Masyadong
Maaga ang Flight
Ni Ian Gonzales Yap
"Tomorrow
morning if you wake up, and the sun does not appear..."
- from the song I will Be Here
SINO NGA ba'ng
mag-aakala na sa isang iglap ay hindi na pala masisikatan ng araw
ang isang nilalang na naging imahen ng bawat kabataang Pilipino?
Sino nga ba'ng mag-aakala na sa murang edad ay bigla na lamang siyang
babawian ng buhay? Sino nga ba'ng mag-aakala na pagmulat mo, mula
sa iyong mahimbing na pagkakatulog ay sasalubungin ka ng balita
na patay na si Rico Yan?
At sino nga
ba'ng mag-aakala na ngayong nahihimlay na ang kanyang katawan sa
lupa ay kaakibat ang mga haka-haka at intrigang mistulang isang
bangungot na unti-unting kumikitil hindi lamang sa kanyang alaala
kundi pati na rin sa buhay ng kanyang mga mahal?
Masyado bang
magulo ang mga isiniwalat ko?!
Minsa'y naisip
ko, sana hindi na muna namatay si Rico. Sana'y hindi na muna siya
kinuha ng diyos. Ayokong sabihing nagkamali ang Diyos. Pero sa nangyayari
ngayon sa buhay ng pamilya ni Rico at kay Claudine, palagay ko masyadong
napaaga ang flight, masyadong maaga ang pagdating ng eroplanong
papuntang langit.
Kung nabubuhay
lamang si Rico ngayon, siguro nabigwasan na niya sa mukha sina Rosanna
Roces at Raymart Santiago. Siguro magkakabalikan nga sila ni Claudine.
Siguro'y magagawa niyang maipagtanggol hindi lamang ang kanyang
pamilya, hindi lamang si Dominic, Claudine, ang ABS-CBN, kundi pati
na ang kanyang sarili. Ngunit hanggang pangarap na lamang ito...isang
ambisyong kailanma'y hindi na muling mangyayari pa.
Marami pang
pupuwedeng mangyari sa mga susunod na araw. Sa ngayon, pinipilit
kong tanggapin sa aking sarili na tama ang ginawa ng Diyos. Tama
lang ang dating ng flight. Nagkataon lang siguro na wala ni isang
dumating upang makapag-paalam man lamang kay Rico.
Magulo man ang
aking isinulat, pero iisa lang ang tinutumbok nito, nakarating na
si Rico sa kanyang hantungan. Hindi pa man napapanahon ang kanyang
paglisan, pero naniniwala na rin ako na kagustuhan na rin ni Rico
na dumating kaagad ang flight, para nga naman tuluyan na siyang
makapagpahinga.
----------------
Si Ian Gonzales Yap ay nasa ikatlong taon sa kursong Accounting
sa De La Salle University-Manila at dating staffmember ng Ang Pahayagang
Plaridel.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|