Bakit
Wala Si Tatay?
Ni
Vlad Gonzales
"BAKIT
WALA si Tatay?"
Iyak ako nang
iyak kaya hindi ako makapagsalita nang maayos. Nakatusok at may
sindi na ang limang kandila sa cake. Kumakanta na ang mga payasong
inimbitahan ni Nanay. Nandoon na si Lola, ang mga pinsan at kaibigan
ko. Nakapatong na sa isang tabi ang mga regalo ko, kasama ang malaking
kahong galing kay Tatay. Nandoon na ang lahat, maliban sa kanya.
Dati-rati'y palagi siyang kasama sa mga party ko, at palagi niya
akong binubuhat kapag ihihipan na ang mga kandila sa cake ko. Palagi
siyang nandoon. Palagi ko siyang kasama.
"Tahan
na, Anak. Huwag ka nang umiyak."
Pagkatapos punasan
ni Nanay ang mukha ko'y may itinuro siya sa langit. Hindi ko pa
gaanong makita kung ano ang itinuturo niya. Pinunasan ko ang mga
mata ko't tumingin sa itaas, at nakita ko ang isang napakalaking
eroplanong lumilipad sa himpapawid. Sabi ni Nanay, nandoon lang
daw si Tatay, nililinis ang langit. Pero noong tinanong ko si Nanay
kung kailan babalik si Tatay, hindi siya nakasagot. Maiintindihan
ko rin daw paglaki ko, yun ang sabi niya.
Hindi na rin
umuwi si Tatay pagkatapos ng birthday ko. Dati-rati'y nakikita ko
na siyang pumapasok sa gate namin pagkatapos na pagkatapos ng paborito
kong cartoons tuwing gabi. Ngayon, tawag na lang sa telepono ang
dumarating. Tinanong ko si Lola, nandoon kasi siya sa bahay namin
dahil sasamahan daw niya kami ni Nanay habang wala pa si Tatay.
Tinanong ko kung bakit hindi na umuuwi si Tatay. Tinanong ko kung
saan siya natutulog, kumakain, naliligo at nanonood ng TV. Tinanong
ko rin kung bakit tuwing kinakausap kami ni Tatay sa telepono'y
naiiyak din si Nanay tulad ko. Wala nang sinasabing iba si Lola
kundi "Nandoon lang ang tatay mo sa eroplano, nililinis ang
langit. Kailangan niyang tuparin ang mga obligasyon niya."
Kapag tinatanong ko naman siya kung bakit kailangang linisin ang
langit, o kung kailan babalik si Tatay ay wala siyang masabi. Maiintindihan
ko raw ang lahat paglaki ko.
Noong mga sumunod
na araw, wala akong ginawa kundi ang manood ng eroplano sa langit.
Umaga, tanghali, gabi, yun lang ang ginagawa ko. Kinakawayan ko
ang eroplano, tinatawag, sinisigawan. "Tatay, bumalik ka na!"
"Tatay, hinahanap ka na ni Nanay!" "Tatay, kailan
ka ba uuwi?" Hindi sumasagot si Tatay, at kapag sinasabi ko
naman sa kanya ang mga ito kapag tumatawag siya sa amin ni Nanay
ay wala siyang ibang sinasabi kundi maiintindihan ko raw ang lahat
paglaki ko.
May isang araw
na nakita ko si Tatay. Nasa isang beach kami, kasama ko sina Lola
at Nanay. Nakita ko siya, naglalaro sa may tubig kasama ang dalawang
bata. Mas malaki sila at mukhang mas matanda kesa sa akin. Ang saya-saya
nilang tatlo-naghahabulan sila, nagbabasaan, nagtatawanan, talagang
napakasaya nila. Sinigawan ko si Tatay. Napatingin siya sa akin,
kay Lola at kay Nanay. Noong nakita niya kami'y lumayo siya kasama
ang dalawang bata. Hahabulin ko siya pero pinigilan ako nina Lola
at Nanay. Naiyak ako. Hindi ko na nakita kung saan sila pumunta
dahil sa pag-iyak ko. Ayaw sabihin ni Nanay, pero sa palagay ko'y
bumalik na si Tatay sa eroplanong pinagtatrabahuhan niya. Lilinisin
na naman niya ang langit.
Kinagabihan,
naupo kami nina Nanay at Lola sa may dalampasigan. Pinanonood naming
tatlo ang malikot na paggalaw ng tubig. May sinabi si Lola, parang
dagat daw ang buhay, yun yata yung sinabi niya. Basta, parang tungkol
sa alon ang binabanggit niya, hindi raw masasabi kung paano kikilos
sa susunod na mga araw ang tubig. Parang ganoon yata. Tinanong ko
nga si Nanay kung bakit ganoon ang sinabi ni Lola pero hindi siya
sumagot. Niyakap niya lang ako nang mahigpit, at naramdaman ko ang
mainit na luha ni Nanay na dumikit sa pisngi ko.
Maya-maya'y
may ugong kaming narinig. At sa langit, nakita ko ang pinagmulan
ng ugong--ang eroplano ni Tatay. Nililinis na naman niya ang langit.
"Kawayan
mo ang Tatay mo. Magbabay ka."
Sinunod ko ang
sinabi ni Lola. Kinawayan ko ang eroplano. Kumaway din sina Lola
at Nanay. Nagpaalam kami sa eroplano. Hindi ako sigurado kung bakit
namin ginawa iyon, o kung nakikita kami ni Tatay o kung makikita
ko siya sa bahay namin pag-uwi namin mula sa beach. Hindi ako sigurado.
Paglaki ko, siguro'y maiintindihan ko rin ito.
12 Pebrero 2002
-----------------
Sumasakay din sa eroplano ang tatay ni Vlad pero hindi naman siya
naglilinis ng langit.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|