|
Maligayang Pagdating,
G.I. Joe!
Ni Alexander Martin Remollino
MAKAILAN NATING
isinuka ang mga sundalong Amerikano? Di lang minsan; simula 1899
hanggang 1991 ay tuluy-tuloy natin silang isinuka.
At bakit hindi?
Sino ang makalilimot
sa buong husay ng bungangang pagpapapaniwala nila kay Aguinaldong
sila'y naparito lamang upang tulungan tayo sa ating pakikidigma
sa mga Kastila ay mananakop din pala?
Sino ang makalilimot
sa mga sundalong Pilipinong pinatay ng sundalong Amerikanong si
Grayson dahil lamang sa hindi huminto sa paglakad ang mga ito nang
sabihan niyang huminto?
Sino ang makalilimot
sa mga Pilipinong nabihag ng mga Amerikano sa gitna ng labanan,
na noong nakabilanggo'y binigti nang sampu-sampung segundo at pagkatapos
ay inihulog sa lupa, dili kaya'y pinasakan ng hose at diniligan
ng tubig sa bibig upang pagkatapos ay nilundagan sa namagang mga
tiyan, o kaya nama'y pinaikutan sa katawan ng taling hinigitan nang
hinigpitan
hanggang sa ang tilania'y hindi na halos makahinga?
Sino ang makalilimot
sa pag-uutos ni Brig. Hen. Jacob Smith na pagpapatayin ang lahat
ng tao sa Samar, kabilang ang mga batang lalaking may sampung taong
gulang?
Sino ang makalilimot
sa paglapastangan ng mga sundalong Amerikano sa bangkay ni Hen.
Gregorio del Pilar, na wala namang ginawa kundi ipagtanggol ang
kalayaang pilit na inaagaw ng mga nagpanggap na manunubos?
Sino ang makalilimot
kay Hen. Douglas MacArthur, na nang sumalakay ang mga Hapones ay
binitbit ang kalakhan ng kanyang hukbo palabas ng Pilipinas at bumalik
na lamang nang ang lahat ng opisyal militar ng Hapon sa Pilipinas
ay nabihag o napatay na ng mga gerilya?
Sino ang makalilimot
kay Glicerio Amor, na napagkamalang baboy-ramo at binaril ng isang
lasing na sundalong Amerikano sa Olongapo?
Sino ang makalilimot kay Pacifico Guevarra, isang manggagawa sa
Clark Air Base, na binugbog at pinakain ng siling labuyo ng mga
sundalong Amerikano matapos na mapaghinalaang nagnakaw ng makinilya?
Sino ang makalilimot
sa limpiya-botang si Rogelio Gonzales, na pinatay ng isang sundalong
Amerikano sa Sangley Point dahil sa diumano'y pagnanakaw ng bisikleta?
Sino ang makalilimot
sa dalawang Pilipinang kawani ng Clark Air Base na matapos na hingan
ng ID ay pinaghihipuan ng mga sundalong Amerikano habang ang mga
kasama nilang apat na Pilipino'y binubugbog sa kung aling sulok
ng base militar?
Sino ang makalilimot
na ang mga sundalong Amerikanong nagkasala sa Pilipinas ay pawang
pinauwi nang di nalilitis sa ilalim ng ating mga batas?
Oo, ang kasaysayan
ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas ay isang mahabang kasaysayan
ng mahirap patawaring kahayupan.
Mahigit sa siyamnapung
taon nating isinuka ang kahayupang ito. Ang huling dagok ay naganap
noong 1991, nang ibasura ng labindalawa sa dalawampu't tatlong Senador
ang isang panibagong kasunduan ukol sa pagpapapanatili ng mga base
militar ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Subalit sa isang iglap lamang ay narito na naman ang mga G. I. na
pamangkin ni Samuel.
At sa anong
dahilan? Upang lumahok sa mga operasyon laban sa Abu Sayyaf, ayon
na rin sa isang opisyal ng pamahalaang Amerikano. Na tinangka namang
pangatwiranan ng henyong si Brig. Hen. Edilberto Adan, tagapagsalita
ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Kumakatok
sa pinto natin ang kaaway--namumugot ng ulo, nambobomba," aniya.
"Ngayon, kailangan natin ng tulong..."
Nang ipag-utos
ng ating kapita-pitagang Pangulo ang pagsagip sa Amerikanong si
Jeffrey Schilling, na tulad ng mag-asawang Amerikano ring sina Gracia
at Martin Burnham ay bihag din noon ng Abu Sayyaf, naisagawa ito
ng AFP nang walang anumang "tulong" mula sa Estados Unidos--at
sa loob ng napakaikling panahon. Daan-daan ang nalagas mula sa Abu
Sayyaf sa operasyong iyon.
Sa maraming
pagkakataon ay ang AFP na rin ang nagsabing ang Abu Sayyaf ay nanghihina
sa bawat araw dahil sa demoralisasyon, pagkalagas, at pagsuko ng
maraming kasapi nito.
Ano't kakailanganin
ang mga sundalong Amerikano upang masugpo sila?
Bakit ang ganito
kahinang pangkat ay hindi magapi ngayon ng ating sandatahang lakas?
May sagot dito si Padre Cirilo Nacorda at ang mga naging bihag ng
Abu Sayyaf: maraming matataas na opisyal ng AFP ang nakikipagsabwatan
sa mga gawaing kidnap-for-ransom ng pangkat na ito.
At ngayo'y narito
na nga ang mga sundalong Amerikano upang lumahok sa mga operasyon
laban sa Abu Sayyaf, kahit na ang Visiting Forces Agreement na pinagtibay
ng labinsiyam na lubhang magigiting na Senador ay nagtatadhanang
maaari lamang maglagi rito ang mga sundalong Amerikano kung ang
layuni'y ang pagsasagawa ng joint military exercise sa pagitan nila
at ng ating militar--bagay na nagpapakitang maliwanag ng kawalang-galang
ng Estados Unidos sa kakapiranggot na nga lamang na soberanyang
mayroon tayo. Alam natin kung ano ang maaaring gawin ng isang bansang
walang galang sa anumang pirasong soberanyang mayroon pa tayo--noong
1898, ilang buwan matapos na ang Estados Unidos ay lumahok sa ating
pakikitalad sa mga Kastila, kabilang ang Pilipinas sa ilang bansang
binili ng Estados Unidos sa Espanya sa kabuuang halagang dalawampung
milyong dolyar.
Dalawa ang maaaring
solusyon sa suliranin sa Abu Sayyaf na hindi mangangailangan ng
pag-apak sa ating soberanya.
Una'y ang mungkahi
ni Danilo Vizmanos, dating Kapitan ng Hukbong-Dagat, na papagbakasyunin
ang matataas na opisyal ng AFP at ang mga non-commissioned officer
ang siyang papangasiwain sa mga operasyon laban sa Abu Sayyaf. Sa
ganito'y mawawala ang mga malamang na mambulilyaso sa mga operasyong
ito, at ang Abu Sayyaf ay mapup[ul;bos nang walang anumang aberya.
Kung hindi pa
rin uubra ito, maaari rin ang mungkahi naman ni Conrado de Quiros,
kolumnista ng Philippine Daily Inquirer--ang buwaging tuluyan ang
AFP. Sapagkat ang pangunahing balon ng suporta ng Abu Sayyaf ay
nasa AFP, mawawalan ng anumang tangkilik ang Abu Sayyaf kung mabuwag
ang militar, at dahil sa kagutumang daranasin nila'y sila na ang
bibitaw sa mga bihag nila at wala na silang mapipili pa kundi ang
sumuko.
Mahigit sa siyamnapung
taon nating isinuka ang mga sundalong Amerikano. Buhay ang ibinuwis
nina Antonio Luna, Gregorio del Pilar, Cornelio Felizardo, Macario
Sakay, Felipe Salvador, at Teodoro Asedillo alang-alang sa pagpapalayas
sa mga sundalong Amerikano.
halos buong
buhay ang ginugol nina Claro Recto, Lorenzo Tanada, Jose Diokno,
at Renato Constantino alang-alang sa pagpapalayas sa mga sundalong
Amerikano.
Subalit sa isang
iglap lamang ay napabalik sila rito. Malaki ang pananagutan ng pamahalaang
nagpahintulot sa kalapastanganang ito.
Maligayang pagdating,
G. I. Joe.
--------------
Si Alex ay isang
freelance manuscript editor. Nakalahok na siya sa maraming pagkilos
na nagsulong ng sari-saring mga usaping panlipunan, pati na sa makasaysayang
People Power II.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|