|
Si
Beng at ang Militar
Ni Alexander Martin Remollino
ISANG PANGALAN
ang lumitaw sa mga pahayagan ilang araw matapos ang Abril 5, 2002:
Benjaline "Beng" Hernandez. Lumitaw ang pangalang ito
matapos siyang mapatay sa isang liblib na nayon sa Cotabato.
Karugtong ng
kanyang pangalan ang mga katagang karapatang pantao--at siya lamang
na nararapat--sapagkat siya ang Katulong na Pangkalahatang Kalihim
ng Karapatan sa Timog Mindanao, bukod pa sa pagiging Pangalawang
Pangulo ng College Editors Guild of the Philippines sa Mindanao
nang siya'y mapatay.
Bakit siya napatay?
Ayon sa lubhang
kagalang-galang na mga pantas na nagsasalita alang-alang sa militar
na pumaslang sa kanya, siya'y isang kasapi ng New People's Army
na napatay sa isang engkuwentro.
Datapwat ang
kanyang bangkay ay naghuhumiyaw na hindi, hindi siya sa isang sagupaan
pinatay.

Unang-una nang
katibayan nito ay ang kanyang nakataas na mga kamay, na nagpapahiwatig
ng pagpupumilit na ipagsanggalang ang sarili. Duguan at sugatan
ang isa sa mga kamay na ito. Ang kanang bahagi ng kanyang mukha'y
nabutas sa pagkakalusot doon ng punlong tumama sa kanyang leeg.
Ang kaliwang bahagi nito'y warak at hindi butas lamang, katibayang
malinaw pa sa isang basong tubig na ito'y binagsakan, dili kaya'y
pinukpok, ng isang mapurol na bagay. May mga pasa pa sa ibang bahagi
nito, palatandaang siya'y sinadista pa. Sunog sa pulbura ang kanyang
dibdib, na nangangahulugang siya'y binaril nang malapitan.
Ano ang kasalanan
ni Beng at siya'y humantong sa gayon? Wala, wala siyang sala liban
sa ipaglaban ang karapatang pantao. Nang kasumpa-sumpang araw ng
kanyang pagkamatay, siya'y nasa Sitio Bukatol sa Arakan Valley,
nagsasagawa ng pananaliksik ukol sa kalagayan ng mga magbubukid
doon at naghahabol sa pananaliksik ding sinimulan niya noong nakaraang
taon tungkol naman sa Tababa Massacre sa Arakan Valley rin.
Ayon sa mga
saksi, si Beng at tatlo pang kasama ay nasa isang dampa at manananghali
na sana nang biglang magpaputok ang may anim na kasapi ng Civilian
Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa pamumuno ni Sarhento Antonio
Torella.
Ang kasama niyang
si Labaon Sinunday, isang Lumad, ay tumakbo, ngunit nahagip ng punlo
at napatay. Si Beng at ang dalawang natira niyang kasama, sina Crisanto
Andrade at Vivian Amora, ay tumalon mula sa dampa, datapwat naharang
ng mga milisyang CAFGU at ipinagbabalibag sa lupa. Ang mga bangkay
ay natagpuang pawang nakataas ang mga kamay, na tila nagmamakaawa
o ipinagsasanggalang ang mga sarili. Si Amora ay tinamaan ng mga
punlo sa ulo at tiyan at ang kanyang mga bituka' lumuwa. Sabog naman
ang ulo ni Andrade.
At ang nangyari
kay Beng ay alam na natin.
Ipinipilit pa
rin ng mga kapita-pitagang pantas sa Hukbong Sandatahan na si Beng
ay napatay sa isang engkuwentro. Ayon kay Maj. Vic Tomas, Tagapagsalita
ng 701st Infantry Brigade sa Timog Mindanao, si Beng ay napalapit
na sa militar, nagpahayag na ng kanyang pagkadisgusto sa Karapatan,
at upang makaganti, ipinadala siya ng naturang organisasyon sa kabundukan
upang humarap sa tiyak na kamatayan. Idinagdag pa niyang ang Sandatahang
lakas ay sinasanay upang gumalang sa karapatang pantao.
Kung talagang napalapit na si Beng sa militar, bakit siya napatay
sa engkuwentro?
At kung ang
Sandatahang Lakas ay sinasanay upang gumalang sa karapatang pantao,
bakit sinapit ni beng at ng kanyang mga kasama ang kahayupang ginawa
sa kanila ng mga milisyang CAFGU?
Dagdag pa rito,
kung ang Sandatahang Lakas ay sinasanay upang gumalang sa karapatang
pantao, bakit kayraming detenidong pulitikal noong panahon ng batas
militar na nakaranas ng pangunguryente sa bayag, dili kaya'y mapasakan
ng talong na may sili sa puki, o kaya nama'y mapasukan ng posporong
may sindi sa titi?
Kung ang Sandatahang
Lakas ay sinasanay upang gumalang sa karapatang pantao, bakit naganap
ang mga masaker sa Lupao at Mendiola? Kung ang Sandatahang Lakas
ay sinasanay upang gumalang sa karapatang pantao, bakit dinukutan
ng mata at binugbog bago pinatay si Rolando Olalia at bakit binaril
sa mukha si Lean Alejandro?
Pagkahaba-haba
ng kasaysayan ng paglapastangan ng Sandatahang Lakas sa karapatang
pantao. Higit pang kapani-paniwala ang sabing ang bulok na karne
ay mabango kaysa sa sabi ni Maj. Vic Tomas na ang Sandatahang Lakas
ay sinasanay upang gumalang sa karapatang pantao.
Nitong nakaraang
pagtatapos sa Akademya Militar ng Pilipinas, pinuri ng napakagiting
nating Pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo ang ating Sandatahang
Lakas at kanyang inalipusta ang lahat ng kumukundena sa paglabag
nito sa karapatang pantao. Makaraan ang wala pang isang buwan, natagpuan
sa Arakan Valley ang mga bangkay nina Benjaline "Beng"
Hernandez, Crisanto Amora, Vivian Andrade, at Labaon Sinunday na
pawang nagtataglay ng naghuhumiyaw na mga palatandaan ng kasadistahan
ng lubhang matapang na militar na walang nalalamang utasin kundi
ang mga nagsusulong ng kapakanan ng bayang dapat ay kanilang pinaglilingkuran.
Malaki ang salaping
inilalaan ng pamahalaan sa militar. Dalawampu't isang porsiyento
ng kabuuang pambansang gugulin ang inilalaan taun-taon sa militar,
na nahihigitan lamang ng apatnapu't siyam na porsiyentong laan sa
mga panlabas na utang ng kung sinu-sinong Pangulo at hindi naman
pinakinabangan ng bayan. Dahil dito'y kayraming mahihirap na hindi
makapag-aral nang maayos, hindi makapagpagamot nang maayos, at walang
matirhang maayos.
Bilang kabayaran,
tinatapatan nila ng kaimpaktuhan ang mga pangarap ng bayan.
---------------
Si Alex, 24, ay isang manunulat sa IBON Foundation. Sangkot siya
sa mga panlipunan at pampulitikang kampanya, sa lansangan man o
sa Internet.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|