Bomba
at Balikatan
Ni Alexander
Martin Remollino
USUNG-USO ngayon
sa ating paligid ang mga bomba.
Nitong nagdaang Marso 21, ang isang bomba ay matagpuan sa himpilan
sa mga himpilan ng Metro Rail Transit sa Kamuning, Quezon City at
Ortigas, Mandaluyong City. Nang sumunod na araw, isa na namang bomba
ang natagpuan sa isa namang istasyon ng Light Rail Transit sa Taft
Avenue. Ang mga ito'y sinundan, sa mga sumunod na araw, ng pagkakatuklas
ng iba pang bomba sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Katangi-tangi
ang mga bombang ito sapagkat pawang hindi maaaring pumutok, batay
sa pagkakagawa. Ngunit higit na katangi-tangi sa mga bombang ito
ang mismong serye ng pagtatanim ng mga bomba.
Noong 1970-1972,
nang ang pamahalaang Marcos ay sinisimulan nang isumpa ng mga mamamayan
dahil sa mapaniil nitong mga patakaran, nagkaroon ng ilang serye
ng pambobomba sa Maynila at sa mga katabi nitong bayan at lunsod.
Pinakamasama sa mga ito ang pagbomba sa Plaza Miranda, na humantong
sa pagkakapinsala sa maraming kasapi ng doo'y nagpupulong noong
Liberal Party, na kalaban ng administrasyong Marcos.
Ang itinuro ni Marcos na may pakana ng seryeng ito ng mga pambobomba
ay ang Communist Party of the Philippines (CPP). Ginamit niya ang
seryeng ito ng mga pambobomba upang pangatwiranan ang kanyang pagpapahayag
ng batas militar noong Setyembre 21, 1972, na naging dahilan upang
siya'y umani ng pagbati mula sa American Chamber of Commerce and
Industry kinabukasan. Kailangan daw ang batas militar upang iligtas
ang bansa sa banta ng lumalakas na komunismo.
Unang-una, ang
New People's Army (NPA), na siyang pangmilitar na bisig ng CPP,
ay wala pang 30 kasapi nang taong ipahayag ang batas militar, at
lumakas na lamang nang lumakas sa kasagsagan na ng diktadurang Marcos.
Ikalawa, magpahanggang
ngayo'y wala pang nagpapaliwanag kung bakit gayong kalaban ng CPP
si Marcos ay kalaban din ni Marcos ang tinira nito.
Ikatlo, anuman
ang maaaring sabihin ng iba tungkol sa CPP, isang bagay ang malinaw:
na ang pangkat na ito ay walang kasaysayan ng pagkukunwaring sila'y
tinambangan, di tulad ni Juan Ponce Enrile, na noong ipahayag ang
batas militar ay siyang Ministro ng Tanggulang Pambansa.
Mula rito'y
kitang-kita na ang kahungkagan ng pangangatwirang ginamit ng pamahalaang
Marcos.
Itong serye
ng mga pagtatanim ng mga bomba na naganap kamakailan ay nahahawig
sa mga serye ng pambobomba noong 1970-1972 sapagkat dumating din
ito sa isang panahong ang pamahalaan ay desperadong patunayan ang
pag-iral ng isang "malalang banta sa seguridad" sa layong
pangatwiranan ang pagpapatupad ng matitinding hakbang.
Dumating ito
sa isang panahong ang pamahalaan ay desperadong pangatwiranan ang
pagpasok ng mga sundalong Amerikano sa ating bansa upang lumahok
sa mga operasyon laban sa Abu Sayyaf, na kundi lang sana ipinatawag
sa isang "briefing" ang mga sundalong nakakubkob na sa
kanila ay matagal nang napulbos, bagay na mahigpit na tinututulan
ng parami nang paraming tao dahil sa pagkitil nito sa pagsasarili
ng ating patakarang panlabas. Bilang panangga sa pagtutol na ito,
ang pamahalaan ay naglalabas na ng katakut-takot na katibayang ang
Pilipinas ay isang "paraiso ng mga terorista", na aywan
kung bakit lumabas na lamang matapos na ang Estados Unidos ay magpahayag
ng "digmaan laban sa terorismo".
Ang mga ideolohikong
pangkat na NPA at Moro Islamic Liberation Front ay itinabi na nito
sa mga bandidong Abu Sayyaf at Pentagon sa kategorya ng mga terorista.
Huwag tayong
magtataka sakali mang isang araw ay "matuklasan" ng mga
imbestigador ng pamahalaan na itong kamakailan lamang ay naganap
na serye ng pagtatanim ng bomba ay kagagawan ng isang pangkat na
kaugnay ng al-Qaeda ni Osama bin Laden, na may lubhang malalakas
na armas at magagapi lang natin sa tulong ng mga sundalo ni Tiyo
Samuel.
---------------
Si Alex, 24, ay isang manunulat sa IBON Foundation. Sangkot siya
sa mga panlipunan at pampulitikang kampanya, sa lansangan man o
sa Internet.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|