MAIKLING
KUWENTO
Pare
Ni Lee Joseph Castel
WALA AKONG amor
sa mga rally.
Sumasama lang
ako rito kasi tsine-check ng mga prof ko ang attendance. Maaring
paraan lamang yun ng aming mga prof upang mailubog kaming mga estudyante
sa mga isyu. Banas na banas ako pag may ganitong pagtitipon. Napaplastikan
kasi ako sa mga nangunguna sa mga ganitong mobilisasyon sa aming
unibersidad. Pakiramdam ko lahat sila ay may pulitikal na motibo.
Sisigaw sa lansangan
ng kung anu-anong mantra na sa wari ko'y hindi naman talaga nila
naiintindihan. Pampahakot lang daw ito ng boto para sa darating
na halalan sabi ng iba. May persepsyon kasi, na pag nakikisali ka
sa mga rally, me alam ka sa mga isyu. At saan pa nga ba ang kadalasang
bagsak ng ganitong mga pambubulahaw sa lansangan? Siyempre, sa makasaysayang
Mendiola.
Naiinggit ako
sa mga nag-aaral sa Mendiola. Lagi raw suspendido ang klase nila
kapag may mga malalaking rally. Sana doon na lang ako nag-aral.
Mendiola raw ang naging piping saksi sa iba't-ibang uri ng pakikibaka
ng mga Pilipino. Ito raw ang siyang tetestigo sa pagiging militante
ng mga mamamayan. Sa kaso ko, dito ko simulang nakilala ang lingid
kong katauhan.
Kalagitnaan
na ng Nobyembre nang muli akong napadpad sa Mendiola. Ito ay kainitan
ng mga mobilisasyong hayagang nagpapakita ng pag-ayaw sa rehimeng
Estrada. Ayaw nga akong payagan ng syota kong si Liza na sumama.
Lumiban na lang daw ako at sunduin siya sa kanilang eskwelahan.
Palibhasa walang puwang ang mga isyung panlipunan sa unibersidad
na kanyang pinapasukan. Idagdag pa rito na mayaman ang gaga. Sabi
ko sa kanya, papapel lang ako sa prof ko. Sisigaw lang ako ng ilang
mga chants at pagdating sa Mendiola, unti-unti akong pupuga. Tutal
gawain ko naman iyon. Kung may magtatanong kung bakit bigla akong
nawala, madaling magdahilan na sa kapal ng tao ay maaring di lang
nila ako nakita. Nang nagsimulang mag-inarte si Liza, pinatay ko
na lang ang cellphone ko. Nagsisimula na ang rally sa harap ng aming
kolehiyo ng tumunog ang aking cellphone. 1 Message Received.
Si Liza. Brek na tyo. Uv bin gnorin me 4d past few months, m
fed up. Besides, sawang sawa nako sa pagtitibaktibakan mo.gudbye
:(
Tanginang babaeng
ito!! Ang babaw!!! For the nth time nakipagbreak na naman sa akin.
And definitely, few days from now kokontakin uli ako nyan, makikipagreconcile.
Kabisado ko na 'tong si Liza, magtatatlong taon na rin kami. Kung
anumang kabwisitan ko sa babaeng iyon ay ibubuhos ko na lang sa
mga ritmo at sigaw ng pakikibaka. Iskolar ng bayan, ngayon ay
lumalaban!!! Nag-iinarte ka na namang babae ka ha! Sobra
nang pahirap, patalsikin si Erap!!
Sa wakas ay
nakaabot na rin kami sa Mendiola nang malapit nang malaglag yung
mga ngalangala namin sa kasisigaw. Umaalon na naman ang Mendiola
sa dami ng mga tao. Sa pagkakataong ito ay higit na marami ang nakilahok
kumpara sa mga nakaraang mobilisasyon na dinaluhan ko. Maaring pagpapakita
lamang ito na lumalaki ang bilang ng mga mamamayang ayaw nang pauto
sa kasalukuyang rehimen.
Nang nagsimula
na ang programa ay unti-unti na akong sumimple para makalabas na
sa karagatan ng mga nakikibaka. Napansin ako ng isa kong kasama
at tinanong kung saan daw ako pupunta. Sabi ko may bibilhin lang.
Nagsimula akong tumayo at payukong naglakad sa gitna ng libu-libong
tao. Wala pang ilang segundo nang aking scheming na pagtakas ay
may narinig na akong mga naghihiyawan at pinauupo ako. Natatakpan
ko raw yung palabas. Mga putangina tong mga ito, as if naman kasing
laki ko yung entablado.
Nagpatuloy ako
sa aking paglalakad at tila naguguluhan na ako kung saan ako pupunta.
Kahit saan ako tumingin ay puro tao ang nakikita ko. Sinasabayan
pa ito ng mga hiyaw na nagsasabing maupo raw ako. Hoy, umupo
ka naman gusto rin naman naming makita yung nagpepeperform. Ilang
saglit lang parang tinatablan na ako ng pagkahilo at kahihiyan.
Umupo ako sa unang bakanteng sementong nakita ko. Pag-upo ko, tiningnan
ko ang mga nasa kanan ko, mga nakaputi, mga nakaabito.
Shit.. mga pari!
Nagsisimula na akong maging allergic sa mga ito. Baka silaban nila
ako pag nalaman nilang kinukunsidera kong maging atheist.
Luminga-linga ako para humanap ng lilipatang puwesto nang may umupo
sa kaliwa ko. Salamat sa Diyos (ekspresyon ko lang ito kahit malapit
na akong tumiwalag sa pananampalatayang may diyos) at hindi siya
nakaputi tulad ng mga pari. Actually, yung mga nasa kanan ko lang
pala yung mga nakaputi. Samantalang nakasibilyan naman yung mga
nasa kaliwa ko na kung di ako nagkakamali ay mga miyembro ng isang
human rights organization (ito ay dulot ng mga placards na dala
nila na nagsasabing "sobra na ang mga pagtapak sa karapatang
pantao sa kasalukuyang administrasyon"). Okey na yan, siguro
dito muna ako uupo pansamantala. Dala na rin siguro ng pagod ay
napayuko na lang ako, walang pakialam kung ano na ang tinatakbo
ng programa.
Naalala ko si
Liza.
Magtatatlong
taon na kami pero bakit parang walang tinatakbo ang aming relasyon.
Bwiset..bwiset!! Lumalabo na yata paningin ko, tubig na itong nakikita
ko.
Pare, panyo.
Me problema ba? Tangina!!! Kaya pala lumalabo na ang paningin
ko kasi naiyak na pala ako. Tangina!! Nakakahiya. Wala pare,
napuwing lang ako. Bwisit kasi itong mga buhanging ito, palusot
ko na lang kahit hindi naman talaga humahangin. Nahihiya man ako
e tumingin pa rin ako sa kanya para lang ipakita na ok lang ako
at napuwing lang talaga. Ngumiti siya.
Inabot niya
ang kanyang kamay sabay sabing, Nick, pare.Kinamayan ko naman
siya. Albert.Nagsimula siyang magtanong kung saang unibersidad
daw ako nanggaling hanggang sa humantong sa mga isyu ng lipunan.
O my God (kahit parang ayoko nang maniwala na me god) sa loob loob
ko. Pabibuhan ba ito ng mga nalalamang isyu? Sige na nga. Inaryahan
ko siya ng mga rebolusyunaryong pananalita upang ipakitang alam
ko ang aming mga pinaglalaban. Nakakalungkot isipin na ang naghahari
pa rin sa mga lalawigan ay ang mga panginoong may lupa habang patuloy
ang paghihirap ng mga magsasaka. Parang hindi siya bumilib.
Binigay ko ang aking mga opinyon na kopya ko pa sa aking mga aktibistang
propersor. Patuloy na magiging palasak ang ating bayan dahil
ang ating bansa ay import dependent, export oriented at debt ridden.
Tila wala siyang interes. Nakatingin lang siya sa akin. Parang nakakaloko
ang tingin. Gago 'to ah!
Kung may tao
mang nakakaramdam kung peke ang pagiging tibak ng isang tao malamang
siya na 'yun. Yung mga ngisi niya sa akin ay tila nagpapahiwatig
na tigilan ko na ang mga pretensyon ko dahil alam niyang may iba
akong motibo sa pagpunta sa mobilisasyon. Siya naman ang nagsalita.
Mabago man ang pamunuan ngayon wala pa ring garantiya na magiging
makatarungan na ang susunod na liderato. Hindi lang kasi sa liderato
mayroong problema, sa sistema mismo. Hanggang trianggulo pa rin
ang pagkakaayos sa ating lipunan, mananating may mga naaapi hangga't
may mga mangangamkam ng karapatan ng ibang mga mamamayan. Napag-isip
ako. Tama siya. Pwede ko ngang isipin na minemorya niya ang lahat
ng sinabi niya ngunit natural na natural niya itong sinambit. Taliwas
sa ibang mga nariringgan kong opinyon sa aming unibersidad na napakaakademiko
ng pagkakalahad. Bibong bata, very interesting.
Medyo nag-aalisan
na ang ibang mga tao at namamanhid na rin ang pwet ko sa pagkakaupo.
Aakma na akong tatayo ng tinanong niya kung saan ako pupunta. Sabi
ko babalik na ako sa mga kasama ko, kahit ang totoo'y itutuloy ko
na ang pagtakas ko pauwi. Pare, call me, sabi niya. Baket?
Sa loob loob ko. Kumuha siya ng isang piraso ng papel at sinulat
niya ang kanyang telephone number. Pare, tuwing weekends lang,
na sinabayan niya ng kanyang ngiti. Pagkaabot niya sa akin ng papel
ay isinilid ko na lang iyon sa aking wallet. Payuko ko muling binagtas
ang karagatan ng mga nakikibaka at di ko na siya nilingon pa.
Magdamag akong
nakahilata at nakatitig sa aking cellphone, naghihintay ng kahit
anong text messages. Sabado yun ng gabi at katatapos ko lang manood
ng satirikong Ispup. Kung pwede nga lang gawing katawa-tawa yung
mga pulitikal na kaguluhan sa bansa e di masaya sana buong Pilipinas.
Kaso, bagsak na ang ekonomiya at higit na marami na ang nahihirapan.
Hindi na nakakatawa
kumbaga.
Naalala ko na
naman si Liza.
Magtatatlong
araw na siyang hindi tumatawag. Bad trip!
Sige lang magpataasan
muli kami ng pride ngayon. Kinuha ko ang aking wallet para man lang
silayan yung litrato naming dalawa ni Liza. Aminin ko man o hindi,
namimiss ko na rin yung gaga. Pagbukas ko ng wallet ay isang kapirasong
papel ang bumagsak. Inagaw ng papel na iyon ang aking atensyon at
nakalimutan ko ng tingnan pa ang larawan ni Liza. Pagbukas ko ng
papel ay nakita ko ang pangalang Nick at may telephone number na
katabi ito.
ikalawang
pahina
|