|
MAIKLING
KWENTO
Delta Transit
Ni Vladimeir Bautista
Gonzales
Unang
pahina
Wala talaga
akong ideya kung ano ang ibig sabihin ni Al, so tinanong ko siya
kasi nandun naman siya at saka siya naman ang nagsabi nun kaya
tinanong ko siya.
"Ang tanga mo naman Ian! Hello? FT-Full Time. Underground!
Duh! Hello? Ian, hello?"
So yun nga, ganun nga yung sinabi ni Al. Hindi naman talaga yun
ang sinabi niya, basta yung full time, yun, totoo yun. Kaya lang
hindi ko pa rin alam kung ano ang ibig sabihin ng full time na
sinabi ni Al na ikinagulat ko kasi bigla siyang nagsalita e tahimik
siya nung una tapos bigla na lang siyang nagsabi na FT na nga
siya. Gusto kong ipa-explain sa kanya. Gusto kong malaman kung
ano ang balak niyang i-full time.
Pero hindi ko kaagad natanong kasi biglang sumuka yung batang
buhat ng nanay niya, yung batang a nasa bandang gitna ng bus.
Grabe ang dami ng sinuka niya, as in millions of tiny food particles
combined with various gastric juices and other body fluids. Ang
dami, sobra. Puwede nang ilagay sa kaldero at gawing lugaw, a
hindi, goto pala, kasi may mga buo-buong karne pa dun sa suka
ng bata, parang gotong ibinebenta sa may gate ng subdivision namin.
Sobra, dami talaga, sobra, sobra talaga, sobra. Puwede rin namang
gawing arroz caldo yung suka, yun ay kung manok yung mga buo-buong
piraso ng butong kasama sa suka ng bata na sobrang dami nga. Para
siyang falls, falls na gawa sa suka. Pagsanjan falls, a hindi
Niagara falls, Oo nga! Parang Niagara falls yung suka ng bata,
tapos sa tabi ng falls ay may tindahan ng goto saka arroz caldo,
pero actually yun din yung suka, ininit nga lang saka nilagyan
ng kalamansi saka may kasamang tokwa't baboy. Ganun, ganun yung
suka ng bata.
Nakakatuwa yung mga tao dun sa bus. Hindi ko alam kung pinapraktis
nila yung ginawa nila o ano, pero basta ang galing nila. Ang galing
nilang umarte na parang walang nangyari. Kesehodang may makatapak
sa suka, kesehodang matalsikan sila sa mukha o kahit saan. Basta,
kunwari wala silang alam. Yung nanay lang ng bata yung nag-react
kasi natapunan siya ng suka, at saka yung tatay rin pala nagalit
din kasi natapunan din ng suka yung tutang nakatali tapos nakalagay
sa loob ng fishnet kasi lulutuin ng tatay ng bata yung tuta pagdating
nila sa kanila. Ayaw naman yata ng tatay yung tutang naka-marinate
sa suka bago iluto so nagalit sila ng asawa niya. So yun, kinurot
nila yung bata, pinalo-palo, binalibag, binigyan ng isang uppercut,
dalawang helicopter kick at saka kinamehamewave.
Pero kunwari, hindi concerned yung mga tao. Kasama ako dun ha,
sa mga kunwaring walang nakikita, kasi nga gusto kong makuha yung
sinasabi ni Al sa akin. Yung iba nga, nagbasa ng diyaryo, may
nag-walkman, may naglaplapan pa at may nagtanggal ng sapatos at
nagkamot ng paa habang kumakain ng French Fries, cheese flavor.
At may matapang pang nagbukas ng chips sa loob, yung amoy tae,
pero wala talagang apektado. So since wala namang apektado dun
sa suka ng bata, tinuloy ko na lang yung pagtatanong kay Al.
At nag-explain na nga si Al. Sabi niya, sasama na raw siya sa
kilusan, you know, para, you know, kumilos. Tatapusin lang daw
niya yung sem, e isang buwan na lang kaya yung natitira sa sem
so malapit na yung sinasabi niya, yung pagkilos nga niya dun sa
kikilusan niyang kilusan. Kailangan na raw niyang kumilos dahil
sa marami nang nangyayari sa paligid, mga masamang pangyayari,
hindi maganda, panget. Maraming bagay pa raw na kailangang ayusin.
Hindi ko talaga siya maintindihan. Kung pagkilos lang pala ang
gusto niyang mangyari, e di mag-aerobics class na lang siya para
kumilos siya. Kung trip naman niyang mag-underground, e di mag-minero
na lang siya, at saka wala naman siyang kailangang problemahin
dahil successful yung rali namin, napaalis na namin yung presidenteng
ayaw namin. Ewan ko, hindi ko makuha ang point ng pag-akyat sa
bundok, pagtatakwil sa mga masasarap na bagay dito sa paligid
while consuming a lifetime supply of kamote products. Saka iisa
lang siya, ano kaya ang magagawa niya dun, at saka ang ganda-ganda
na ng buhay niya sa eskwela naming--DOST scholar kaya siya tapos
writer pa sa school paper namin. Nagrali na kami--puwede na yun.
Panalo na kami. Di ko makuha kung bakit masyado pa siyang nagpapaka-rockstar
superhero at sasama pa sa kung saang kilusan. Ewan ko, hindi ko
makuha. Hindi. Hindi talaga. Hindi ko ma-explain.
Hindi na nga e. Hindi ko na nga ma-explain. Hindi. Wag na. Wala
na.
Pero kung tutuusin, hindi ko naman talaga kayang ipaliwanag ang
ugali ng Al na yan, kasi last year ko lang naman sila nakilala,
pagkatapos kong makalipat ng kurso. Hindi naman makuwento ang
taong yun, di tulad nina Glenda, Elsa, Jam, Cel, May, Arsini,
Eli, Michelle at ang iba pa. Kasi galing ako sa ibang college
noon tapos nasipa ako tapos nag-apply ako sa college ko ngayon
tapos natanggap ako tapos nakilala ko silang lahat kasi taga-dun
silang lahat sa college na yun. Naaalala ko pa
(Flashback)
Naaalala ko pa nung binigyan ako ng donut ni Elsa, nung niregaluhan
ako ni Jam ng baso, nung binigyan ako ni Michelle ng comics, nung
kinuwentuhan ako ni Eli ng mga sexcapades niya, nung nire-recruit
ako ni Cel sa mountaineer org nila, tapos nung kinakantahan ako
ni May ng mga kantang ginawa niyang bastos yung lyrics. Naaalala
ko pa ang lahat ng yun. Yun.
Si Arsini? A wala, nag-LOA kasi siya this sem kaya di ko na siya
gaanong nakilala. Umuwi muna siya sa Mindanao, dun sa pamilya
niya. Actually, sina Al, Glenda at Arsini, sila yung magkakatropa
talaga, kaya lang umalis nga si Arsini kasi may pamilya na nga
yun e medyo mahirap pagsabayin yung may asawa saka anak tapos
may aral pa tapos wala pang pera dahil nasisante sa part-time
job. So yun na nga, medyo nawala sa eksena si Arsini, tapos ako
yung nakapasok. Si Elsa nga, di na rin papasok next sem kasi di
na alam nung nanay niya kung saan kukunin yung dagdag na two hundred
pesos per unit sa tuition fee ng school namin, so sabi ni Elsa
magtatrabaho na lang siya para makatulong sa nanay niya. Baka
ma-kick out naman si Eli kasi mukhang wala siyang ipapasang subject
this sem, busy kasi siya masyado sa kanyang pagiging officer sa
kanyang org. Yung iba naman, yung tulad nina Cel, Glenda at yung
mga natira, pumapasa naman pero mukhang walang planong grumadweyt
on time. Parang high school pa rin kasi, dapat sabay lagi ang
sked, kapag di nagkapareho ng oras, ida-drop yung subject. Kung
ma-incomplete, okey lang na i-enrol na lang uli. Ganun sila-forever
friends at forever laidback.
Pero wala silang koneksyon sa kinukuwento ko. Wala talaga. Promise.
Ewan ko ba diyan kay Al, bigla na lang nanahimik uli nung kinulit
ko na tungkol sa pagsama niya sa kilusan niya. Hindi ko naman
daw maiintindihan kahit na ipaliwanag pa niya sa akin. Ako, hindi
makakaintindi? Ako?
Ako?
Wala. Hindi ko ikukuwento ang buhay ko. Hindi. Ayoko. Hindi nga
e. Wag na. Hindi.
Makalipas ang ilang araw (matrapik), bumaba na rin si Al, sa Philcoa
siya bumaba kasi dun siya nakatira, kasi kadalasan kapag uuwi
ka dun ka bababa sa inuuwian mo. Ako, naiwan pa ako dun sa loob
ng bus, dun sa bus na may suka saka may nagwo-walkman saka may
kumakain ng pagkaing amoy tae saka may nagkakamot ng paa habang
kumakain ng French Fries. Mahaba pa kasi ang biyahe ko kasi dire-diretso
na nga sa amin yung bus kasi dun nga yun paparada saka dun matutulog
yung driver saka yung konduktor, dun nga sa Tungko. Sa Tungko
nga e, e nasa Philcoa pa nga lang kaya nga bumaba na si Al. Saka
ko lang napansin na medyo mainit pala sa loob ng bus. Tinignan
ko nga uli yung tiket ko kasi sinigurado ko kung talagang aircon
bus yung nasakyan ko. Sabi ng presyo sa tiket, aircon bus yung
sinasakyan ko, pero medyo mahirap paniwalaan nung nagsimulang
umusok sa loob ng bus. Mas lalong nasuka yung batang sumusuka
na sa umpisa pa lang ng kuwento ko. Nakakaawa nga e kasi naiiyak
na siya sa sobrang dami ng sinusuka niya. Pero ang nakakatawa,
walang pa ring nakakapansin, mga pagod na lahat siguro at gusto
na lang makauwi. Yung tuta na lang yung naki-jam sa bata, yung
tutang nasa fishnet, yung lulutuin ng tatay ng bata pag-uwi nila.
Sinabayan niya ng pagtae yung pagsuka ng bata. So yun, naghalu-halo
na yung lahat ng amoy, tapos dumagdag pa yung lalaking katabi
ko na dumudura dun sa likod nung bus, at hindi lang dura na laway
kundi durang may plema, tinga at kung anu-ano pa. Sigurado ako
kasi nung tinikman ko yung dura lasang plema at tinga naman talaga
e, so sure ako na hindi laway lang yung dura ng mama. Mga tatlong
bilyong ulit niyang ginawa yun, hanggang sa umabot na ako sa amin.
So yun, umabot na nga yung bus sa bahay namin. Ako na lang yung
pasahero kasi nakababa na yung lahat ng tao. Yung driver, yung
konduktor, saka yung suka, tae, plema, usok at mga balot ng French
Fries at yung chips na amoy ebak na lang yung kasama ko. Hindi
ko pa rin nakuha yung sinabi ni Al bago siya umalis. Hindi ko
na talaga yata makukuha kahit kailan, ever. Tapos, yun na nga,
pumarada na yung bus sa amin kasi nga dun matutulog yung driver
saka yung konduktor. At nung bumaba ako, nakita ko yung nakasulat
sa may harap ng bus: "Thank you, come again!". Napangiti
nga ako, kasi alam kong bukas makalawa, masasakyan ko uli yung
bus na yun. At guess what, nung nahiga na ako sa kama ko, kasama
yung driver saka yung konduktor, kahit na naligo na kaming tatlo,
naaamoy ko pa rin sa aming tatlo yung kapit ng suka, tae, usok
at lahat-lahat sa katawan namin. Sa palagay ko, hindi na kaya
ng ligo yung bahong kumapit sa amin, sa lahat ng sumakay sa bus
na yun nung gabing kumain kami nina Al at Glenda sa Wendy's sa
may EDSA.
Hindi. Wala na nga si Al e. Hindi nga e, hindi na siya apektado
nung nangyari. Hindi na. Nauna na siyang bumaba. Hindi na. Wag
na.
So yun. Ganun yung nangyari.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|