MAIKLING
KWENTO
Ipinako Ako sa
Krus
Ni Killerpogi
KANINA LAMANG,
ako ay nasa isang malaking haligi--haliging nababahiran na ng dumi,
haliging nabubuway na sa tagal ng pagkakatindig na hindi na iniintindi
ng karamihan ngunit ngayon ay binigyan ng silbi upang ako doon ay
hagupitin ng mga latigong nagmumula sa mga taong hindi ko maintindihan
ang galit sa akin.
Hinahagupit
nila ako , walang tigil, tuwang-tuwa sa kanilang ginagawang pagpaparusa
sa akin at sa bawat hagupit nararamdaman ko ang sakit na kanilang
binibigay, masakit, ngunit hindi sila nagsasawa sa kahahagupit hangang
sa hindi sila napapagod at kapag napagod naman, matapos magpagpahinga
na ay ipagpapatuloy ang pagpapakaligaya sa pagpalo sa akin.
Nang muling
mapagod, hinubaran nila ako, pinapahiya sa lahat, walang iniwang
saplot ni isa. Ipinakikita sa lahat ang aking kabuuan, tinutuya,
at kapalit ng hinubad na kasuotan, binigyan nila ako ng korona,
isang koronang tinik! Isinaklob ito sa aking ulo, tumutusok ang
matutulis na tinik sa anit ng aking bumbunan at nadarama ko hangang
sa aking dibdib. Masakit, ngunit hindi nila nararamdaman iyon. Mga
manhid sila, ngunit ako ay hindi.
Napapaiyak ako
sa sakit, ngunit ang mga luha ko ay hindi na nahahalata sapagkat
nagkulay dugo na rin ang agos nito, sumasabay sa pagtulo ng dugo
mula sa tinamo kong mga sugat.. Binigyan nila ako ng setro upang
bumagay sa aking korona, nakahanda raw sila na ako'y paglingkuran,
pagsisilbihan habang panahon, ng buong puso, gagawin raw ang lahat
upang ako ay sumigla, gumanda ang buhay, maging masaya at magiging
payapa dahil sa ako ay kanilang iginagalang at minamahal. Ngunit
mga sinungaling sila, malakas ang kanilang mga tawa habang binabanggit
ang mga salitang kabalintunaan ng kanilang ginagawa. Tinutuya pa
rin nla ako.
Pinaglakad na
nila ako ng hubo't hubad, mahabang lakbayin ngunit pasan ko ang
isang malaking krus patungo sa isang bundok kung saan binibitay
ang mga makasalanan. Ngunit ano ba ang kasalanan ko? Isa akong malinis,
tahimik at mabuting nilalang na walang ginagawang kasalanan kaninuman.
Ano nga ba ang kasalanan ko? Ilang beses akong nadapa, ngunit sa
mga hagupit ng latigo ay pilit nila akong pinatatayo. Tumatayo ako
upang ipagpatuloy ang mahabang lakbayin, hanggang sa marating ko
ang aking patutunguhan nagbabakasakali na kapag nakarating na ako
roon ay matapos na ang aking paghihirap.
Pagdating sa
tuktok ng burol, inilatag nila ang pinasan kong krus, Salamat, tapos
na yata ang paghihirap ko, ngunit nagkamali ako ng akala nagsisimula
pa lamang pala ang isang mas masakit na parusa. Sa nakalatag na
krus inihiga nila ako, pinadipa, inihanda ang malalaking pako, iniumang
at ipinukpok sa aking mga kamay, napasigaw ako sa sakit sa bawat
pagbaon ng mga pako, hindi ko na maigalaw ang aking mga kamay, nanginginig
ito sa sakit, Hindi ko na magagamit ang aking mga kamay upang tapikin
sila sa kanilang mga balikat upang mapagsabihan na mali ang kanilang
ginagawa. Hindi ko na magagamit ang aking mga kamay upang madampian
ang kanilang mga pisngi at ipadama sa kanila na kumakapal na ang
mga mukha nila sa kanilang mga kasalanan. Hinding hindi na.
Hindi natapos
doon isinunod nila ang aking mga paa, pinagsama sa iisang pako,
nanghihinayang sa pakong ibabaon sa aking mga paa, lalong masakit
, gumagasgas at bumabali sa mga buto ko ang pakong kanilang ginamit
sa akin. Hindi ko na kaya ang maglakad, hindi na ako makapaglalakbay,
hindi ko na mararating ang gusto kong puntahan. Hanggang dito na
lamang ako, sa krus ng kalbaryo.
Hindi ko alam
kung matutuwa ako, nagkakaisa silang lahat , sama-sama nilang binuhat
at itinatayo ang isang krus kung saan ako ay nakapako. Itinayo nila
ito sa gitna ng mataas na burol upang makita ng lahat. Ibig ng lahat
na ako ay maging sikat at tinitingala. Mula sa itaas, nakikita ko
silang lahat, iba't ibang anyo, may mga matataas na tao sa lipunan
ang nagsasabing ito raw ang nararapat sa akin, may relihiyosong
nakikialam upang ako ay mabitay, may mga mayayaman na nakikipagsabwatan
sa mga namumuno upang matuloy ang pagbitay, may mahihirap na nakikilahok
upang ako ay hiyain.
Naroon din ang
mga nagkanulo sa akin nang paulit-ulit. May nakangiti sa pagkakapako
ko, may nanunuya, nay walang pakialam, may nalulungkot at naiiyak
ngunit walang ginagawa. Naroon din ang mga sinungaling na nagsasabing
mahal daw nila ako ngunit tinititigan lamang ako mula sa ibaba.
May mga mata rin na tinitignan lamang ang aking kahubaran, tinitingnan
kung may naiiwan pang ganda na pwedeng pagparausan, mga makasarili,
mga manhid sa nararamdaman kong sakit. Natupad na ang gusto nila.
Dumating na ang araw na ako ay titingalain ng lahat, oo nga tinitingala
na ako ng lahat ngunit tinitingala mula sa pagkakapako.
Ako'y nauuhaw,
banggit ko, may nakarinig ngunit hindi iniintindi ang kahulugan,
binigyan niya ako ng sukang may apdo , solusyon daw sa pagkakauhaw
ko, inilagay sa isang sibat upang maiabot sa bibig ko, subalit tumama
muna ang tulis nito sa dibdib ko at nag-iwan ng sugat, masakit ngunit
wala silang pakialam.
Diyos ko, Diyos
ko! Bakit n'yo ako pinabayaan? Inialay ko ang buong buhay ko para
sa kanila. Pero bakit ito ang isinusukli nila sa akin? Kailan sila
matututo? Kailan nila bibigyan ng kalutasan ang paghihirap ko, kailan
nila ako mauunawaan? Kailan nila ako ibaba at iaalis mula sa pagkakapako
sa krus?
Dumilim ang
paligid, kumulog at kumidlat, nakikiramay sa sinapit ko, namamanhid
na ang mga kalamnan ko, dumidilim na rin ang mga paningin ko, ilang
minuto na lang lilisan na ako. Magpapaalam na ako. Paalam, paalam.
Siya nga pala,
bago ko malimutan at bago ako lumisan nang tuluyan, ako nga pala
si Luzviminda, apat na daang taon na at patuloy pa ring ipinapako
sa krus.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|