|
Bagong Taon
Ni Rodel Mayores
BAGONG
TAON, bagong pag-asa. Isa
ito sa mga kasabihang bahagi na ng lahing Pilipino. Ngunit kung
minsan ay nagiging taliwas ito sa katotohanan. Saksi ang sambayanang
Pilipino sa masaklap na pasalubong sa atin ng taong kasalukuyan.
Una sa listahan
ng mga aginaldong natanggap ng sambayanan ni Juan ay ang pagtaas
ng singil sa toll fee sa North at South Luzon Expressway. Sa kasalukuyan
ay di na nga ito pwedeng tawaging expressway sapagkat talo pa
nito ang EDSA pag nagkaka-trapik. Sa halip tinatawag na lang ito
ng ilang motorista na "Toll Way" pagkat bayad na lang
ang inaabangan ng mga ahensya sa likod ng naturang daan.
Pangalawa
ay ang muling pagbabawas ng mapagsamantalang Smart at Globe sa
free text na kanilang ibinibigay sa kanilang mga subscriber. Katwiran
pa ng mga naturang kumpanya na nalulugi sila dahil
sa taas ng maintenance cost at sa network expansion na pawang
dolyar ang ginagamit. Gasgas na at lumang luma na ang katwirang
ito. Kaya pala lumaki sila nang husto at kaya pala lumawak ang
kanilang kumpanya ay dahil lagi silang lugi. Wag naman sanang
nilang gawing tanga tayong mga subscriber. Wag sana nilang isiping
hindi tayo marunong umintindi at umunawa ng salitang "nalulugi".
Pangatlo,
ay ang pagkakapatay kay "self-proclaimed spokesman ng Young
Officers Union (YOU) na si Lt. Baron Cervantes, isang opisyal
na nagbulgar na may mga coup plot laban sa administrasyong Arroyo.
Isang malinaw na indikasyon na may kabulukang itinatago sa ating
sandatahang lakas. Bahagi pa rin kaya ito ng tinatawag na "military
secrecy"?
Ito at marami
pang iba ang pasalubong sa atin ng taong kasalukuyan. Pero lahat
tayo ay umaasa na sana ang taong ito ay maghatid pa rin sa atin
ng bagong pag-asa. Sana sa kabila ng mga pangyayaring ito ay manatiling
buo ang ating pag-asa. Kumilos tayo at magtulung-tulong upang
malampasan natin ang mga pagsubok sa ating bansa.
Masaganang
Bagong Taon sa ating lahat.
-----------
Si Rodel
Mayores ay dating punong patnugot ng MSCians, opisyal na pahayagan
ng mga mag-aaral ng Marinduque State College.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|