v 13.0
Marso 28, 2002  
Home
About us
Archive
Staff
Links
Downloads
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

 

 

 

 

DULA
Brilyante sa Burak
Ni Alexander Martin Remollino

BRILYANTE SA BURAK

Mga Tauhan:

MINA, babaeng upahan
ENTENG, iang binatang pilay
FR. BOBBY
3 babaeng ang mga asawa'y naging kostumer ni MINA
5 manang sa simbahan
2 lalaking dating kotumer ni MINA
MANG ANDO

UNANG TAGPO

(Tindahan ni MANG ANDO. May angko sa harap ng tindahan, at sa dakong kanan ng bangko'y makikitang nakaupo si ENTENG, sa kaliwang kamay ay hawak ang kanyang saklay at sa kanan nama'y hawak ang isang boteng softdrinks. Sa loob ng tindaha'y makikitang nagbabasa ng magasin si MANG ANDO. Papasok si MINA.)

MINA:
O, Enteng, kumusta?

ENTENG:
'Eto, pilay pa rin. Ikaw, kumusta ka na?

MINA:
(Dadapo sa baywang ang kaliwang kamay.) Nang-aasar ka ba?

ENTENG:
(Banayad, ngunit halatang nasaktan.) Wala naman akong sinabing masama, a.

(Iiling si MANG ANDO, na nakatingin pa rin sa binabasang magasin.)

MINA:
(Kay MANG ANDO.) Isang beer nga d'yan.

(Tatayo si MANG ANDO at kukuha ng isang boteng serbesang iaabot niya kay MINA.)

MINA:
(Kukunin ang serbesa at ibababa ang kamay na nakapamaywang. Iaabot ang pambayad at uupo sa tabi ni ENTENG.) Pasens'ya ka na, Enteng, ha? Talagang ganito lang ako, e.

ENTENG:
(Tutungo.) Ganyan ka na lang ba habambuhay?

(May papasok na tatlong babae.)

BABAE 1:
Hoy, kaladkaring babae! Ang kapal naman ng muk'a mo! Ano, pati pilay, pinapatulan mo na?

MINA:
(Tatayo.) Hoy, 'wag n'yong idamay ang walang kinalaman dito! (Tutunggain ang serbesa.)

BABAE 2:
Aba, 'tong walang'yang 'to! Sasagut-sagot pa!

BABAE 3:
Hoy, Mina, kung ako sa 'yo, di na 'ko magpapakita rito. Dahil sa 'yo, nagkakaloko-loko'ng mga pamilya namin!

MINA:
Hoy, di ako'ng nang-akit sa mga asawa n'yo, 'no! Sila'ng lumalapit sa 'kin!

BABAE 2:
Aba, talagang tarantada ka pala, e! Ano ba'ng gusto mo?

MINA:
(Babasagin ang bote at iuumang ang matalim na bahagi sa tatlong babae.) Kayo, ano ba'ng gusto n'yo? Magkamatayan na tayo rito, okey sa 'kin 'yon!

(Lalayo ang tatlong babae at mawawala sa tanghalan.)

BABAE 1:
(Mula sa malayo.) Di pa tayo tapos, babalikan ka namin!

MINA:
Bumalik kayo nang bumalik hanggang gusto n'yo! (Ihahagis sa lansangan ang bote at dudukot sa kanyang bulsa.) 'Eto'ng bayad sa bote, Mang Ando. (Iaabot kay MANG ANDO ang pambayad at muling mauupo sa tabi ni ENTENG.)

ENTENG:
Ganyan ka na lang ba habambuhay?

MINA:
Hoy, di ko pinapakialaman 'yang pagkapilay mo, kaya 'wag mong papakialaman y'ong pagpuputa ko! (Aalis.)

MANG ANDO:
(Haharap kay ENTENG.) Ba't ba nagt'yat'yaga ka sa kapapangaral d'yan ke Mina? Wala ka naman napapala r'yan, e.

ENTENG:
Meron kasi 'kong nakikita sa kanya na hindi nakikita ng iba.

MANG ANDO:
(Hahalakhak.) Naku, di ka lang pala pilay; me diprens'ya pa'ng mata mo! (Muling hahalakhak.)

(Aalis si Enteng.)

IKALAWANG TAGPO

(Sala ng aksesoryang inuupahan ni ENTENG. Dito'y may sopang kaharap ng isang mesita. Natutulog si ENTENG sa sopa. Maririnig ang malalakas at sunud-sunod na katok sa pinto.)

ENTENG:
(Maaalimpungatan at mabagal na babangon.) Sino ba 'tong b'wisit na 'to? (Kukunin ang saklay at tatayo.) Sandali, sandali!

(Bubuksan ni ENTENG ang pinto at mula sa labas ay babagsak sa sahig si MINA, na pasa-pasa ang mukha at mga bisig.)

ENTENG:
(Pipiliting itayo si MINA.) Ano'ng nangyari sa 'yo? Sino'ng gumawa nito? (Dadalhin si MINA sa sopa at doon iuupo. Mauupo sa tabi ni MINA.)

MINA:
Y'ong kostumer ko, sinadista 'ko! (Iiyak.) Ayoko na, magbabagong-buhay na 'ko!

ENTENG:
(Tatayo.) D'yan ka lang at gagamutin natin 'yang mga pasa mo. (Aalis.)

IKATLONG TAGPO

(Simbahan. Sa dakong kana'y naroon ang altar. Tahimik na nakaupo si MINA habang sa likod iya'y may nag-uusap na apat na babaeng nakaluhod at pawang may suot na iskapularyo at may hawak na rosaryo.)

BABAE 1:
Naku, ewan ko ba, talamak na talaga'ng imoralidad.

BABAE 2:
Oo nga, pati simbahan, pinapasok na ng mga alagad ng d'yablo.

BABAE 3:
(Magkukurus.) Susmaryosep!]
BABAE 4:
Ewan ko ba kung ba't di pa natutunaw 'yan!

BABAE 2:
Ay, mahabaging langit! (Magkukurus.)

(Lalabas si FR. BOBBY mula sa dakong may altar. Lalapitan siya ni MINA.)

MINA:
Father, mangungumpisal po ako.

FR. BOBBY:
(Titingnan mula ulo hanggang paa si MINA. Ngingisi.) Mangungumpisal ka? (Bahagyang tatawa at iiling.)

(Nakatungong lalabas si MINA mula sa simbahan habang nagbubulungan ang apat na babaeng may rosaryo at nakasuot ng iskapularyo.)

IKAAPAT NA TAGPO

(Lansangan. Magkasamang naglalakad sina ENTENG at MINA.)

ENTENG:
(Iiling-iling.) Ginawa nila 'yon? (Titingin kay MINA.)

(Tatango si MINA.)

ENTENG:
'Tang ina nila, para silang mga hindi Krist'yano!

(Masasalubong nila ang dalawang lalaki.)

LALAKI 1:
O, Mina, baka p'wede ka ngayon. Me pera' ko rito.

MINA:
Iba na 'ko nagyon. Nagpapakatino na 'ko.

LALAKI 2:
Hu, pakipot ka pa! (Hihimasin sa baywang si MINA. Sasampalin siya nito.) 'Ba, pumapalag ka na, a! (Hahablutin ang bisig ni MINA.)

MINA:
(Magpupumuglas.) Ano ba, nasasaktan ako!


ENTENG:
'Wag n'yong pilitin ang ayaw sumama sa inyo.

LALAKI 1:
(Duduruin si ENTENG.) Hoy, pilay, 'wag kang makialam dito!

ENTENG:
'Wag n'yo ring pakialaman ang nagpapakatino.

(Itutulak ng LALAKI 1 si ENTENG. Makailan siyang masusuntok bago niya maihampas sa mga bayag ng dalawa ang saklay niya. Mabubuwal at mamimilipit ang dalawang lalaki at dadaluhan ni MINA si ENTENG.)

IKALIMANG TAGPO

(Sala ng aksesoryang inuupahan ni ENTENG. Sa sopa, ginagamot ni MINA ang mga pasa ni ENTENG.)

ENTENG: Aray, dahan-dahan!

MINA:
'Yan, kasi, nakialam ka pa, e pilay ka naman. Sana, hinayaan mo na lang akong mapahamak. Wala naman yatang me gustong magbago ako.

ENTENG:
Meron, Mina-ako.

MINA:
Bibitiwan sa mesita ang mga panggamot at haharap kay ENTENG.) Bakit?

ENTENG:
Nasasaktan ako t'wing nakikita kong hinahayaan mong babuyin ka ng mga lalaki.

MINA:
(Bahagyang iiling.) Pero bakit?

ENTENG:
Mahal kita, Mina-matagal na. Di lang ako magkalakas ng loo na sabihin sa 'yo dahil baka pagtawanan mo lang ako.

MINA:
Talagang katawa-tawa ka. Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa 'kin, sasabihin mong mahal mo 'ko? Sira pala'ng ulo mo, e!

ENTENG:
Kung kasiraan ng ulo ang mahalin ka, talagang sira ang ulo ko. Mahal kita dahil me nakikita 'ko sa 'yong kabutihan ng loob sa kabila ng pagkakaganyan mo.

(Sasapuhin ni MINA ng kanyang mga palad ang mukha niya at siya'y hahagulgol. Hahaplusin ni ENTENG ang kanyang buhok.)

MINA:
(Haharap kay ENTENG, basag ang tinig.) Meron pa palang mga lalaking katulad mo. Lahat ng nakilala kong lalaki-liban sa 'yo, pinaglaruan lang ako. Pagkatapos nilang makuha''g kataan ko, iiwan nila 'ko. Naisip ko, babuyin nila 'ko hanggang gusto nila, pero magbayad sila!

ENTENG:
Wala akong gusto kundi y'ong ikabubuti mo. Kahit 'wag mo nang gantihan ang pagmamahal ko, okey lang; basta makita kitang nasa ayos, masaya na 'ko.

MINA:
(Yayakap kay ENTENG.) Pangako, magbabago na 'ko-para maging karapat-dapat ako sa pagmamahal mo.

(Yayakapin din ni ENTENG si MINA.)

WAKAS

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

SA ISYUNG ITO
Paano Kung si Kristo'y Isa sa Atin?

Ni Alexander Martin Remollino

Ang Pamana ni Abuela
Ni Guerera

Pers Taym
Ni Arianne Angela Solis

Munting Anghel
Ni Tembarom

NATATANGING TAMPOK
Oli Impan
Alberto Florentino's Bio

PITAK
Going from the streets to cyberspace Plunder Watch launches website
By Alfred A. Araya Jr.

DULA
Brilyante Sa Burak
Ni Alexander Martin Remollino

TULA
Holiday in the Slums
By Alexander Martin Remollino

But Your Heart
By Aika Pascual

A Slave to Daylight
By Junkie

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved