|
Tapatang Kano
at Abu
Ni Dennis A. S. Aguinaldo
Debate
Pinagtapat
sa isang palabas kamakailan ng "Debate" nina "Mare
at Pare" ang mga Amerikanong sundalo at ang tropang Abu Sayyaf.
Ihinain ito bilang pangunahing tanong: "Kanino ka mas natatakot,
sa mga Amerikano o sa Abu Sayyaf?"
Doon ako natakot
sa mga implikasyon ng ganyang pagtatanong.
Fan ako kung
sa fan ng Debate. Napopopularisa nito hindi lamang ang mga isyu
kundi mismong pagtindig ng mga Pinoy para sa kanilang mga prinsipyo.
Napagtatapat nito nang maayos ang mga kalahok sa tulong ng mga gabay
na katanungan upang maisaayos ang pagluwal sa mga punto at kontrapuntong
kumakatawan sa isang isyu. At nailalahok nito ang mamamayan sa tulong
ng mga makabagong paraan ng paghahatid ng feedback. May botohan
pa at tally na sadyang mas natutukan ng sambayanan kaysa anumang
ilabas ng Social Weather Stations. Nagamit nang husto nina Mareng
Winnie at Pareng Oka ang mga oportunidad ng midyum para sa kapakinabangan
ng kamalayang Pilipino.
Pero bakit ganoon
na lamang ang pagtatapat sa mga Kano at Abu? Sa pagtatanong pa lamang,
tila may pamumusisyon nang nangyari sa kabila ng pagka-neutral na
nais ipakita sa pamamagitna nina Mare at Pare sa studio.
Baka naging
primaryang konsiderasyon lang talaga na makaengganyo ng mga manonood
sa gabing iyon. Siguro nga talagang kailangang hakutin ang mga tao
para punuin ang mga telemessage center, e-mailbox, at cellphone
inbox ng programa. Pero anuman ang dahilan, namrublema talaga ako
sa indikasyon ng ganitong tanong sa ating panlipunang diskurso.
Gagamitin natin ang pagtatapat na ginawa ng katanungang ito para
sa ating kapakinabangan rin.
Polarisasyon
Saan
ba tayo nais dalhin ng katanungang ito? Nagkakaroon ng mapanlinlang
na paghahati ng mga mamamayan. Mga mas takot sa Kano at mas takot
sa Abu. May lugar ba para sa matindi ang takot sa dalawa? Kaugma
nito ang "bi-polarization" na isinasagawa ngayon ng Estados
Unidos (US).
Ang polarisasyong
ito ay klasikal na pamamaraan ng digma. Mithi nito ang paghatak
sa mga mamamayan sa isang panig. Iniitiman ang "kalaban"
para lumabas ang pagkaputi ng "bida." Walang lugar para
sa mga in-betweener. Para ka sa "katarungan" o kalaban
ka nito. Maraming nagiging mapanganib na simplipikasyon at heneralisasyon
dahil sa taktikang ito.
Dalawa ang di-makatarunganganak
ng ganitong pag-iisip. Una, hindi na nabubusisi pa ang mga ugat
ng pag-aaway. Basta mali ang isa, siya ang nanguna at tanging may-sala.
Paano halimbawa, kung may papel naman talaga ang nagpapakabidang
panig sa pag-usbong ng pagngangalit ng kabila?
Ikalawa, nagiging
matuwid ang anumang isagawa ng bida. Nakukuha niya ang lahat ng
suporta. Minimum ang mga katanungan at kritisismo sa kanyang mga
ikinikilos at layunin. Kung magtaas ka ng kamay o kilay at pinansin
ka, sapat nang sabihing detrimental ang iyong pag-iisip sa "common
cause." Kaya mapag-iinitan ka ng mayoryang naengganyo sa kanyang
panig.
Interes
Pero sa kasong ito, mapasa-Al Qaeda o Abu Sayyaf, may papel
na ginampanan ang US sa kanilang genesis. Ngayon, sa kabig ng pansariling
interes itinapat niyo ang sarili nito bilang kalaban ng terorismo
at tanggulan ng demokrasya.
At ito naman
talaga ang usapin dito. Bakit ipinagtatapat ang mga Kano at Abu
na para tayong pinagtatalaga ng isang necessary evil? Porke ba may
sarili tayong kinikilalang mukha ng terorismo, it logically follows
na may papel na ang mga Kano sa bansa natin? Interes lamang naman
talaga nila ang kanilang kinikilala simula't sapul pa lamang ng
unang pekeng "pagligtas" nila sa atin mula sa Espanya.
Mula sa mga Hapon sa pamamagitan ng tropa ni MacArthur. Mula sa
ating "kamangmangan" sa pamamagitan ng giyera, Thomasites,
at Commonwealth.
Bakit ipantatapat
ang mga Kano sa Abu? Yaon ang dapat katakutan! Lumaki ang problemang
Abu dahil sa maling priority ng pamahalaan, pakikipagsabwatan ng
mga lokal na opisyal, at maling diskarte ng militar. Matakot tayo
na para solusyunan ang problema, itinatalaga ang mga Kano bilang
"natural" na katapat ng Abu at sa proseso, mas malaking
problema para sa hinaharap ang pinapasok natin.
Tinagurian nilang
"Balikatan" ang ehersisyo ng mga Kano at Pinoy sa ilalim
ng katraydurang kasunduan na Visiting Forces Agreement. Nasayang
ang kagandahan ng salita na nakalaan sana para sa tunay na pagkakaibigan
at pagkakapatid ng mga Pinoy. Ginagamit ito ngayon para pagandahin
ang imahe ng Kano kasama ang Pinoy. Ngunit
ang tunay na imahe ay ang panibagong krus, gawa sa antigong kahoy,
na ipinapatong sa balikat natin.
-----------------
Sa kabila ng anumang mabasa sa kanyang apelyido, hindi maka-Kano
si Dennis A.S. Aguinaldo. Hindi rin
siya maka-Abu.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|