Ang
Pamana ni Abuela
Ni Guerera
HALOS ARAW-ARAW,
nakikita ko siya dun sa sulok na iyon. Sa sulok ng isang botika
kung saan labas-masok ang mga taong minsan ay pansinin siya at minsan
ay layuan at pandirihan. Suot ang sira-sirang daster at saya, kipkip
ang gulagulanit na bayong. Ang mga sinelas na waring mapipigtas
sa ano mang oras na siya ay humakbang.
Mga sitenta
hanggang otsenta ang sapantaha kong edad niya. Wala na ni isang
itim na hibla sa kanyang nakapusod na buhok. Bahagya nang pakuba
ang kanyang likod, na marahil dala ng kahirapan.
Sa tuwing makikita
ko ang matandang iyon, parang pinipiga ang aking puso.
Nagtatanong ako sa aking sarili kung bakit pinabayaan siya ng kanyang
mga anak na nararapat sanang nag-aaruga sa kanya. Di ko naman sya
kinakausap, tinitingnan ko lamang ang kanyang mukha na kumulubot
na ang balat sa paglipas ng panahon. Ang mga matang dati'y puno
ng saya, ngayon ay bakas ang lungkot at dalamhati. Mga labing sinisilayan
ng ngiti na ngayon ay di man lamang kumibot para makabakas ng kasiyahan.
Di ako makatagal sa pagkakatingin. Tutulo ang aking luha. Hindi
ko siya kaano-ano ngunit malakas ang lukso ng pagkaawa. Naaalala
ko tuloy ang mga araw ko sa piling ng aking Lola.
Lumaki ako sa
piling ng aking mga Lola, wala nang kinagisnang mga Lolo.
Naaalala ko pa noon kung paano akong alagaan ng aking Abuela. Kapag
sinumpong ng baltik at pagkapilya, kahit mali ako at dapat paluin,
kakampi ko si Lola. Minsan nga, naghabulan pa sila ng aking Tatay.
Pinalo ako noon dahil kinati ako ng paglalaro ng holen, kababaeng
tao ko raw, larong lalaki ang aking kinahihiligan. Di lamang yun,
nakalupasay pa daw ako sa lupa. Lumatay ang hampas ng sinelas sa
aking hita, nakita ni Lola. Galit nyang sinugod ang aking amang
nagulat. Katawa-tawa ang labas nilang dalawa, mahiya mo isang binatilyo
pa ang aking ama na may ginawang kabulastugan, habol-habol ni Lola
Tarneng na may nakahambang tambo.
Sa tuwing magkakasakit
ako, palaging may Mirinda at biskwit na bigay ang Lola. Minsan,
kapag sinipag syang manungkit, may kaimito pang kasama yun.
Para kong ina,
hindi rin natutulog hanggang hindi bumababa ang aking lagnat. Kahit
saang lakad, bitbit niya ako. May pagmamalaking ipinapakilala, "ito
ang aking apo, ang mabait kong apo."
Tampulan ako
ng tukso noon. Kahit hanggang magdalaga na, "Lola's girl"
pa rin ang taguri sa akin ng aking mga pinsan. Kahit nga mga tiyahin
ko, halatang selos sa buhos na atensyon na ibinibigay ng Lola Tarneng
ko.
Lumaki ako at
nagka-isip na dala ang gabay at aral ng Lola. Nang magkolehiyo na
ako, ang kapatid ng aking Tatay ang kumupkop sa kanya. Di ko siya
madalas makita dahil may kalayuan ang lugar kung saan sya nakatira.
Isang araw,
pagbisita ko, di na nya ako makilala. Dala na siguro ng katandaan,
bumalik siya sa pagkabata. Di na matatas magsalita, di na rin makalakad.
Nais kong paglingkuran si Lola, ngunit ang panahon ang naging sagabal
sa pagnanais ko. Kailangan kong pumasok sa eskwelahan para makatapos.
Ibibigay ko
kay Lola ang diploma ko. Kagaya ng pagbibigay niya ng kanyang mga
natatagong hiyas na kanyang naipon. Kay Lola ko ipapakita ang transcript
ko na may kaaya-ayang mga marka. Kahit na "spoiled" ako,
sabi nila, ang mga disiplinang itinimo ni Lola sa aking isipan ay
higit sa gradong aking nakuha.
Isang araw,
pagkagaling ko sa eskwelahan, sinundo ako ng Tatay, papasyal daw
kami kay Lola.
Excited ako,
magdadala ako ng juice saka biskwit na paborito niya. Tanda ko kung
paano niya imustra na ganun ang gusto niyang kainin. Dadalhan ko
na rin ng mangga. Natutuwa akong makita sya kapag nilalagyan ng
pang-adornong hiwa ang bahagi ng pisngi ng mangga bago niya ito
kainin.
Nanlamig ang
buo kong katawan nang makita ko si Lola, sa isang puting higaang
may salamin. Suot ang paborito niyang saya. Di ko na siya makausap,
di ko na mahawakan, di ko na mayakap. Pakiramdam ko, wala akong
kwenta ng mga panahon na iyon. Wala ako sa tabi ng aking pinakamamahal
na Lola nang siya'y panawan ng hininga. Hininga na siyang madalas
na magugugol sa aking tabi. Umalis na Lola ko. Di niya ako isinama.
Iniwan niya
ang munting pag-aaring sa akin nakapangalan. Ultimo mga magagandang
daster na kanyang naiwan ay sa akin ipinabigay. Maraming pinsan
at tiyahin ang nagnais na makatanggap ng mana ni Lola. Sa akin,
wala akong paki-alam sa mga bagay na iyon. Mas mahalaga ang aking
Abuela higit sa lahat. Ang pag-aaruga niya at pagkalinga sa akin
na sana'y aking nasuklian ay hindi ko nagawa. Kagandahan ng kalooban
at pagtulong sa kapwa ang kanyang ipinamana sa akin. Sa kanila na
ang mga alahas na iyon, ang ala-ala ng lola ko ang aking dadalhin.
Sampung brilyantes man ay hindi iyon mahihigtan.
Umuulan nang
ako'y bumaba sa jeep na aking kinalululalan. Pasado alas otso na,
malapit nang magsara ang botika. Di ko inaasahan na naroon pa rin
ang matandang pulubi. Lumapit ako sa kinaroroonan niya. Nagbibilang
ang kanyang mga nanginginig na kamay ng mamisong marahil ay napaglimusan
nya sa buong maghapon. Tumigil siya sa pagkukwenta nang makitang
parating ako.
Nginitian ko
siya at saka tinanong, "Kumain na po ba kayo?". Nakita
ko ang pagliwanag ng kanyang mga mata, sabay sabing "Hindi
pa nga ineng eh".. sa nanginginig din niyang tinig. "Hali
ho kayo, dun tayo sa kainan magbilang ng pera ninyo". Sa unang
pagkakataon, sumilay ang kiming ngiti sa kanyang mga papas na labi.
"Nakakahiya naman sa iyo ineng". "Wala po iyon, gabi
na, hindi na po dapat sa katulad ninyo ang may edad na nagpapalipas
ng gutom at nagpapaulan", tugon ko sa kanya.
Tumitig muna
siya na wari'y naninimbang kung siya ay sasama. Sa huli'y kinuha
niya ang nakalahad kong palad. Binuksan ko ang aking payong at marahan
kaming naglakad patungo sa kainan.
Wala akong paki-alam
kung ako'y pinagtitinginan ng mga tao. Di ko pansin kung ano man
ang kanilang sinasabi. Basta sa aking puso at isip, nakatulong ako.
Nakatulong ako kay Lola...
-----------------
Si Guerera, 24, taga-Laguna, ay laging tumatambay sa Rebelde.com.
Mahilig siyang magsulat, umawit at magpatugtog ng piano.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|