|
TULA
Sa
Alaala ni Beng Hernandez
Ni Alexander Martin Remollino
Sakaling sumapit
ang araw
na hindi na maghihimagsik ang aking sikmura
sa tuwing tutunghay ang mga mata ko
sa larawan
ng bangkay ng babaeng napatay ng militar
sa isang sagupaan
habang nanananghalian
sa isang dampa:
basag, hindi butas
ang mukha,
sunog sa pulbura
ang dibdib,
at nakataas
ang magkabilang kamay
ay magtatanong ako
kung ako'y tao pa kaya,
kung ako'y buhay pa kaya,
kung hindi kaya lalong mabuting
ako'y magtanim na lamang ng punlo
sa aking ulo.
---------------
Si Alex, 24, ay isang manunulat sa IBON Foundation. Sangkot siya
sa mga panlipunan at pampulitikang kampanya, sa lansangan man o
sa Internet.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|