v 12.0
Marso 17 , 2002  

Home
About us
Archive
Staff
Links
Downloads
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

E-mail us to contribute articles, pictures, or art works for the next issue of Tinig.com


 

 

 

 

 

PANGULONG TUDLING
Pagtatanggol sa Punong Mahistrado

KATULAD NG iba pang sangay ng pamahalaan, ang hudikatura ay madalas na nababatikos ng pabatiran at ng mga mamamayang may malasakit sa bayan. Kadalasang ibinabato sa sa hudikatura ang mga puna hinggil sa katiwalian o kahangalan ng maraming hukom, dili kaya'y sa kakapaghalo ng dalawang katangiang ito sa marami-raming hukom.

Bilang bahagi ng hudikatura, ang Kataastaasang Hukuman ay di rin ligtas sa ganitong mga pagtuligsa. Ang Kataastaasang Hukuman naman kasi'y nakagawa na rin ng marami-raming kapalpakan, kundi man tahasang katarantaduhan. Ngunit ang mga pagpuna sa Kataastasang Hukuman ay nakatuon dito bilang isang institusyon, at kung mayroon mang pagpitik sa partikular na mga mahistrado nito ay bibihira lamang.

Kamakailan, ang bihira ay naging walang patumangga, ang patak ay naging buhos, ang ambon ay naging bagyo. At ang binagyo ay dili iba kundi ang Punong Mahistrado, si Hilario Davide, Jr. Ang bagyo'y nanggaling sa kamay ng pinatalsik na Pangulong Joseph "Erap" Ejercito Estrada, na ngayo'y nasasakdal sa salang pandarambong at iba pang mga kaso.

Si Punong Mahistradong Davide raw, ayon sa lubhang kapani-paniwalang pantas na si Erap, ay napaluklok sa kanyang katungkulan dahil sa pagpupumilit ng negosyanteng si Lucio Tan. Noon pa man daw na nililitis si Erap sa Senado ay kumiling na sa panig ng tagausig si Davide--bagay na halata raw sa pananahimik nito nang lumayas ang mga tagausig matapos na mahadlangan ang pagbubukas ng ikalawang sobre, at nakipagsabwatan daw ito sa malalaking tao upang upang siya'y pabagsakin.

Sino itong taong binabato ng ganito katitinding paratang?

Si Hilario Davide, Jr. ay isinilang sa isang maliit na bahay sa isang nayon sa Cebu. Nakatapos siya ng abogasya at naging isang abogado sa pamamagitan ng sariling talino at pagsisikap. Bagama't sandali siyang naging assemblyman noong panahon ng diktaduryang Marcos, hindi siya nag-asal-buwitring katulad ng karamihan sa mga opisyal ng naturang rehimen. Ni sa kanyang mahaba nang panununungkulan sa hudikatura ay hindi siya yumaman sa pamamagitan ng pagsasalaula sa batas at katarungan. Ang kanyang kawalan ng anumang bahid ng katiwalian ay makikita sa hindi niya paggamit ng lubhang mamahaling sasakyan sa kabila ng kanyang pagiging pinakamataas na ngayong opisyal ng hudikatura.

Sa yugtong ito'y nararapat na nating itanong kay Erap kung saang imburnal ng kaululan niya pinulot sa pamamagitan ng kanyang bunganga ang kanyang mga paratang kay Davide.

Kung ipinaparatang ni Erap kay Davide ang pagpupumilit ni Tan na ito ang gawing Punong Mahistrado, hindi ba't si Tan ay nanatili sa pagiging isa sa pinakamasusugid na tagahimod ng kanyang puwit, at kailan na lamang niya nakaaaway, nitong matagal-tagal nang nanununungkulan ang humalili sa kanya, ang butihin at sakdal ng talinong si Gloria Macapagal-Arroyo?

Sa kabila nito'y tumaliwas si Davide noong Enero 20, 2001 sa kagustuhan ng mga maka-Erap--kung kanino isa sa mga nangunguna noon si Tan--sa pamamagitan ng kanyang pagpapapasumpa kay Macapagal bilang pangulo.

At hindi ba't noong nililitis si Erap sa Senado'y pinagbigyan ni Davide ang magkabilang panig? Ang magsabing sa gayo'y naging makiling ang Punong Mahistrado ay siyang pinakamatalinong tao sa kasaysayan ng sangkatauhan.

Tungkol naman sa pananahimik ni Davide nang lumayas ang lupon ng mga taga-usig mula sa Senado noong kasumpa-sumpang gabi ng Enero 16, 2001, iyo'y isang tanda ng kanyang talino at pagpapahalagang labis sa katarungan. Nabatid niyang ang hangad ng nakararami sa Senado noon ay hadlangan ang pagbibilad ng katibayang makapagbibigay-daan sa makatarungang pagpapasya. Natalos niyang dahil dito'y tiyak nang hindi magbubunga ng katarungan ang paglilitis na yaon at samakatuwid ay nawalan na ng katuturan. Ano pa nga ang saysay ng siya'y magsalita sa gayong kalagayan? Alam ni Davide na masasayang lamang ang kanyang laway at panahon kung siya'y magsasalita pa noon, kaya't pinili niya ang manahimik na lamang.

Mula rito, ang isiping si Hilario Davide, Jr. ay isang uri ng taong makikipagsabwatan sa sinuman upang pabagsakin nang kung paa-paano na lamang ang isang pinunong may moral at ligal na dahilan upang manatili sa katungkulan ay isang kabaliwang higit pa sa pinapagsama-samang kabaliwan ng lahat ng mga pasyente sa National Center for Mental Health.

Ang ginawa ni Davide sa EDSA noong Enero 20, 2001 ay pagsasapormal lamang ng pagkawala ng karapatan sa kapangyarihan ng isang pamahalaang walang kahihiyang dumura sa batas at kumitil sa katarungang nararapat nitong itaguyod.

Ang pagkulapol ng putik sa dangal ng isang taong tulad ni Hilario Davide, Jr. ay isang nagdudumilat at nadudurong kalapastanganan. Ang kalapastanganang ito'y nararapat na dukutan ng mata at putlan ng daliri. (Alexander Martin Remollino)

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

PANGULONG TUDLING
Pagtatanggol sa Punong Mahistrado

SA ISYUNG ITO
To an Unborn Child
By
Samantha

Usapang Puki
By James Nicolay

Tongue-tied: Centers, Margins, and Their Filipino Tongues
By Dennis Aguinaldo

War Against Terror?
By Alexander Martin Remollino

Thoughts on the Bonifacio Monument
By Francis Acero

Sometimes, That Thing is Just Isn't What It's Cracked Up to Be
By Gilbert Trillana

Munting Pangarap
Ni Rodel Mayores

And We Say NO!
By Liza B. Lamis

Sa Unos ng Nagdaan
Ni Guerera

PITAK
Ateneo Students, Faculty Protest Ban of ‘The Vagina Monologues’
By Alfred A. Araya Jr.

BAYANI
Emanuel Lacaba. Poet. Warrior. Martyr.
By Lisa Cariño Ito
Sa Alaala ni Eman Lacaba
Ni Alexander Martin Remollino

NATATANGING TAMPOK
A Walk at Midnight With Mohandas Gandhi
Ni Alberto Florentino
Alberto Florentino's Bio

MAIKLING KUWENTO
Anibersaryo
Ni Vladimeir B. Gonzales

TULA
Ayaw Ko Nang Manungkit ng Tala
Okay Lang Ako
Opinyon Lang Pare Ko


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved