Paalam
mga Maestro
Ni Dennis Aguinaldo
SUMAKABILANG-BUHAY
si Maestro Lucio San Pedro noong Linggo, Marso 30, 2002 sa gulang
na 89. Kinikilala ang premyadong musikero bilang pangunahing komposer
at guro. Sumunod sa kanyang himlayan si Maestro Levi Celerio, edad
91, nuong Martes, Abril 2. Tanyag naman ang maestro bilang tunay
makata at maninitik ng musikang Pilipino.
Kapwa sila Pambansang
Alagad ng Sining, karangalan na karapat-dapat namang ipinutong sa
kanilang mga ulo. Hanggang sa mga huling obra nila, mababasa, maririnig,
at mararamdaman ang kanilang kadakilaan hindi lamang bilang mga
maestro ng sining, kundi bilang mga alagad ng bayan.
Bilang paggunita
at paggalang, narito ang isang kolaborasyon ng dalawang pantas,
ang kantang Sa Ugoy
ng Duyan
Sa loob ng kapayakan
ng awit, malalim ang sentimyento at diwa ng awit na ito. Naririnig
ko ito bilang oyayi (lullabye) ng ina na nagpapatuloy sa puso at
pinaka-ubodng anak. Tulad ng anumang handog mula sa pag-ibig ng
isang ina, nananatili ito hanggang sa huling sandali, lampas pa
ng paglipas ng pinanggalingan.
Narito ang kabataan,
ang mga naiwan, mga alagad ng sining sa kani-kanilang paraan, mga
tainga kapwa para sa musika ng maestro at sa ingay ng mundo. Nahimlay
at nagising kami sa inyong mga tinugtog. Ngayon, panahon na namin
para ipagpatuloy ang himig. Nawa'y magbunga ang salinlahi ng mga
dakilang ugat. Sa kabila ng lahat.
Sumalangit Nawa,
mga Maestro. Nang maibalik na sa Langit ang pinahiram na Awit sa
Bayan.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|