v 12.0
Marso 17 , 2002  

Home
About us
Archive
Staff
Links
Downloads
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

E-mail us to contribute articles, pictures, or art works for the next issue of Tinig.com


 

 

 

 

 

Sa Unos ng Nakaraan
Ni Guerera

NAKATITIG AKO sa kawalan, di alintana ang munting agos ng tubig mula sa basa kong buhok patungo sa aking likuran. Manhid na sa lamig ng ihip ng hangin na siyang unti-unting nagpapatuyo ng aking babad na saplot.

Patila na ang patak ng mga tubig na kanina'y animo mga malalaking butil ng dIamanteng may igting ang dampi sa aking ulo at katawan. Tahimik na ang paligid.

Sa pagliwanag ng kalangitan, saka ko napuna ang aking mga paang walang panyapak na nakatuntong sa malambot na lupang may lusak. Ilang saglit, sandali o oras akong naroon sa gitna ng ulan? Mula sa kasagsagan hanggang sa tumahimik na tila isang batang nabigyan ng kanyang ibig mula sa mahabang pagmamanya.

Tapos na ang unos. Hindi ako nabuwal na tulad ng isang kubong giray na kulang sa gabay. Ngunit ako ay hindi isang kubong yari sa pawid. Isa akong nilalang na walang kalasag mula sa mga elemento ng kapighatian. Wala ang mga kawayang tungkod na dapat sana'y siyang magpapatatag sa akin. Wala akong makapitan. Walang naging gabay.

Kaparis ng nakabibinging tunog ng kulog at nakapangingilabot na talim ng kidlat--ganito kasidhi ang sakit na nadarama ng aking kalooban. Nakabibinging sigaw ng aking damdamin at walang kasing hapdi na sugat na gumuguhit sa aking puso. Kanino ko sasabihin? Walang sino mang makauunawa. Hindi ko napuna ang paglapit ng makapal na ulap. Niyapos ko ang mga makapal at puting ulap na akala ko'y pansamantalang hahabong sa mainit na araw. Inakala kong isa itong mainam na kalasag upang hindi mapaso ang aking balat sa aking malayang pagliliwaliw. Tumakip sa baha-bahagyang panig ng aking bughaw na langit. Hindi ko batid na nakakubli sa loob ng mga puting ulap na iyon ang maiitim na ulap-ulan. Dahan-dahan sa paglabas hanggang sa tuluyan nitong malambungan ang dati'y maaliwalas na alapaap na aking nakagisnan.

Hindi ako nakapaghanda. Alam ko na may unos ngunit sige at patuloy pa rin ako sa pakikipaglaro. Habol ang mga ibon. Kaulayaw ang mga paru-paro. Nasanay sa masuyong tamis ng panghahalina ng buhay.

Unang palatandaan ng sigwa. Ang mga puno sa aking paligid na dati'y tahimik na nakatingala sa langit at ang mga palad at bisig na naghahandog ng lilim ay waring mabubuwal. Wala na rin ang mga talulot ng samut-saring kulay ng mga bulaklak. Ang dating banayad na samyo ng malamig na hangin ay mayroong pagalit na bulong, may diin. Inilipad ang aking bandana, ang aking puting bandana. Ang bandanang sinabi kong pananatilihin ko sa aking
kilik.

Animo isang halimaw ang siyang tumambad sa aking harapan, ang nakangising mukha ng unos. Wala akong ideya kung gaano kalaki ang halimaw na iyon, nais kong tumakbo nais kong tumakas. Ngunit ang aking mga paa'y nanatiling nakapako sa aking kinatatayuan. Nilulon niya ako ng buo. Wala akong makita.

Nabalot pasumandali ang aking mundo sa karimlan. Ang liwanag ng araw na aking iniiwasan ay hindi ko maapuhap. Nagpapatangay na ba ako sa ipo-ipo ng kamunduhan? Wala ni isang kaluluwa akong kasama sa aking pag-iisa.

Ang isang saglit ay lubhang kay tagal. Malamig ang hagupit ng hangin ngunit bakit ako ay nadarang at ngayon ay napaso? Nalimutan kong may kakayahan pala ang hangin na magpaliyab ng apoy.

Narito ako ngayon, matapos ang nakababaliw na pagkapinsala. Ako na lamang ang natitirang nakatayo. Wala na ang mga puno sa aking paligid. Naglaho ang mga paruparo at mga ibon na aking kasiping sa pagsasaya. Ang mga bulaklak ay lunod sa tubig at pigtas na sa kani-kanilang mga tangkay. Isang lupang walang silbi ang aking kinatatayuan. Madumi, malusak.

Ang ambon ang aking panakip. Nais kong itago ang aking luha. Luha ng pagsisisi. Ang lahat ng ito'y sanhi ng aking pagkakamali. Wala akong sisisihin. Sapagkat hindi ako nanlaban. Ang aking mapagtiwalang puso ay natangay sa nakakakiliting pagyakap ng paikot na hangin. Nadala sa pagbabalatkayo ng puting ulap.

May bukas pa bang nakalaan sa akin? Paano ko uumpisahan ang paghahawan sa mga kalat ng nagdaan?

Isang munting pipit ang lumipad patungo sa akin at pagdaka'y bumulong. Ako'y kanyang sasamahan. Munti man daw siya, ang kanyang awit ang sa akin ay magpapasaya.

Sa dako pa roon, kiming sumilay muli ang araw.

---------------
Si Guerera, 24, taga-Laguna, ay laging tumatambay sa Rebelde.com. Mahilig siyang magsulat, umawit at magpatugtog ng piano.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

PANGULONG TUDLING
Pagtatanggol sa Punong Mahistrado

SA ISYUNG ITO
To an Unborn Child
By
Samantha

Usapang Puki
By James Nicolay

Tongue-tied: Centers, Margins, and Their Filipino Tongues
By Dennis Aguinaldo

War Against Terror?
By Alexander Martin Remollino

Thoughts on the Bonifacio Monument
By Francis Acero

Sometimes, That Thing is Just Isn't What It's Cracked Up to Be
By Gilbert Trillana

Munting Pangarap
Ni Rodel Mayores

And We Say NO!
By Liza B. Lamis

Sa Unos ng Nagdaan
Ni Guerera

PITAK
Ateneo Students, Faculty Protest Ban of ‘The Vagina Monologues’
By Alfred A. Araya Jr.

BAYANI
Emanuel Lacaba. Poet. Warrior. Martyr.
By Lisa Cariño Ito
Sa Alaala ni Eman Lacaba
Ni Alexander Martin Remollino

NATATANGING TAMPOK
A Walk at Midnight With Mohandas Gandhi
Ni Alberto Florentino
Alberto Florentino's Bio

MAIKLING KUWENTO
Anibersaryo
Ni Vladimeir B. Gonzales

TULA
Ayaw Ko Nang Manungkit ng Tala
Okay Lang Ako
Opinyon Lang Pare Ko


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved