|
MAIKLING
KUWENTO
Pare
Ni Lee Joseph Castel
ikalawang
pahina
Nang sumunod
na linggo ay may mobilisasyon na namang magaganap subalit hindi
na sa Mendiola, sa Senado na. Ito ang unang araw ng impeachment
trial kay Pangulong Estrada. Sa pagkakataong ito, hindi na ako napipilitang
pumunta sa mga rally na tulad nito. Ang totoo nga nyan ay hindi
naman kami inobliga ng guro namin na pumunta pero sumugod pa rin
ako sa Senado. Binuksan ni Nick ang isipan ko tungkol sa esensya
ng mga ganitong pagtitipon. Tulad nga ng sinabi niya, kailangang
makiisa ka sa pagbabantay sa katotohanan.
Pare-parehong
mga mukha at organisasyon pa rin ang matatagpuan sa Senado--parang
nilipat mo lang dito ang mga nakikibaka sa Mendiola. Sa pagkakataon
nga lang na ito ay mayroong mga grupong maka-administrasyon. Nagsisimula
na raw ang paglilitis sa loob ng Senado. Tulad nang dati, naglibut-libot
na naman ako sa hanay ng mga nakikibaka. Subalit ngayon wala akong
balak na tumakas. Nais ko lang makita kung sino na namang mga prominenteng
tao ang nakikiisa sa mga ganitong pagtitipon.
Wala pang limang minuto nang nagsimula akong maglakad nang makita
ko uli di sa kalayuan ang isang grupo ng mga pari. Kung di ako nagkakamali
ay sila rin yung grupong nakatabi ko sa Mendiola ng huling rally
pero parang dumami ang kanilang bilang. Gayunpaman, di na ko naiilang
o naalibadbaran pa sa presensya nila.
Di na ko allergic
sa kanila.
Puting-puti
pa rin ang kanilang kasuotan. Dulot na rin ng mga pangaral sa akin
ni Nick, nakuha kong unti-unting magbalik sa Kanya. Kaya walang
dahilan para mailang pa ko sa mga nilalang na nakaabito.
Ewan ko, pero
isang mukha ang umagaw ng atensyon ko sa hanay ng mga paring ito.
Isang mukha na kahit isang beses ko lang nakita sa buong buhay ko
ay hindi ako magkakamali. Kahit na boses lang ang pinakanagbigkis
sa amin ay sigurado akong siya yon.
Si Nick.
Hahaha si Nick. Sinong mag-iisip na hindi man kami nakapag-usap
nitong mga nagdaang weekend ay muli pala kaming magkikita. Katabi
na naman niya ang mga pari.
Pero isang bagay
ang napansin ko na tila nagpahinto sa galak kong makita siyang muli.
Puting-puti na rin ang kasuotan niya, hindi na siya nakasibliyan.
Nakaabito si Pareng Nick.
Lalo ko pang
napagtibay ang hinala ko nang di sinasadyang napatingin siya sa
akin at tila gulat na gulat nang makita niya ako. Tiningnan ko lang
siya, tingin ng isang manhid na tao, mala-baldadong tingin. Para
siyang nataranta sa presensya ko. Sumenyas na manatili lang ako
sa puwesto ko at lalapitan niya raw ako. Lumalabo na naman ang paningin
ko, tubig na naman yata 'tong nakikita ko.
Napuwing
lang ako, wag mo kong intindihin. Pare, pwede bang mag-usap tayo?
Walang problema.
Pumunta kami
sa isang lugar na walang gaanong tao. Iniwasan ko munang magmukha
akong napuwing. Wala munang kibuan. Pare, galit ka ba? Hindi.
Bakit ganyan tingin mo? Wala nagulat lang ako. Bakit ka naluluha?
Napuwing lang sabi ako. Hindi ka napuwing, naiiyak ka. Wala 'to,
tears of joy lang kasi pari ka pala, ikaw siguro yung hulog ng langit
sa 'kin para ayusin ko yung mga likong pananaw sa buhay ko. Salamat
kung gayon. Pasensya ka na kung di ko agad sinabi sa yo na pari
ako kasi baka iwasan mo ako. Di ba sabi mo, allergic ka sa mga pari?
Di na ngayon. Mabuti naman. Nitong Sabado lang ako naging ganap
na pari. Kaya pala walang sumasagot sa bahay nila, pumunta malamang
ang kanyang buong pamilya sa kanyang pag-ordina. Hindi pala pare
ang dapat na tawag ko sa yo, padre dapat. Tumawa siya. Kaya pala
siya aalis na sa opisinang kanyang pinapasukan dahil malapit na
siyang maging isang ganap na pari.
Ang isang buong
taong binigay sa kanya ng simbahan upang mapagdesisyunan kung ipagpapatuloy
ba niya ang pagpapari o hindi, kasama ang lahat ng uri ng elemento
sa lipunan ay nagwakas na. Minabuti niyang gugulin ang panahon na
yon sa isang tanggapang nangangasiwa sa mga karapatang pantao. Dito
raw siya namulat kung gaano na kalala ang ating lipunan sa usapin
ng paglabag sa mga karapatan. Nung nakita ko siya sa Mendiola ay
binubuno pa niya ang isang taong pagdedesisyon kung itutuloy ba
niya ang kanyang pagpapari. Nagkataon din na ang kongregasyong kanyang
kinabibilangan ay naniniwalang kailangang magkaroon ng pananaw maging
ang mga alagad ng Diyos sa mga isyu ng lipunan. Sila ang kung ituring
ay mga aktibistang pari.
Naalala mo
yung sinabi ko sa yo dati na mahal kita, Albert? Totoo yun.
Lalo akong nagulat. Pero sinabi ko sa yo na hindi pwede di ba,
maliban sa pareho tayong pare. Patlang. Kasi may bokasyon ako.
Nakatitig lang ako sa kanya. Siguro iniisip mo kung bakla ako.
Ewan ko
siguro. Basta alam ko itong damdamin na ito ang nagtulak
sa akin para magpari ako. Yun lang kasi ang pinakaepektibong paraan
na maiisip ko para malayo ako sa anumang tukso dulot ng damdamin
kong ito, maliban pa dyan na relihiyoso talaga akong tao. Kaya lang
dumating ka, binulabog mo uli ang pagkatao ko kung kailan palapit
na ang pagiging isang ganap kong pari. Mabuti na lang di ako nadaig
ng tukso. Salamat. Kahit di mo sinasadya lalo mong napagtibay ang
relasyon ko sa Kanya. Salamat.
Sumunod noon
ay may inabot siya sa aking larawan niya. Kinuha ko lang iyon at
inipit na muli sa aking pitaka. Baka matatagalan daw ang muli naming
pagkikita. Sa makalawa ay tutungo siya sa Mindanao kung saan siya
itinalaga ng kanilang kongregasyon. Alam niyang delikado pero maaaring
doon daw talaga siya pinapupunta ng Panginoon.
Natapos man
ang unang araw ng impeachment trial ay wala pa ring kasiguruhan
ang itatakbo ng paglilitis. Katulad namin ni Nick, wala ring kasiguruhan
kung kami'y magkikita pang muli. Tila napupuwing na naman ako.
Kinagabihan
nakahiga uli ako sa kama at nagmumuni-muni sa mga nangyari. Wala
pang ilang minuto sa paghilata ko sa kawalan ay biglang nagring
ang telepono. Hello Albert, pwede ba tayong mag-usap? Si
Liza. Nakikipag-ayos. Namimiss na raw nya ko. Baka raw pwedeng ayusin
namin ang kung anumang nagpapagulo sa relasyon namin. Alam ko
namang medyo naging immature ako sa relationship natin, pero you
also have your own share. Tahimik lang ako. Pinabayaan ko lang
siyang magsalita. Albert, magsalita ka naman, alam kong nandyan
ka lang sa kabilang linya.
Kinuha ko ang
aking pitaka habang patuloy siya sa pagsesentimyento sa kabilang
linya. Kinuha ko dun ang picture na iniwan sa akin Nick. Tinitigan
ko lang ito. Albert, please, wag mo naman akong pagmukhaing tanga,
sabihin mo kung anong gusto mong sabihin. Sa pagkakataong ito ay
parang nakatingin sa akin ang mga mata ni Nick sa larawan, tila
nangungusap. Hello, Albert,ano ba?
Di lang ikaw,
Nick, ang nagulo, maski ang sarili kong pagkatao.
Albert, sabihin mo lang kung di mo na ko mahal at di na kita
iistorbohin pa. Albert, mahal mo pa ba ako? Para wala ako sa
sarili nang binigkas ko ang mga katagang Mahal na mahal
habang lalo ko pang hinigpitan ang pagkakahawak at pagkakatitig
sa larawan ni Nick.
Tangina, pare!
Napuwing na
naman ako.
----------------------
Si LJ, 21, ay punong patnugot ng Manila Collegian. Siya'y nagtapos
na cum laude sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila at tumanggap ng
mga parangal bilang Benigno Aquino's Most Outstanding Gentleman
for campus journalism. Pangarap niyang maging isang investigative
journalist.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|