MAIKLING
KUWENTO
Pare
Ni Lee Joseph Castel
unang
pahina
Nick?
Nick?..Nick?
ahhh
si Nick! Ewan ko kung bakit pero bigla akong na-excite. Kinuha ko
ang telepono at dinial ang kanyang numero.
Sa pangalawang
ring pa lang ay may sumagot. Good evening, pwede po ba kay Nick?
Hindi man lamang ako kinausap ng nasa kabilang linya basta pinasa
na lang ang telepono. Yes, good evening, sigurado ako si
Nick na yun. Ah Nick, si Albert 'to. Yung katabi mo sa Mendiola
nung isang araw. Kung makikita ko lang siya ay sigurado akong
bigla siyang napangiti nang narinig niya ang pangalan ko. Ah,
pare. Buti naman naisipan mong tumawag. Kumusta? Sagot naman
ako ng okey lang. Pare, may ginagawa ka ba?, tanong ko. Actually,
katatapos lang daw niyang magrosaryo at patulog na siya. Nakakaabala
pala akong kung ganun. Hindi pare...hindi, depensa niya. Hindi
pa naman daw siya dinadalaw ng antok. Doon na nagsimula ang aming
kwentuhan.
Batid daw niya
na hindi ako napuwing nung rally. Naluluha raw ako nun. Inurirat
niya kung bakit. Wala ako sa mood maglihim sa mga oras na iyon.
Malakas kasi ang loob kong magsiwalat ng aking mga lihim lalo na't
lumalalim na ang gabi. Kinuwento ko sa kanya ang lahat. Lahat ng
tungkol sa amin ni Liza. Maayos naman siyang nakinig at nagbigay
ng ilang mga komento. Ako naman ang nagtanong kung bakit ganun yung
titig niya sa akin habang binibigay ko yung aking mga saloobin ukol
sa mga isyu sa lipunan. Buong katapatan naman niya akong sinabihan
na aral na aral daw akong sumagot.
Tangina, napahiya
na naman ako sa kanya sa pangalawang pagkakataon.
Wala pala akong pinagkaiba sa mga kinaiinisan ko sa unibersidad.
Wala raw kasing puso at sinseridad yung mga sagot ko. Para daw akong
sumali sa biglaang talumpatian. Sa pananalita pa lang daw ng isang
tao, maaari mo nang madama kung sino yung nagtitibaktibakan, at
isa na raw ako dun.
Ewan ko. Pero
sa imbes na magalit ako sa tinuran niya ay napahalakhak lang ako.
Pare, buti na lang hindi marunong kumilatis ng mga nagtitibaktibakan
yung mga propesor ko. Kung hindi, hihilahin nila pababa yung marka
ko. Natawa rin siya pero halatang pilit. Alam mo pare, sabi
niya, hindi mo naman kailangang magtibaktibakan para madama yung
mga isyu. Tumingin ka lang sa paligid mo, maari mo nang maramdaman
ang pagkukulang ng mga nasa katungkulan at ang pangangailangan ng
mga mamamayan. Pare, sa panahon ngayon, kailangang makiisa ka sa
pagbantay ng katotohanan.
Marami pa kaming
pinagkuwentuhan nang gabing iyon. Ngunit karamihan ay tungkol lang
sa akin umikot. Ngayon lang kasi ako nakahanap ng taong makikinig
sa mga angas ko sa buhay. Si Liza, siya na lang ang lagi kong pinakikinggan.
Kabisado ko na ang palasak niyang istorya na kaisa-isang anak mayaman
na wala namang panahon ang mga magulang. Pero ako, sa magtatatlong
taon naming magkasama halos di ko pa nakuwento ang buhay ko sa kanya
o sa kahit kanino pa. Parang iniiwasan din kasi ni Liza pag nagdadrama
na ako. Sapat na siguro para sa kanya yung mga sarili niyang drama.
Ako, ewan ko.
Pero ngayon
lang ako nagbuhos ng sarili ko sa isang tao. Pakiramdam ko ay nasa
confession box ako at ang kuwento ng buhay ko ang nagsilbi kong
mga kasalanan. Si Nick naman ang tumayong paring handang makinig
sa aking mga inarte.
Di ko rin naiwasang
banggitin sa kanya na kinukunsidera kong maging atheist na lang
sa takbo ng mga pangyayari sa lipunan. Sinabi ko rin sa kanya na
kaya parang naaalibadbaran ako sa mga paring katabi namin sa rally.
Pakiramdam ko nga kasi, eh parang allergic na ako sa mga taong nakaabito.
Ewan ko pero parang gulat na gulat siya. Hindi ako magugulat kung
napa-sign of the cross siya sa kabilang linya.
Dinahilan ko
na lang na sa sobrang hirap ng buhay at sa kawalan ng pagkakapantay-pantay
sa lipunan, parang nawawalan na ako ng pananalig na may Diyos. Sinagot
lamang niya ito. Alam mo pare, ang paniniwala kasi ay dinurugtungan
ng pananamplataya. Maaring kuwestiyunin natin ang mga nangyayari
sa ating kapaligiran subalit lahat ng ito ay mayroong dahilan. Mapait
man ang dahilan ay kailangan nating tanggapin. Nananatiling may
plano siya para sa lahat sa atin. Ewan ko.
Hindi lang yun ang unang pagkakatong narinig ko ang mga katagang
iyon pero parang natauhan ako sa sinabi niya. Ganito lang siguro
talaga ako. Walang matibay na paninindigan sa mga bagay-bagay. Kaya
may marinig lang akong magandang argumento, kakatig na agad ako
dun. Pero sa pagkakataong ito alam kong nakumbinsi niya ako. Hindi
ng kanyang argumento kundi ng namamayaning sinseridad na bumubukal
mula sa kanyang mga sinambit.
Marami pa kaming
pinag-usapan nang gabing iyon. Tunay namang kaysarap ng pakiramdam
na may nakikinig sa iyo. Kaygaan ng pakiramdam ko nang madaling-araw
na iyon. Parang gusto ko na uling maniwalang may Diyos.
Simula noon, tuwing weekends ay lagi kaming nagtatawagan. Pag weekdays
kasi ay abala siya sa mga gawain nila sa opisina. Oo nga pala, boluntaryo
siyang lumahok sa isang human rights organization. Doon daw niya
kasi nararamdaman ang tunay na kahulugan ng serbisyo. Gayunpaman,
malapit na raw siyang umalis sa tanggapang kanyang pinapasukan,
tutal naman daw ay mag-iisang taon na siya roon. Tinanong ko siya
kung bakit, subalit tila ayaw niyang sabihin sa akin kung anuman
yon. Baka naman nais na niyang kumita ng salapi kaya't naisipan
niyang lumisan na sa kanilang organisasyon. Maaari rin namang may
nakaaway siya roon kaya mamabutihin na lang niyang iwan ang tanggapan.
Wala raw ni isa sa mga hinuha ko. May higit raw na malalim na dahilan.
Ewan ko, di ko na lang siya inurirat pa. Tinanggap ko na lang na
ipinagkait niya sa aking ibunyag ang kanyang dahilan. Tinamad na
akong mag-usisa pa. Ganun naman ako. Kung ayaw mo, di wag, di kita
kukulitin. Kaya nga hanggang sa mga panahong yon ay di ko pa rin
tinatawagan si Liza.
Manigas siya!
Kung anumang
lumbay ko dulot ng di pagtawag ni Liza ay natatabunan pag naririnig
ko na ang boses ni Nick. Pakiramdam ko, maski nawalan ako ng syota,
me kaibigan namang pumalit. Tinuring ko siyang higit pa sa aking
mga kapatid. Medyo isinantabi muna namin yung mga isyu ng lipunan
tuwing kami'y nag-uusap. Higit kaming naging interesado sa personalidad
ng bawat isa. Tinanong niya ako minsan kung mahal ko pa rin daw
si Liza. Sinagot ko siya ng siyempre naman pare, sanay lang talaga
akong makipagtikisan.
Tatlong Sabado na ang nakaraan nang naisipan kong tanungin siya
kung bakit wala pa rin siyang naging syota. Tumahimik siya. Matagal.
Naghihintay ako ng sagot. Katahimikan pa rin.
Hello..pare,
nandyan ka pa ba?
Para siyang nagising mula sa pagkakatulog sa sinabi ko. Oo nandito
pa. Inulit ko uli yung tanong ko. Sumagot siya. Wala lang. Patlang.
Hindi ko pa siguro nakikita yung babaeng mamahalin ko. May nakita
man akong pakiramdam ko mahal ko, hindi puwede. Nagulat ako.
Bakit hindi pwede? Tumahimik uli siya. Baka magalit siya
sa akin. Baka isipin niya tarantado ako. Pero kung alam lang
niya kung gaano ko na siya kamahal. Natawa ako. Wow! Mukhang
in love yata 'tong pare ko. Alam mo pareng Nick, feeling ko natotorpe
ka lang. Okey ka naman. Maski nung rally lang kita nakita, I can
say that you look good. I don't see any reason para magalit siya
sa iyo at isiping tarantado ka. Tell your feelings to her and I'm
telling you, maybe it's worth the try. Katahimikan uli.
Albert, I
love you!!
O My God
(ngayon pa bang naniniwala muli ako sa existence nya)! Tumahimik
ako. Albert ang sabi ko I love You. Pinanatili kong nakatikom
ang aking bibig habang bumilis yata yung takbo ng mga neurons sa
brain ko. Mahal kita Albert. Unang beses pa lang nang makita
kita sa rally, iba na agad yung feelings ko sa yo. Di ko nga alam
kung bakit binigay ko sa 'yo yung telephone number ko, di ko naman
gawain yun. Gago ka, tinawagan mo ako e. Wala na manhid na ko.
Di ko alam kung anong sasabihin ko.
Tanginang pag-uusap
to.
Pare, niloloko
mo ba ko? Tigilan mo na yan.
Pare mahal kita.
Pare tarantado ka pala e, pareho tayong lalake.
Kala ko ba di mo iisiping tarantado ako.
Di ko naman kasi akalain na ako pala yung tinutukoy mo.
Galit ka?
Natatarantaduhan ako sa yo.
Okey lang, alam ko namang maski anong mangyari hindi puwede. Malabo
talaga pare, pareho tayong lalake. Higit pa dun ang dahilan pare,
higit pa dun.
Wala akong pakialam, nahihibang ka na!
Akmang ibabagsak
ko na yung telepono nang marinig ko siyang humahalakhak. Napakalutong
ng kanyang tawa. Punung-puno ng galak. Parang kung napupuno ng halakhak
ang timba ay ilan ulit nang umapaw yon. Hindi ko ibinaba ang telepono.
Nagpatuloy si Nick sa kanyang paghalakhak.
Nang nahimasmasan ay nagsalita rin siya. Medyo natatawa pa rin siya
pero naiintindihan ko na yung mga sinasabi niya. Sarap mong lokohin
pare. Hahaha. Di ka na mabiro. Patlang. Akala ko ba kung
sinuman yung sasabihan ko hindi ako sasabihang tarantado. Pinagpraktisan
lang kita, tarantado rin lang pala yung maririnig ko. Natawa
na rin lang ako, pero medyo pilit. Tangina mo pare, nadale mo
ako dun. Tumawa pa rin sya samantalang ako medyo windang pa
rin sa naganap naming pag-uusap. E sino nga yung tinutukoy mo?
Basta, balang araw malalaman mo rin.
Yun na kumbaga
ang pinakahuli naming pag-uusap. Isang Sabado pagkatapos noon ay
may dinaluhan akong isang konsyerto na alay para pa rin sa pagkalampag
sa kasalukuyang administrasyon. Nito namang nakaraang weekend, tumawag
ako sa kanila pero walang sumasagot ng telepono. May lakad siguro
ang buo nilang pamilya. Ewan
ko.
Pero parang
may kulang sa akin nang weekend na yon.
huling
pahina
|