Munting
Pangarap
Ni Rodel Mayores
"AKO'Y
MUNTING tinig, may munting pangarap..."
Isa ito sa mga
linya ng paborito kong awitin nong nasa elementarya pa lamang ako.
Natatandaan ko noon kung panong kaming lahat ay pawang laging nadadala
ng mensahe ng naturang awitin.
Nakasaad sa
kantang ito ang mensaheng kahit sa murang edad pa lamang ng isang
tao ay pwede nang humabi ng isang simpleng pangarap. Itinututo rin
nito ang kasimplehan ng buhay at ang kalayaang mangarap.
Ahhh! Ilan na
rin bang pangarap ang hinabi ko? Di ko na mabilang kung ilang New
Year's resolution na ang nagawa ko na pawang "ningas kugon"
lamang lahat. May mangilan-ngilan na din namang ang natupad ngunit
kung pagsasama-samahin at susuriin, masasabi nating bigo ako sa
aking
"resolution".
Ngayon bagong
taon na naman, natutukso na naman akong humawak ng papel at ballpen
at muling isulat ang mga naisin ko; ang mga pangarap ko, at ang
magiging direksyon ng buhay ko sa loob ng mga taong darating.
Subalit nagtatalo
ang isip ko. Alam kong sa malao't madali ay madadag-dagan na naman
ang bilang ng aking mga bigong pangarap.
Marahil ay iisipin
ninyo na masyadong mataas ang pangarap ko. Pero hindi. Napakasimple
lang ng pangarap ko. Alam kong halos lahat tayo ay nangarap nito.
Ito ay ang mamuhay nang simple, tahimik at sapat sa pangangailangan.
Madaling sabihin, ngunit mahirap gawin.
Sa dami ng problema
at krisis na kinakaharap ng ating lipunan, ang salitang "simple,
tahimik at sapat" ay nagiging isang matayog na pangarap. Paano
bang mamuhay nang simple pag ang tao sa paligid mo ay walang trabaho,
naghihikahos at dumadaing sa kahirapan ng buhay? Paano bang mamuhay
nang tahimik kapag ang mga nakapaligid sa iyong mga balita ay puro
krimen at di pagkakaunawaan ng iba't ibang grupo sa ating bansa?
Paano bang mamuhay nang sapat sa pangangailangan kung ultimong ang
sweldo ng mga paris kong mangagagawa ay kulang pa sa aming pang-araw-araw
na pangangailangan?
Ahhh! Kung iiwasan
lang sana ng mga lider natin ang labis na pamumulitika. Kung iiwasan
lang sana natin ang pagkakawatak-watak at kung itatanim lang sana
natin sa ating isip na tayo'y mga Pilipino. Walang Muslim o Kristyano,
walang mayaman o mahirap. Kung isasa-isantabi lang sana natin ang
ating mga personal na layunin. Kung magtutulong-tulong lang sana
tayo sa pagbangon ng ating ekonomiya maaaring maiwasan natin ang
labis na kahirapan at mga problema nating pang-ekonomiya.
Ngunit gaya
ng mensahe ng kanta, malaya tayong mangarap, malaya nating maiguguhit
ang isang lipunang tahimik at payapa, at malaya nating mailuluklok
ang isang pamahalaang tumutugon nang sapat sa pangangailangan ng
mga mamamayan. Gaya nga ng kasabihang "habang may buhay may
pag-asa", patuloy
tayong umasa lakip ang dalangin na tayong gabayan ng Nasa Itaas.
---------------------
Si Rodel Mayores ay dating punong patnugot ng MSCians, opisyal na
pahayagan ng mga mag-aaral ng Marinduque State College.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|