v 12.0
Marso 17 , 2002  

Home
About us
Archive
Staff
Links
Downloads
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

E-mail us to contribute articles, pictures, or art works for the next issue of Tinig.com


 

 

 

 

 

MAIKLING KUWENTO
Anibersaryo
Ni Vladimeir B. Gonzales


THROUGH THE years… you've never let me down… you turned my life around… the sweetest things I found… I found in you…

Okey 'tong videoke mo, pare! Ito talaga ang gustung-gusto naming kantahin ni Sonya. Palagay ko kakanta kaagad iyon pag-uwi niya. Sayang nga e, kasi ibebenta ko 'tong VHS player namin, medyo kinakapos kasi kami ngayon. Ikaw pare, gusto mo ba ng VHS? May discount pag ikaw ang kumuha. Ano, pare, gusto mo, kukunin mo ba, ha pare, kukunin mo na, ha?

Tang-ina talaga 'tong sina Melo't Jake, nakatulog na. Uminom pa kasi kina Mang Ike bago tumuloy dito. Kamusta ka na pala? Kailan ba ang balik mo sa Saudi? Balita ko'y na-promote raw si Roger doon a. Ikaw, ano na ba ang puwesto mo? Naging secretary ka na rin ba? Ang bilis talaga ng panahon, ano? Two years pa lang ako nawawala, ang dami nang nangyari. Pero di bale, masaya naman ako dito , kasama ni Sonya at ni Paul. Okey na kami dito.

O, ano pare, kainin mo na iyan! Niluto talaga ni Sonya iyan para sa inyo. Mukhang nakakasuka lang, pero masarap rin iyan, nakuha niya sa lata ng tomato sauce. Sige na, kainin mo na!

Ang tagal naman ni Sonya! Malamang nasa SM iyon, nagbibingo, o kaya'y naggo-grocery. Anniversary kasi namin ngayon. Twenty years, parang kailan lang.

Gusto kong mag-swimming sa balong malalim…

Naaalala mo pa ba ang rocker days natin? Ewan ko sa iyo, pero para sa akin yun ang pinakamasayang parte ng buhay ko. Di ba pinsan mo pa nga, si Bert nga ba yun, 'di ba siya ang nagpakilala kay Sonya sa akin? Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na iyon. Lagi ko pa ngang nakikita ang berdeng bell-bottom pants at Beegees na t-shirt ni Sonya pag nananaginip ako. Yung love at first sight namin, at saka yung dyugdyugan at first sight, puta--unforgettable! Sa backstage, doon namin inenjoy ang isa't isa. Sumilip ka pa nga noon, 'di ba? Wild days talaga ang mga araw na iyon. Hinding-hindi ko iyon malilimutan.

Ako ang nakikita, ako ang nasisisi, ako ang laging may kasalanan…

Ang hirap din ng kalagayan natin noon, ano? Kung hindi inom, syrup saka tsongki naman ang pinagdidiskitahan natin! Ikaw ba pare, sinasabi mo sa asawa mong nagdudurog ka dati? Ikaw kasi, dapat si Beth na lang ang pinakasalan mo. Bukod sa patay na patay sa iyo iyon ay pareho pa kayo ng nilakihang mundo. Pero suwerte ka na rin diyan kay Lizette, mukhang hindi ka naman iiwanan niyan. Tang-ina, ang tagal naman dumating ni Sonya! Siguro namumuro na sa bingo iyon.

Ah, ah, ah, ah, staying alive! Staying alive!..

Ang hirap bumuhay ng pamilya ngayon! Masyadong maraming gastusin. Kaya ikaw, pare, huwag muna kayong bumuo ng bata ni Lizette. Kung gusto ninyo'y isa lang muna. Ipunin mo lang nang husto ang kinikita mo sa Saudi, para paglaki ng magiging anak mo'y hindi na kayo mahihirapan. Gusto mo bang bumili ng education plan? Tapos na kasi naming bayaran ni Sonya ang plano para kay Paul, e medyo mukhang made-delay ng pasok sa kolehiyo 'tong anak ko dahil uulit na naman ng fourth year. Mana kasi sa tatay, e. Ako nga, walong taon sa hayskul. Kaya nga hindi na ako nagbalak mag-college. Alam ko namang hindi rin ako papasa, bakit pa ako mag-aaksaya ng pagod at pera? Pero sinabi ko na sa iyo yun, 'di ba? Tsk! Manang-mana talaga sa akin ang anak ko.

Ang ganda ng bahay namin, 'no? Kaya lang ay hindi pa tapos ang sala at terrace. Sinipa ko kasi yung dati naming arkitekto. Tang-ina, gago talaga yung arkitektong iyon!

Our house in the middle of the street…Our house…

Sabi ko na nga ba, hindi magiging maganda ang pagdating ng arkitektong iyon. Kamag-anak ko pa kasi ang nagrekomenda sa Raul na iyon, kaya tinanggap ko na rin kahit na masama ang kutob ko. Lahat daw ng trabaho, nagagawa niya. Lahat daw ng butas na puwedeng pasukin, papasukin daw niya para matapos ang trabaho at mapasaya ang kanyang mga kliyente. Hindi ko naman alam na gago pala ang letseng iyon. Dinalhan ko pa man din ng regalo noong pinakahuling uwi ko galing sa Saudi. Binilin pa ni Sonya yun, sumbrerong Nike at sigarilyo raw ang gusto ni Raul. Sayang. Pero hindi na bale, maghahanap na lang ako ng bagong arkitekto. Ako na lang ang maghahanap.

Pasensya ka na pare. Masyado na yata akong dumadaldal. Wala naman kasi akong ibang makakausap dito. 'Tong sina Melo't Jake, inom at batak lang ang pinupunta nila dito. Kapag wala akong karga, 'di naman nagpupunta ang dalawang iyan. Si Paul naman, abala rin sa girlfriend niya't barkada. Bente anyos pa lang kasi, masyado pang bata. Dapat siyang mag-enjoy sa buhay. Dapat hindi ko na siya sabihan ng kung anu-ano. Si Sonya? Ewan ko.

She's got a devil in her heart…and her eyes, they tell a lie…

Ayos talaga 'tong videoke mo, pare! Mga favorite songs ko ang nandito. Siguro, nakatago pa rin ang drum set mo sa bahay n'yo. Ako, binenta ko na yung gitara ko, yung acoustic saka electric. Sumama nga ang loob ni Paul, kasi ginagamit niya rin ang mga iyon. Mahigpit kasi ang barangay ngayon, mahirap magbenta ng, alam mo na. Dumarami na raw ang adik dito sa subdivision, kailangang hulihin ang source, e tang-ina, ako yun! Lie-low muna ako, pare. Si Sonya naman ay wala ring alam sa trabaho, pero hindi ko siya sinisisi, hindi ako galit sa kanya. Mahal ko naman siya, mahal ko ang pamilya ko. Mahirap nang magsimula ng ibang pamilya 'di ba? Matanda na tayo, pare. Hindi na tayo puwedeng magloko. Hindi na puwede, hindi dapat.

Our house in the middle of the street…

O, bakit nagdoble ang kanta dito? Ikaw, pare, ayaw mo bang kumanta? Sige na, minsan na nga lang tayo magkita, tapos hindi pa tayo magsasaya. Baka sa isang buwan, wala na 'tong VHS. Malamang, pati bahay ko mawala na rin, baka ibenta ko na. Hindi kasi maganda ang ginawa ng Raul na iyon. Ang pangit ng ginawa niya. Kitang-kita ko ang kapangitan. Huling-huli ko. Ewan ko ba kung bakit siya pa ang kinuha ni Sonyang mag-arkitekto sa bahay namin. Gustung-gusto siya ni Sonya, kaya heto, nasayang tuloy ang pinagpawisan ko sa Saudi. Pero hindi naman ako galit, pare. Mahal ko si Sonya. Mahal ko ang pamilya ko.

Sorry, pare. Nakukulitan ka na ba sa akin? Wala kasing makausap dito. Pagtatawanan lang ako ng magulang ko kung sa kanila ako pupunta. Hindi ko na nga alam kung saan ako dapat tumakbo. Trabaho, mahirap ding maghanap. Mga college graduate nga nahihirapan, ako pa kaya? Tama na siguro yung suma-sideline sa pagtitinda ng mabababatak. Ang kulit ko 'no? Lasing na rin siguro ako. Nakukulitan ka na ba, pare? Ang kulit ko 'no?

Like a bridge over troubled waters…

Alam mo pare, minsan nga'y naiinggit ako sa iyo. Maganda ang trabaho mo, ang buhay mo, lahat okey sa iyo. Hindi kayo mahihirapan ng asawa mo. Okey lang na medyo nahuli ka sa pag-aasawa, wala namang masama doon. Marunong ba sa gawaing-bahay si Lizette? Alam mo naman si Sonya, magsaing lang naiiyak na. Palagay ko naman ay hindi naman bobo sa bahay ang asawa mo. Magiging masaya kayo. Basta pare, huwag sana kayong magsisi balang araw. Panindigan n'yo na lang pare. Walang atrasan. Walang sisihan.

I don't wanna talk about it, how you broke my heart…

Kapag nalulungkot ako, dinadaan ko na lang sa tulog. Alam ko kasing magkikita naman kami ni Sonya sa panaginip. Suot pa rin niya ang berdeng bell-bottom at ang t-shirt niyang beegees. Suot ko naman ang aking paboritong leather jacket at dala-dala ko pa ang electric guitar ko. Hinaharana ko siya, pagkatapos ay magdudyugdyugan kami, katulad ng una naming pagkikita. Love at first sight. Ang sarap ng pakiramdam. Ang sarap managinip. Kaya lang paano ka mananaginip kung hindi ka makatulog? Batak kasi nang batak dito. Ewan ko ba pare, naguguluhan ako.

Through the years… you've never let me down… you turned my life around…

Our house in the middle of the street…

Pare, umuulit pala 'tong videoke mo. Sayang, magaganda pa naman ang kanta. Nasaan na kaya si Sonya? Si Paul kaya, anong oras uuwi? Ang ganda ng bahay namin ano? Kaya lang kulang pa ang terrace saka ang sala, maghahanap pa ako ng bagong arkitekto. Gagong arkitekto yun! Si Sonya kaya, nasaan na? Pasensya ka na, pare, lasing na yata talaga ako. Magulo na ang isip ko. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Hindi naman ako galit kay Sonya, mahal ko ang pamilya ko. Gusto mong bumili ng VHS? Sorry, pare. Mababaliw na yata ako. Anniversary kasi namin ngayon. Twenty years, parang kailan lang.

Pasensya ka na pare. Siguro, matutulog na rin ako. Saka na lang tayo magkuwentuhan pagdating ni Sonya. Magpapahinga na rin muna ako. Pasensya na talaga pare. Pasensya na.

…and I'm so glad I stayed…right here with you…through the years…

---------------
Ipinagdarasal ni Vlad ang katiwasayan at tagumpay ng mga bago at lumang relasyon kahit ngayong nakalipas na ang Araw ng mga Puso.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

PANGULONG TUDLING
Pagtatanggol sa Punong Mahistrado

SA ISYUNG ITO
To an Unborn Child
By
Samantha

Usapang Puki
By James Nicolay

Tongue-tied: Centers, Margins, and Their Filipino Tongues
By Dennis Aguinaldo

War Against Terror?
By Alexander Martin Remollino

Thoughts on the Bonifacio Monument
By Francis Acero

Sometimes, That Thing is Just Isn't What It's Cracked Up to Be
By Gilbert Trillana

Munting Pangarap
Ni Rodel Mayores

And We Say NO!
By Liza B. Lamis

Sa Unos ng Nagdaan
Ni Guerera

PITAK
Ateneo Students, Faculty Protest Ban of ‘The Vagina Monologues’
By Alfred A. Araya Jr.

BAYANI
Emanuel Lacaba. Poet. Warrior. Martyr.
By Lisa Cariño Ito
Sa Alaala ni Eman Lacaba
Ni Alexander Martin Remollino

NATATANGING TAMPOK
A Walk at Midnight With Mohandas Gandhi
Ni Alberto Florentino
Alberto Florentino's Bio

MAIKLING KUWENTO
Anibersaryo
Ni Vladimeir B. Gonzales

TULA
Ayaw Ko Nang Manungkit ng Tala
Okay Lang Ako
Opinyon Lang Pare Ko


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved