|
Don Claro
Ni Alexander
Martin Remollino
SINONG
PILIPINO ang hindi nakaaalam sa lansangang C. M. Recto sa Maynila?
Walang taga-Maynilang nabuhay at namatay nang hindi nakatutuntong
sa lansangang iyon. Walang tagalalawigang namatay at nabuhay nang
di nakaririnig ng tungkol sa lansangang yaon sa mga kamag-anak at
kakilalang nandayuhan sa Maynila.
Subalit ilan
sa atin ang nakatatalos kung saan nanggaling ang pangalan ng lansangang
iyon?
Kakaunti sa
atin ang nakababatid na minsa'y may nabuhay na isang Pilipinong
nagngangalang Claro Mayo Recto, na kahima't hindi anak-mayama'y
nakilala sa palayaw na Don Claro, kaipala'y dahil sa kanyang pagkahilig
sa wikang Kastila. Isinilang noong 1890 at yumao noong 1960, isa
siya sa pinakamatutunog na pangalan sa Pilipinas mula nang dekada
20 hanggang sa kanyang kamatayan.
Makata, mandudula,
manananggol, mambabatas, mahistrado, ministro ng gabinete, at edukador--lahat
ng papel na iyan ay nagampanan ni Don Claro. Subalit higit siyang
itinatangi ng kasaysayan bilang isang makabayan at estadista (statesman).
Bilang Kinatawan
ng Batangas sa Kapulungang Pilipino, nakasama si Don Claro sa mga
misyong pangkasarinlan sa Estados Unidos.
Noong 1933,
naiuwi nina Sergio Osmena at Manuel Roxas mula sa isa sa mga misyong
pangkasarinlan ang Batas Hare-Hawes-Cutting. Diumano'y isa itong
pangkasarinlang batas, datapwat itinadhana nitong sa loob ng sampung
taon mula sa pagpapatupad ng naturang batas ay sasaklawan ng Pangulo
ng Estados Unidos ang sistema sa pananalapi at ang ugnayang panlabas,
ang mga produktong Amerikano ay malayang makapapasok sa Pilipinas
habang ang mga iluluwas ng Pilipinas sa Estados Unidos ay papatawan
ng mga restriksiyon, at ang Estados Unidos ay makagagamit ng lupa
ng Pilipinas ukol sa mga "reserbasyong militar at iba pa."
Halos isumpa
ni Don Claro sina Osmena at Roxas dahil dito. Ang Batas Hare-Hawes-Cutting
ay tinawag niyang isang "obra maestra ng kolonyalismo"
at sinabi niyang pinahihintulutan nito ang "buo at walang hanggang
pananalasa" ng Estados Unidos sa ating ekonomiya, ang "habang
panahong panghihimasok sa pagsasakatuparan ng ating soberanya,"
at "ang pagkalusaw ng ating pambansang pamana kahit na maipahayag
na ang kasarinlan."
Ibinasura ng
Lehislatura ang Batas Hare-Hawes-Cutting at si Manuel Quezon ay
naatasang pamunuan ang isang panibagong misyong pangkasarinlan.
Ang Batas Tydings-McDuffie na naiuwi ni Quezon mula sa nasabing
misyon ay tinangkilik ni Don Claro, bagama't sa pangkalahata'y wala
namang ipinagkaiba ito sa Batas Hare-Hawes-Cutting liban sa pagtatadhana
nito ng pagtatatag at pagpapairal ng isang pamahalaang komonwelt
sa loob ng sampung taon mula sa pagpapatupad nito bago ipahayag
ang kasarinlan.
Higit na magkakalaman
ang linyang makabansa ni Don Claro pagkaraan ng Ikalawang Digmaang
Pandaigdig.
Noong panahon
ng pananakop ng mga Hapones, naglingkod siya sa pamahalaan bilang
Ministro ng Edukasyon at pagkatapos ay bilang Ministro ng Ugnayang
Panlabas.
Matapos ang
Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay kinasuhan siya ng pakikipagsabwatan
sa mga Hapones. Tinanggihan niya ang amnestiyang alok ng noo'y Pangulong
Roxas at sa Hukumang-Bayan ay kanyang ipinagtanggol ang sarili.
Ipinaliwanag niyang ang kanyang paglilingkod sa pamahalaang tinangkilik
ng mga Hapones ay sa layuning makatulong upang kahit paano'y maibsan
ang pinsalang dulot ng pananakop ng mga Hapones sa bansa. Naipagwagi
niya ang usapin.
Noong 1946,
nanguna si Don Claro sa pagtutol sa Amyendang Parity sa Saligang
Batas, na hiningi ng Estados Unidos bilang kapalit ng bayad-pinsalang
pandigmaan. Sinabi niyang ito'y magpapahintulot sa paghahari ng
mga dambuhalang korporasyong Amerikano sa ating ekonomiya, bagay
na aniya'y walang buting idudulot sapagkat ang kikitain ng mga ito'y
lalabas lang nang lalabas ng bansa sa halip na magamit upang paunlarin
ang ekonomiya.
Ipinaglaban
ni Don Claro ang makabansang pag-iindustriya. Aniya, kung isasaalang-alang
ang lawak ng ating mga yamang-bansa, walang alinlangang kakayanin
natin ang magtatag ng mga pambansang industriya. Sa ilalim ng isang
programa ng makabansang pag-iindustriya, ayon kay Don Claro, makalalalang
tayo ng sarili nating mga kalakal sa halip ng walang patumanggang
pag-aangkat, at ang ating kapital ay di na lalabas nang lalabas
ng bansa.
Naging tagapagsulong
din siya ng malayang pakikipag-ugnayang panlabas. Dapat daw na nakabatay
ang ugnayang panlabas sa ikabubuti ng bansa at hindi sa kapakinabangan
ng Estados Unidos. Kaugnay nito, mariin niyang tinutulan ang pananatili
ng mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nagbabala siyang
sa pamamagitan nito'y di malayong masangkot ang Pilipinas sa mga
digmaan kung saan wala itong kinalaman dahil maaari itong gamiting
lunsaran ng mga puwersang sasalakay sa kung aling bansang Asyano.
Pinakamadaling
nagugunita si Don Claro sa kanyang pag-akda, bilang Senador, ng
Batas Rizal, na nagtatadhanang ipababasa sa lahat ng mga Pilipinong
mag-aaral ang talambuhay at mga akda ni Dr. Jose Rizal, na noon
pa'y siya nang pambansang bayani, bilang pagkilala at pagsulong
sa kanyang diwang makabansa.
Mula sa pagiging
Senador ay kumandidato sa pagka-Pangulo si Don Claro noong 1957.
Hindi siya nanalo.
Datapwat di
roon nagwakas ang makabansang pakikipaglaban ni Don Claro. Sa mga
pahayagan, sa mga paaralan, at sa iba't ibang mga pagtitipon ay
patuloy niyang isinulong ang diwang makabansa hanggang sa huling
araw ng kanyang buhay.
Dalawang taon
mula ngayon ay maghahalalan na naman sa ating bansa. Sa pagpili
natin ng mga susunod na mamumuno sa ating bansa, pakaisipin natin
si Claro Mayo Recto. Ang mga tulad niya ang kailangan ng ating bayan.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|