ang ilang araw ay nakiusap siyang ilipat siya sa Medium Security Compound mula sa kinalalagyan niya noong Maximum Security Compound. Pinagbigyan naman ang kanyang kahilingan. Doon na niya sinimulan ang unti-unting pagbabagong-buhay.

Nang magkaroon ng extension program sa Bilibid ang Perpetual Help College (ngayo'y University of Perpetual Help) sa Las Piñas, isa si Dillinger sa mga nakapasa sa programa nito. Noon muling natuklasan ni Dillinger ang kanyang katalinuhan at siya'y nagpakitang-gilas sa pag-aaral. Ayon sa kanyang mga naging guro roon, napakahusay ni Dillinger sa pakikipagtalo--madalas na maging ang mga guro'y nahihigitan niya--at tuwing Araw ng Pagkilala'y may natatanggap siyang medalya.

Inabot ng paglaya ni Dillinger ang kanyang pag-aaral sa Bilibid, kaya't sa Polytechnic University of the Philippines siya nagpatuloy. Doon na niya natapos ang kursong Komersiyo.

Nagtuloy siya sa abugasya sa Manila Law College. Ayon sa mga naging propesor niya roon, mahusay ang memorya ni Dillinger at magaling din siyang mangatwiran. Bagama't hindi siya nagtapos nang may karangalan ay matataas ang kanyang nakuhang mga marka.

Sa kabila ng kanyang mga pagsisikap na ibangong muli ang sarili, mukhang naghihintay sa pagngiyaw ng aso ang katuparan ng kanyang pangarap--ng kanyang tanging pangarap--na maging isang abugado. Ilang ulit na siyang humihiling ng pahintulot sa Kataas-taasang Hukuman na kumuha ng pagsusulit sa bar, subalit ayaw siyang payagan sapagkat siya'y minsang nahatulang nagkasala ng pagpatay.

Dahil sa kahayupan ng mga sundalong Amerikano sa Clark Air Base, si Dillinger ay napilitang umamin sa salang hindi niya ginawa, at dahil dito'y nasadlak siya sa isang mundo kung saan ang pagiging tao'y halos hindi iginagalang, at doon, sa pagpupumilit na ipagsanggalang ang sarili, nakapatay siya. Dahil sa kanyang pagsasanggalang sa sarili ay hindi niya makita--at mukhang hindi na niya makikita pa--ang katuparan ng tangi niyang pangarap na maging isang abugado.

Batay sa kasuklam-suklam na kasaysayan sa Pilipinas ng mga sundalong Amerikano, na tumutulong umano ngunit wala namang itinutulong, hindi tayo dapat na magtaka kung sa muli nilang pamamayagpag sa ating lupa'y maulit ang karanasan ni Pacifico Guevarra--isang buhay na punung-puno ng pangako, subalit sinira ng isang kaso ng pananampalasan sa Pilipino sa sarili niyang lupa. Ano kaya ang maaaring naiambag ng isang utak na katulad ni Pacifico Guevarra sa ating bansa kung hindi sinira ng isang kahayupan ang kanyang buhay?

Papayag ba tayong malikha sa ating paligid ang marami pang Pacifico Guevarra?

---------------
Si Alex, 24, Kapatnugot ng Tinig.com, ay isang manunulat sa IBON Foundation. Sangkot siya sa mga panlipunan at pampulitikang kampanya, sa lansangan man o sa Internet.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Pesteng PPA at mga Tinig na Nagpupumilit Marinig

SA ISYUNG ITO
Admission of a So-Called Weirdo
By Jason Laxamana

PPA 101
By Andy Darag

Kabataan Para sa Bagong Pulitika
Ni Mao Ocson

Because We are Too Young?
By Hexel Dagooc

Mga Pagtatapat
Ni Ien

Dying in Due Time
By Felix Voltaire P. Lerio II

Isang Oras at Kalahati sa Piling ng Parokya ni Edgar
Ni Jamaica Pascual

Mga Alaalang Sinusundo ng Eraserheads
Ni Ederic Peñaflor Eder

Dakila
Ni John Melton

NATATANGING TAMPOK
Ang Dalagita at ang Binatilyo
Ni Alberto Florentino

KOLUM
Daluyong
Ni Mong Palatino

Alipato
Ni Alexander Martin Remollino

MAIKLING KWENTO
Euphoria
Ni Carlos M. Piocos III

MGA KUWENTONG PP2
Ang Gabi ng Poot at Pagkatapos
Ni Alexander MArtin Remollino

TULA
Katay#1
Ni Carlos M. Piocos III
Dalawang Buwang Kahibangan
Ni Vlad Gonzales
Sa Dalampasigan Nitong Panaginip
Ni Jeffrey Magtoto Espiritu
Mythmaking
By April Tamin
Crushome
By John Melton
When the Sun Shines
By
Carlo Aristotle Remollino

 

 

 

Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved