MULA
SA PATNUGOT
Tinig.com Ngayong Tag-init
MULA SA
hindi sinasadyang isang
buwang
pamamahinga ngayong tag-init, nagbabalik ang Tinig.com. Habang nakabakasyon
dahil sa di-maiwasang suliraning teknikal, lalong nagpalakas ang
Tinig.com.
Salubungin natin
ang mga dati nang kaTinig na pumayag na umako ng mas malaking tungkulin
upang mas mapahusay ang Tinig.com.
Ang pinakamasigasig
nating contributor, si Alexander Martin Remollino, manunulat sa
IBON Foundation, ay siya na nating bagong kapatnugot. Makakatuwang
ko siya sa pamahala at editoryal na pagpapasya sa Tinig.com.
Samantala, si
Vladimeir
B. Gonzales,
mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas at kararating lamang mula
sa UP National Writer's Workshop sa Baguio, ay kaagad nating sinalubong
ng bagong gawain bilang patnugot sa panitikan.
Kasabay ng mga
pagbabagong ito, patuloy pa rin tayong nakikipag-ugnayan sa mga
lider ng youth organizations at campus publications upang mas lalong
lumakas at marinig ang tinig ng bagong salinlahi.
Sa isyung ito,
inaalala natin at pinagpupugayan ang ilang taong sa kani-kaniyang
paraan, noong sila'y nabubuhay pa, ay naging bahagi ng buhay nating
mga Pilipino.
Si Rico
Yan ay hindi lamang aktor na hinangaan ng marami--siya rin ay
itinuturing at tinatanggap na role model ng mga kabataan at nakasama
nating sa People Power 2. Sa artikulo
ni Libay Linsangan Cantor, umaasa siyang "when the shallow
fanfare has finally dissipated, the true and serious mourning for
Rico will really begin."
Sa mga ng mga
Pambansang Alagad ng Sining na sina Lucio
San Pedro at Levi Celerio, tayo ay nahimlay at nagising, ayon
sa kaTinig nating si Dennis Aguinaldo. Dagdag pa niya, ngayon ay
panahon na ng bagong salinlahi para ipagpatuloy ang himig--ngunit
bago iyon, karapat-dapat nating pagpugayan muna ang mga Maestro.
Isang human
rights advocate at officer ng College Editors Guild si Benjaline
Hernandez ngunit maging siya'y nabiktima rin ng paglabag sa
karapatang pantao. Sa mga artikulo nina Carlos Conde at Jewel Canuday
ng Bulatlat.com
at Mindanews at ni Alex Remollino, kilalanin natin si Beng.
"You will not be forgotten in our hearts and our minds. You
will be the brightest star in the darkness of the night," ayon
kay Eric Jude Casilao, kasintahan ni Beng. Nawa'y maging inspirasyon
din sa atin ang buhay ni Beng.
Samu't sari
pa rin ang ating mga handog ngayong isyu, kasama ang dulang Palaver
ng hinahangaan nating si Alberto Florentino; ang maikling
kuwento tungkol sa kakaibang pagkakaibigan na sinulat ni Lee
Joseph Castel, ang patnugot ng Manila Collegian; at ang panlaban
ni Reitch Calabia, isang aktibista para sa kalikasan, sa mga pumupuna
sa kanyang timbang.
Maging makabuluhan
sana para sa inyo ang Tinig.com v15.

Ederic Peñaflor
Eder
Patnugot, Tinig.com
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|