EDSA
3: Tanaw mula sa loob
Ni Ronald
A. Atilano
NOONG MADALING-ARAW
ng Mayo 1, 2001, habang kasalukuyang lumulusob patungong Malacañang
ang daan-libong mga Erap loyalists upang pabagsakin ang pamahalaang
Arroyo, may humigit-kumulang sanlibong mga indibidwal ang nagtipon
sa Mendiola upang pigilan ang nakaambang rebelyon. Kapit-bisig nilang
pinaligiran ang lahat ng lagusan patungong palasyo at nangakong
hindi bibitiw hanggang sa pagdating ng mga kalaban.
Bandang alas
dos ng umaga nang umugong naman ang balitang armado ng icepick at
pana ang mga sumasalakay. Dahilan ito upang lumamig ang ulo ng karamihan
at magplano ang ilang lider ng mas praktikal na mga hakbang.Upang
maiwasan ang pagdanak ng dugo, pinatuloy silang pansamantala sa
kampus ng San Beda College upang doon magpalipas ng panganib. Labing-isang
oras, tatlumpu't pitong minuto ang itinagal nila sa loob habang
patuloy na nagaganap ang tinaguriang "Edsa 3" sa labas.
Isa ako sa mga
nakulong noon sa loob ng San Beda, at mula sa isang madilim na klasrum,
sumusulat ako sa aking journal.
Sa kubling
klasrum
1 Mayo
2001. Alas dose ng tanghali.
Humigit-kumulang
sa sandaang tao sa isang klasrum. Kung pipigilan ko ang sumisikip
na kaba sa dibdib, kung aalis muna rito sa katawan kong nasa gitna
ng panganib, sasabihin kong para lang kaming nasa prayer meeting
nito. Iba't ibang mukha mula sa iba't ibang sulok ng Maynila ang
narito sa kubling silid, at sa tagal ng kung anong hinihintay na
programa, napipilitan kaming kausapin ang isa't isa.
Sari-saring
kwento kung paanong napadpad kami rito, at kung anong engkanto ang
pumasok sa mga utak namin kagabi upang magdumaling pumarito sa Mendiola
at ika nga e, ipagtanggol ang Republika.
Nakakatuwang
isipin na nasa piling ako ngayon ng mga accidental heroes kahit
pa nga sabihing napaliligiran kami ng mga kababayang handang sumalakay
anumang sandali.
Gitara ni
Jun Lopito
Kampus
ng San Beda. Alas tres ng madaling araw.
Patuloy ang
pasok ng mga tao mula sa geyt galing ng Mendiola. Maya't maya, marahan
ding sumisiksik sa kumpol na ito ang mga sasakyang animo'y galing
pa sa di-mahulaang larangan. Humihiwa ang talim ng mga headights
sa agos ng mga anino. Madidilim ang mga mukhang dumarating. Lumalakas
ang mga bulungan.
Ang unang reaksyon
ko: kung paanong mabilis na makakatakas dito. Kaya lang naman ako
napadpad dito ay para lang sa isang ordinaryong rali--isang ordinaryong
People Power. Makikisigaw sa "agit" ng mga nasa entablado.
Makikisabay sa mga natatandaan pang awiting rebo. Habang nagpapalipas
ng hang-over sanhi ng isa na namang gabi sa Padi's Point.
Pero heto ako
sa loob ng Beda, pasado alas tres ng umaga. Walang butas na malusutan
palayo Palakad-lakad sa halip na naghihilik na. Palinga-linga sa
halip na maayos nang nananaginip sa aking kama. At di ko maiwasang
basahin ang mga damdaming nagkukubli sa likod ng nasasalubong na
mga mukha. Kinakabahan din kaya sila? Nangangamba kaya sila dahil
masyado silang nagpadalus-dalos? At kung hindi, kung totoo ang kahinahunan
at determinasyong namamasdan ko, anong tapang ang itutumbas ko para
sa kanila--akong masugid na deboto ng flower power (gaya ni Ely
Buendia) at walang maisasalungat sa papalapit na dahas?
Mula sa posteng
kinasasandalan ko, tinatanaw ko ang karamihan habang sila'y nagsisipagdasal
sa maliwanag na chapel. Umaalingawngaw ang mga unang putok ng armalayt
galing sa labas. Sa geyt, humahangos na ring papasok ang mga myembro
ng dyaryo at telebisyon, ang delegasyon ng mga relihiyoso, mga pulis
at pulitiko. Mula sa kaguluhan, balisang naglalahad ng balita ang
isang singkit na lalaki, hawak ang kanyang kamera:"Sobrang
dami nila, pare! Buong dalawang milyon yata galing Edsa sumusugod
na dito. Dalawang pulis na ang patay. Yung depensa sa Nagtahan,
bumagsak na!"
Masakit pa ang
ulo ko pero di ako abutan ng antok. Naglalakad akong paligid-ligid
ng compound, tila writer na namamaluktot sa pag-iisip ng plot. Marahan
akong nakikihalubilo sa mga tauhan nitong pelikulang tri-dimensyonal,
marahan at malungkot, na parang gumigitara si Jun Lopito sa likod
ng aking tenga. God's playing the blues. "Blues" na matatawag,
sabi ko sa sarili, kung nilalamon ang bayan ng kudeta at ikaw ay
naglalakad sa loob ng San Beda.
Magkakasunod
pang putok ng M-16 mula sa dakong Legarda ang bumasag sa metapisikal
na gitara ni Jun Lopito. Isang pintig ng pulsong naglalambitin sa
mga hininga. Sa isang iglap, ang realidad ng animo'y papalapit na
mga sandatahan ay naging mga espada, o bala, sa aming mga ulunan.
Sa unang pagkakataon, nakilala ko sa likod ng sari-saring mga facial
expressions: gulat, mangha, pagkalito, ang takot. Inaakay ng isang
ina ang anak niya sa likod ng posteng semento upang iwasan ang mga
ligaw na bala. Walang tigil ang teenager sa pagtunghay sa cellphone,
tungkol sa mensaheng kahahatid pa lamang ng mga estasyon. Ang mag-asawa
ay magkayakap na nakaupo sa isang sulok ng hall. Sa kabuuan nitong
kampus, ang mga anino ay balisang nagpapasikut-sikot. Ang dating
mga bulong ay naging sigaw.
Syempre, natatakot
din ako. Kung dudumugin nila kami, mahirap magtanggol kung may hang-over
na pasan-pasan sa ulo. At saka napakasaklap naman yatang matapos
na ang lahat-lahat sa buhay ko nang hindi ko man lang naipasa yung
requirements ni Rubin sa MP173. (Palagay mo kaya, magdadalawang-isip
silang todasin ang tulad kong may "binubuhay" na romansang
nobela at kwentong pambata?)
Lakad lang ako
nang lakad. Nang mapagod, itinayo ko ang isang nakakalat na silya.
Naupo. Ngumiti sa akin ang aleng kaharap. Kinumusta ko siya. "Kumusta
po kayo?" tanong ko sa kanya. (Kasabay na kasabay ng "kayo?"
ang muling kresendo ng mga putok, na parang sinasabing "Wala
sa lugar ang tanong mo, tanga!") Maaliwalas ang mukha niya.
Nakakapanatag ng kalooban. Isang "irony" tuloy na taga-KMU
pala siya. Mas naging magiliw ang ngiti niya nang batiin ko siya
ng "Happy Labor Day", kasabay ang trivia na ito ang kauna-unahang
Mayo Uno na "kakampi" ng kilusan ang gobyerno.
"Tapos
dito pa tayo mamamatay," pabirong sabi niya.
EDSA
3: Tanaw mula sa loob
Ni Ronald
A. Atilano
Unang
pahina
Sari-saring
Kwento
Kung ang gabing ito ay isang maikling kwento, ano ang naghihintay
na eksena bukas ng umaga? Para bang may malagim na katapusang itinatago
ang dilim, at maya-maya'y tigmak ng dugong isasabog naman ng bukangliwayway.
Habang naghahanap ng masisindihan ng yosi, inaalala ko ang kung
anu-anong detalye ng mga naging masaker sa Chile at Indonesia. At
sino ang makakalimot sa mga kabataang walang buhay na inumaga dito
sa Mendiola noong FQS?
Samantala, may
kani-kanya rin namang short stories itong mga kapwa ko refugees.
Halimbawa, itong si Senen, dating LFS member noong Philo student
siya, ay papauwi na galing Mendiola at kasalukuyang umiihi sa ilalim
ng Nagtahan nang matanaw niyang nagma-martsang tila army ng mga
zombies ang mga kampon ni Erap mula sa pinakadulung-dulo ng kalsada.
Labis siyang namangha sa dami ng mga ito at sa nakakikilabot nilang
ingay, dahilan upang siya'y lagnatin at masuka sa kanyang kinatatayuan.
Iika-ika siyang nagtatakbo palayo, lampas sa mga kubling eskinita,
pabalik sa pinanggalingan nyang rally. At dito na niya sa Beda natapos
ang jingle niya.
Aling Paz ang
pangalan ng aleng nagtago sa likod ng pader, kasama ang kanyang
anak. Nagtitinda siya ng kendi at sigarilyo kanina nang magkagulo.
Sa takot, naiwan niya ang lahat ng kanyang mga paninda. Marusing
silang pareho at mukhang gutom na gutom. Kinaumagahan, makikita
ko siyang muli sa ilalim ng punong akasya habang pinapatulog niya
ang kanyang bunso, at kumakain siya ng chicken sandwich.
Si Mang Domeng
naman ang aming kusinero. Chief cook siya sa isang hotel sa Malate.
Tatahi-tahimik lang siya sa isang tabi, na parang ayaw masangkot
sa kung ano pang dagdag na gulo. Pero nang maubusan ako ng Winston,
iniabot nya yung kaha niya ng Hope. Payat siya, marami nang puting
buhok at paos ang boses. Sabi niya, marami siyang mga kasamang nakaalis
na kanina; nagpaiwan lang siya. Dagdag pa ni Mang Domeng: "Pag
nakalaya tayo dito, punta kayo sa hotel namin minsan at ipagluluto
ko kayo."
Alas-singko
na ng umaga. Nahihimbing sa semento ang aming mga kasama. Sumandal
ako sa poste at lumipad sa kabilang mundong walang panaginip.
Pwersa ng
Masa
Nagising ako sa alarm clock ng mga armalayt. Umaga na. Sa gitna
ng malawak na football field, nakapalibot kami habang ipinapaliwanag
ni Chito Gascon ng KOMPIL kung ano na ang nangyayari sa labas. Aniya,
wala pang katiyakan kung gaano pa katagal kami rito sa loob. Sa
himpapawid, dalawang helikopter ang biglang sumulpot, umikot nang
ilang beses na parang nagmamanman. Sa ilang saglit, inakala kong
pauulanan kaming lahat ng machine gun.
Samantala, mapapanood
sa loob ng van ng Channel 4 kung paanong pagdadamputin ng mga pulis
ang mga pro-Erap. Anasan at sigawan mula sa aking mga kasama.
"Buti nga
sa inyo, mga gago!"
"Dapat
nga, kanina pa nila ginawa 'yan. Ilang oras na tayong stranded dito!"
"Bakit
di pa pagbabarilin ang mga put---a!"
"Maximum
tolerance daw kasi."
"Tayo ang
dapat isipin ni Gloria, hindi sila."
"Ang babaho
nila! Nangangamoy hanggang dito!"
Muli, napaliligiran
ako ng mga mukha ng People Power 2: office worker, aktibista, manggagawa,
madre, doktor, musikero, businessman, probinsyano, kolehiyala, bading
at lesbyana, mag-syota. Kami ang minsan pang nagpagulong sa makinarya
ng pagtutol. Kami ang nagising at kumilos upang patalsikin ang pangulong
mandarambong.
Alas onse ng
tanghali nang pasukin namin ang mga bakanteng klasrum ng Beda. Kung
makapasok man ang mga pro-Erap sa kampus, mahihirapan silang matunton
ang kinalalagyan namin. Abot-tanaw mula rito sa kubling silid ang
geyt. Sa kabila, naroon ang batalyon ng mga kaaway: nag-iipon ng
lakas, naghihintay ng tamang oras. Maririnig ang nakasisindak nilang
sigaw na parang hamon ng isang hayok na tribu. Binabalya nila, kinakalampag
ang geyt. May ilang nagtatangkang umakyat sa pader. Alam nilang
narito kami.
Kung napapanood
lang ito ni Revsee, sasabihin ko sa kanyang nagising na ang masang
Pilipino. Ngunit ang gumising sa kanila ay hindi si Marx o si Mao,
hindi si Bonifacio o si Rizal o si Recto, kundi si Joseph Estrada.
Ngayo'y naghihimagsik sila, they're storming the Bastille kumbaga,
pero tayo ang nais nilang lipulin. Namputsa, nasa kabilang dulo
na naman sila. Ang Masa, Bayani at Tagapaglikha, ay hindi kilala
ang kanyang kaaway. Heto tayo, kasama natin ang United Front, ang
hindi namamatay na Middle Class: office worker, madre, doktor, musikero,
businessman, estudyante. At kahit pa mamasdan ko ang kakapusan ng
kanilang ideolohiya, hindi ko maikakailang kaparehong-kapareho ko
sila. Sa mga sandaling 'to, natuklasan kong katulad nila, kinatatakutan
ko at kinamumuhian ko ang Masa.
Ang sumunod
na ugong ng mga baril ay tumagal ng minuto, kasabay ng libu-libong
hintakot na sigaw. Mula sa kabila ng geyt, umalsa ang makapal na
ulap ng tear gas at dinala ng hangin sa loob ng silid.
Eskapo
Sa gitna ng pagsusulat ng isa sa mga naunang talata, nagsimulang
maglabasan sa silid ang aking mga kasama. "Wala na raw sila,"
ang paulit-ulit na balita. Nakahinga nang maluwag ang lahat. Isinilid
ko ang notebook sa bag, bumangon sa higaang karton.
Nang bumukas
ang geyt palabas ng Mendiola, nagpalakpakan at nagsigawan ang mga
tao. "Tenkyu! Tenkyu!" ang masaya nilang bati sa mga kagawad
ng PNP. Sa labas, nagkalat sa kahabaan ng Mendiola ang mga labi
ng naganap na gyera. Malalaking tipak ng bato at semento ang tila
ibinuhos ng bagyo sa gitna ng kalsada. Lumingon ako sa dakong Legarda
kung saan naitaboy ang mga pro-Erap. Isang tsinelas ang nakita kong
naiwan sa kalsada.
Nilakad namin
ang daan patungong Malacañang, natatanuran sa magkabilang
panig ng mga pulis, sundalo, at tangke. Sa geyt ng Malacanang, dalawang
kalalakihang maka-Erap ang bitbit ng mga pulis. Duguan silang kinaladkad
at paupong isinandal sa geyt ng palasyo. Mabilis silang pinaligiran
ng mga tao. Isang tadyak ang umabot sa tagiliran ng isa sa kanila.
"Magkano?" ang nang-uusig na tanong ng isa sa amin. Ngunit
nakatingin sila sa malayo, tila hindi alam kung nasaan sila.
Mula sa hardin
ng Malacañang, kung saan tinanggap kami ng Pangulong Arroyo,
inihatid kaming lulan ng barge sa kabilang pampang ng Ilog Pasig.
At mula doon, isang van ang nagsakay sa amin patungong backgate
ng palasyo, kung saan lumabas kami sa bandang Paco.
Hang-over
Mahigit
kalahating taon na ang nagdaan mula nang maganap ang kwentong ito
(kung kwento nga itong masasabi). Napakalapit ko man sa lugar ng
pinangyarihan, hindi ko namasdan ang kanyang kabuuan, maliban sa
mga ulat na napanood na lamang sa TV kinagabihan. Sa loob ng silid,
sa likod ng geyt, hindi ko namukhaan ang galit ng aking mga kababayan.
At naiisip ko:
isa ring malaking Silid ang naghihiwalay sa atin sa mundong ginagalawan
nila. Isang higanteng Geyt ang tumatakip sa ating mga mata palayo
sa mundo ng kanilang karanasan. Dahil dito, hindi natin masakyan
kung anong "world view" ba ang nagsabi sa kanila upang
ituring nilang tagapagligtas si Erap. Sa isang banda, mukhang isinasadula
ng ating lipunan ang isang makabagong Allegory of the Cave (o of
the Gate?) ni Plato.
At malay natin,
baka tulad ng bugtong ni Plato, naghihintay din ang sarili nating
kalayaan sa piling nila, hindi sa loob ng ating mga silid, kundi
sa labas ng kweba.
----------------
Isang computer programmer si Ronald kung hindi siya kasama sa mga
rally. Mag-iisang taon nang hindi niya naipapasa ang requirement
na romansang nobela ni Prof. Rubin sa UP.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|