|
Gloria Macapagal-Arroyo:
Dakilang Lider
Ni Julio Dimaano
TINAWAG NA mga
"Abu Sayyaf lovers" ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
ang lahat ng mga Pilipinong tumututol sa Balikatan war games.
"Hindi
ka Pilipino kung tutol ka sa katahimikan at kaunlarang pangako ng
Balikatan 2002," sabi niya.
"Kung hindi
ka Pilipino ay sino ka? Isang protector ng mga terorista. Isang
kasosyo ng mga mamamatay-tao. Isa kang Abu Sayyaf lover!" dagdag
pa ni Macapagal.
"Panahon
na para makilala kung sino ang kakampi ng demokrasya at pagtutulungan
ng mga malayang bansa at kung sino ang kampi ng terorismo at paghahari
ng pwersa ni Osama bin Laden. Dapat makilala kung sino ang nasa
panig ng kalayaan at kung sino ang nasa panig ng pananakop. Walang
Pwedeng miron lamang. You're either for or against democracy, freedom
and prosperity. There can be no bystanders,"
sabi pa niya
(Basahin dito
ang buong pahayag ng Pangulo.)
Sa mga pahayag
na iyan, makikitang si Macapagal ay tunay na dakilang lider ng mga
Pilipino. Taglay niya ang maraming mga katangian.
Malikhain
Upang isulong ang kanyang kampanya laban sa terorismo, gumagawa
siya ng mga orihinal at madamdaming pananalita na hindi pa kailanman
narinig ng buong daigdig. Hindi siya gaya ng iba na ginagaya ang
style ng mga taga-ibang bansa, gaya ng "If you're not with
us, you're with the terrorists."
Matalino
Ipinakikita ng mga pananalita ng BB. Macapagal ang kanyang katalinuhan
at kalawakan ng pag-iisip. Bago magpahayag, matama niyang nililimi
ang mga kahulugan ng kanyang sinasabi. Sobrang bukas ang kanyang
pag-iisip, hindi niya ikinakahon ang mga bagay-bagay at tinitingnan
niya ang iba't ibang perspektiba sa isang usapin. Gaya ng ibang
matatalinong tao, hindi naniniwala ang Pangulo na black and white
lamang ang mga kulay sa mundo. Sobrang taas nga ng IQ ni Bb. Macapagal.
Lalong higit ito sa IQ ng pinatalsik na Panggulong Estrada at sa
sinipang diktador na si Marcos.
Independiente
May tiwala si Bb. Macapagal sa minamahal niyang sandatahang
Lakas. Hindi niya iniaasa ang kaunlaran nito sa ibang mga bansa.
Malakas na
sense of history
Kitang-kita na pinag-aralan nang matama ni Bb. Macapagal ang kasaysayan
ng kanyang bansa. Hindi pa niya nalilimutan ang magagandang ginawa
ng Amerika sa Pilipinas. Naaalala pa niya ang pagtulong nitong makawala
ang bayan sa mga mananakop na Espanyol at Hapon. Naaalala pa niya
ang kabaitan ng Amerika sa Pilipinas noong Filipino-American War.
Hindi niya nalilimutan ang magandang epekto sa lipunan at kapaligiran
ng base militar ng Kano. Naalala pa niya ang napakagandang pagturing
mga Amerikano sa mga Moro.
Malambing
Masuyo, malambing at hindi masungit na lider si Bb. Macapagal.
Hindi niya tiniterorize ang mga tao. Hindi niya isinasaksak sa baga
ng mga ito ang kanyang paniniwala. Hindi niya dinidiktahan at tinatakot
ang mga Pinoy para sundin ang kanyang policies. Hindi niya patusong
ginagapang ang mental at emosyonal na vulnerability ng kanyang mga
nasasakupan.
Sa ilalim ng
gobyernong Macapagal, tiyak ang Pilipinas ay uunlad, magiging mapayapa,
malaya at makakatayo sa sariling paa.
Gaya nina Ferdinand
Marcos, ang dakilang diktador, at Joseph Estrada, ang ama ng masa,
si Gloria Arroyo, ang cute na presidente, ay itinadhana sa kadakilaan.
-----------------
Si Julio ay aminadong Abu Sayyaf lover at fan ni Osama bin Laden.
Siya ay palabiro at minsan ay medyo sarcastic. Webmaster siya ng
Erap-Resign.Net
na wala na yatang bumibisita ngayon.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|