Isang
Bukas na Liham Para sa Pangulo
Ni Juanito Delmo
Pebrero
2002
Mahal na Pangulo;
Maligayang bati
sa anibersaryo ng dalawang People Power. Alam naming mahalaga para
sa iyo ang oksyong ito; at ito'y mahalaga rin para sa amin sapagkat
muli na namang nangibabaw ang tunay na may-ari ng kapangyarihan:
kaming mga mamamayan.
Sa pagdiriwang
natin ng okasyong ito, isang magandang regalo para sa amin ang ipagkait
ang lugar na dati nating pinagtipunan at naging bahagi na ng ating
kasaysayan.
At hindi pa
dyan natatapos ang iyong regalo mahal na pangulo, binalutan mo pa
ito ng ibat-ibang klaseng pamumulitika: nandyan ang ipangalandakan
mong mas matalino ka at mas mataas ang IQ kaysa sa pinalitan mo.
Nandyan din ang gumamit ka ng malaking halga para lamang mapaganda
ang imahe mo sa mga bansang nakapaligid sa iyo.
Ngayong araw
ng mga puso, maaga ang regalo mo kagalang-galang na Pangulo.
Pinaratangan
mo kaming mga tumututol sa Balikatan na "Hindi tunay na
Pilipino, tagahanga ng Abu-Sayyaf at ni Bin-Laden."
Mahal na Pangulo,
nais naming liwanagin na kaming mga tinatawag mong "di
tunay na Pilipino" ay maaaring mas higit na Pilipino kaysa
sa kaninumang iniisip mo. Naniniwala kaming mas higit na maka-Pilipino
ang mga mamamayang marunong gumalang at magpahalaga sa ating kasarinlan
at sa tinatamasa nating kalayaan.
Mas higit ding
naman yata kaming maka-Pilipino sa hindi naming pagsamba at paghanga
sa kakayahan ng mga dayuhan sapagkat naniniwala kami na kaya rin
nating tumbasan anumang kakayahang meron sila, pagkat tayo'y pare-parehong
mga tao na kaparis nila.
Minamahal at
iginagalang naming Pangulo, bilang isang lider, sana'y ipakita
mo sa bawat mamamayang Pilipino na kaya nating lampasan ang mga
suliraning ating kinakaharap. Kaya nating tumayo at ipagmalaking
tayo ay "Pilipino," namumuhay na nagsasarili, malaya at
hindi umaasa sa tulong ng mga dayuhan.
Lubos na gumagalang,
Juanito Delmo
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|