MAIKLING
KWENTO
Bintana
Ni
Peaches
Unang
pahina
Alam kong
hindi sila maghihiwalay. Dahil matagal na silang mag-asawa't magkaibigan
at hindi nila kayang dalhin sa konsensya na mapariwara ang bunso
nilang anak dahil sa kanilang paghihiwalay. Noong mga bata pa
kami, para sa tatlong magkakapatid ang pagsasama nilang dalawa.
Ngayon, para sa akin? O dahil takot na rin silang dalawang mag-isa?
Sana pwede akong pumili ng dahilan. Ayokong tanggapin na imposible
at pang-TV lang ang pagsasama ng dalawang tao. Kahit na matatanda
na sila, wala nang mga anak, wala nang sex life. Silang dalawa
sa loob ng bahay na kapwa nila pinundar. Nakakatakot makasama
ang isang taong matagal mo ng kasama pero hindi mo mahanap ang
dahilan kung bakit hanggang ngayon ay magkasama pa rin kayo. Mas
maigi pang mag-isa.
Inisip kong
tawagan sa cellphone ang ate, baka nasa bus. Wag na lang. Ang
kuya kaya? Sige. Subukan ko. Kaya ko 'to. Pero alas diyes na.
Dadating na naman yung dalawang yun mayamaya. Hihintayin ko na
lang. Umasa akong kakalma si Nanay dahil andun ako para mapaglabasan
niya ng sama ng loob. Pero pinili niyang pumunta sa kaibigan,
hindi raw niya kaya ang mga nangyayari. Matanda na raw siya, nanghihina,
nanliliit pa dahil sa pambabalewala ni Tatay.
Pinabayaan
ko na lang muna. Kakausapin ko si Tatay. Sana kausapin niya ako.
Mahal ko rin si Tatay at wala siyang nagawang pagkukulang sa amin
bilang ama. Hindi ko masasabing hindi ko siya naging kaibigan
dahil lumaki akong mas malapit sa kanya kaysa kay Nanay. nito
na lang nagdalaga ako ng maging magkasundo kami ni Nanay.
"Tatay,
pwede po bang pumasok?"
"Pasok?
Bakit? Anong kailangan?" garalgal ang boses ni Tatay.
"Ano
bang nangyari? Bakit kayo nagkagalit ni Nanay?"
"Nasan
ba nanay mo? Para nagkukuwento lang ako ng nangyari kahapon sa
bus. Biglang nagsungit. Nagdabog. Nang kumakain na kami ng pananghalian,
biniro kong maalat ang tinolang manok na niluto niya. Aba'y tumayo
at hindi na raw siya kakain. Kung gusto ko daw ay kumain na lang
ako sa labas."
Napabuntong-hininga
ako. Bakit kasi naman kailangan pang ikuwento ang nangyari kahapon
e.
"Sabi
ko na nga ba magtatampo 'yun dahil sa pagbibida kong may nagpapalipad
hangin sa akin e. Sus! Para yun lang e. Alam naman niyang hindi
ko ugaling mambabae. Saka ang tanda ko na ano?!"
"E di,
sana kinausap mo na lang muna. Para biruan lang naman pala e.
Kausapin mo na lang. Nagtatampo lang yun kasi laging walang tao
rito tapos pati ikaw may ibang inaatupag."
"Ay ewan!
Kapag lagi siyang ganyan lagi kaming mag-aaway. Nung mga bata
pa kayo ganyan na siya. Hanggang ngayon dala pa rin niya! Ano
ba naman 'yan?! Ano bang sinabi sa iyo? Saka nasan ba siya?"
"Sabi
niya bigla na lang daw uminit ulo mo tapos hindi mo na lang siya
kinibo. Na kina Tita Anne siya. Dun muna raw magpapalipas ng init
ng ulo."
Nag-ring ang
telepono. Sinagot ko naman agad. Si Nanay. Nagpapasundo kay Tatay.
Ibinaba ko na agad.
"Tay,
sunduin mo na raw siya kina Tita Anne. Gabi na rin e. Mayamaya
uuwi na sina Ate at Kuya wala si Nanay rito."
"Sige
na nga. Kanina pa ba siya dun? Ano bang sabi? Sunduin ko lang?"
Nakatawang pagtatanong ng tatay habang bumababa sa kama at nagsusuot
ng tsinelas niya.
"Medyo
kanina pa. Sunduin mo na?" nakangiti na rin ako.
Tumango na
lang si Tatay at dumiretso na palabas ng gate. Pumasok ulit ako
sa bahay, pinabuksan ang bintana kay Isay. Tinawagan ko na sina
ate at kuya para sabihang umuwi na. Mayamaya nang kaunti dumating
na ang mag-asawang nagkukulitan. Tumatawa na rin si Nanay habang
nambubuska naman si Tatay.
Sinalubong
ko sila para sabihang papauwi na ang mga kapatid ko. Maya-maya
dumating nang magkasabay ang ate at kuya. Dumiretso ako sa kusina
para iligpit ang pasalubong na prutas ni Ate. Diniligan ko ang
Vietnam rose ni Nanay, kahit na sarado ang mga talulot nila, sigurado
akong buhay sila at bukas bubukas ulit sila isa-isa. Napatingin
ako sa labas ng bintana. Hindi na nag-iisa ang buwan. Napansin
kong may mangilan-ngilan nang bituing kasama ang buwan. Masaya
na naman si Nanay.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|