v 13.0
Marso 28, 2002  
Home
About us
Archive
Staff
Links
Downloads
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

 

 

 

 

Munting Anghel
Ni Tembarom

Ang aming pagsalunga ay 'di kubli ng gabi,
Haring Araw ang aming saksi.
Walang dapat itago sa madla:
Sa ngalan ng Banal na Doktrina,
Aming babasbasan ang sinumang
Lumihis sa ninanais ng karamihan.

- Mula sa tulang Anghel
Ni Mayo Uno Aurelio L. Martin
Nalathala sa Sidhaya
(Philippine Collegian Literary Folio 1996-97)


KAWANGIS NG mga anghel ang mga bata--kapwa sila larawan ng kapayapaan at kaligayahan. Ang mga anghel ay lukob ng di-magwawakas na kaluwalhatiang dulot ng walang hanggang pagsamba sa Poong Maykapal. Walang humpay naman ang kaligayahan ng mga bata sa ng kanilang daigdig na umiikot lamang sa paglalaro at pagmamahal.

Lamang, samantalang ang mga anghel ay puspos ng karungan ng kalangitan at sanlibutan, ang mga bata nama'y sagisag ng kawalang-malay sa mapapait na katotohanang nagaganap sa daigdig ng mga tao.

Gayunpaman, dahil sa masaklap na kasalukuyang kalagayan ng ating bayan, may mga bata--mga munting anghel--na maagang namumulat at agad na nahuhugot mula sa daigdig ng kanilang pagiging bata.

Tingnan si Ka Aram, na ang totoong pangalan ay hango sa mga katagang education for the future--edukasyon para sa kinabukasan. Sa gulang na labindalawa, isa nang kasapi, ayon sa mga military, ng Bagong Hukbong Bayan. Samantalang ang iba'y naglalaro ng kunwa-kunwariang barilan, kalahok siya si Ka Aram sa isang tunay na digmaan. Pilit na pinahinog ng pagdurusa sa tinatawag niyang "bulok na sistema" ang mura niyang kaisipan.
Nang madakip ng mga kawal ng Republika, nanawagan si Ka Aram sa kanyang mga kasama sa kabundukan: "Ituloy ang laban." Matibay ang kanyang paniniwala sa pangangailang baguhin at baliktarin ang umiiral na kasalukuyang kaayusan.

Ang inosenteng anghel, ngayo'y isa nang anghel ng digmaan. Isang anghel na patuloy na umaakyat at bumababa sa "kabundukang may ikinukubling Maalab na Salita." (Martin)

Subalit sa pag-aalsa, ano ang sagot ng diyos sa palasyo ng Republika? Matagal na niyang sinabi na ang rebelyon ay hindi ipinaghehele kundi dinudurog. Tila kabalintunaan ang ganitong reaksyon sa pag-aalsa ng masa. Masisi ba natin yaong mga nasa nayon na pinili ang marahas na landas tungo sa pagbabago? Hindi kaya mas naramdaman nila ang pagkandili ng pamahalaang mapaghimagsik habang ang gubyernong nasa lunsod ay nagkukumahog sa pagtatanggol sa mga kaibigan ng pinuno nito?
Habang ang mahihirap na kabataan gaya ni Ka Aram ay lublob sa kahirapan, ang kayraming mga anak ng diyos ng Republika ay pawang ginhawa sa kanilang mga mansiyon at ang iba'y nagpapaligsahan pa nga sa atensiyon ng kanilang amang tomador.

Ngunit kakatwa--habang ang ilang bahagi ng masa ay nag-aalsa, ang iba'y patuloy na nakikinig sa magandang balita ng pagkaahon na inilalako ng Palasyo. Ahh, ang opyo. Mabisa pa rin ang opyong bunga ng mga pinagtagni-tagning pangakong binuo sa langit-langitan ng pinilakang tabing. Kahit ang diyos yata'y buong pusong napapaniniwala sa kanyang ilusyon at pangakong Paraiso.

Kaya naman sa halip na kumilos nang naaayon sa katwiran, lalong ipinagpapatuloy ng diyos ang kabalintunaan. Ang mga anghel ng digmaan--kasama ang mga batang kagaya ni Ka Aram--ay nais niyang lupigin at lalong itaboy sa impyernong paghihirap sa ilalim ng kanyang pag-iral. Ayaw niya, at ng kanyang mga kapanalig, na tingnan ang ugat ng paghihimagsik.
Paambon-ambong natatanggap ng iilan at piling mga mapapalad ang pangakong pagkaahon. Walang nagaganap na tunay na pagbabago at nagpapatuloy ang ayon kay Ka Aram ay "bulok na sistema."

Samantala, hindi mapigil na marami pang Ka Aram ang sumibol. Sapagkat hanggat hindi nababaligtad ang tatsulok ng lipunan, marami pang mga inosenteng anghel ang mamumulat sa pait sitwasyong kanilang kinasasadlakan.

Kailan kaya magigising ang diyos ng Republika at ang kanyang mga kapanalig? Matututunan pa kaya nila ang walang kaparis, pantay na pagtingin, at responsableng paghahari gaya ng sistemang ipinapatupad ng Poong Maykapal sa lahat ng mga daigdig?

Sana nga, para man lang sa mga bata, mangyari ang ganito sa malao't madali. Sa gayon, di na maagaw ng digmaan ang kanilang pagkabata. Kung ganoon, ang mga bata ay mananatiling tulad ng mga anghel, palagay sa kanilang mundo ng kawalang malay at kaligayahan.

(Unang nalathala sa Philippine Post sa panahong mamamayagpag pa ang rehimeng Estrada.)

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

SA ISYUNG ITO
Paano Kung si Kristo'y Isa sa Atin?

Ni Alexander Martin Remollino

Ang Pamana ni Abuela
Ni Guerera

Pers Taym
Ni Arianne Angela Solis

Munting Anghel
Ni Tembarom

NATATANGING TAMPOK
Oli Impan
Alberto Florentino's Bio

PITAK
Going from the streets to cyberspace Plunder Watch launches website
By Alfred A. Araya Jr.

DULA
Brilyante Sa Burak
Ni Alexander Martin Remollino

TULA
Holiday in the Slums
By Alexander Martin Remollino

But Your Heart
By Aika Pascual

A Slave to Daylight
By Junkie

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved